TNM-Chapter 8*

1340 Words
Namamangha si Hunter, habang pinagmamasdan ang babaeng mahimbing na natutulog sa kama. Natatawang naiiling na lamang siya nang marinig ang mahina nitong paghilik. Hindi niya akalain na mababa pala ang tolerance nito pagdating sa alak, isang baso pa lang ang nainom ay tumumba na agad. Nagawa niyang madala ito sa kaniyang silid dahil hindi naman niya alam kung saan ba ito dapat na dalhin. Mahigit tatlong buwan na siyang hindi umuuwi sa kanila at ngayon na lang ulit siya nakabalik sa kanilang ancestral house. Hindi niya alam na may mga bago na palang empleyado na na-hire ang kaniyang ina. Nagtungo siya sa terrace na nagdudugtong sa kaniyang kwarto. Buhat doon ay tanaw niya ang mga kaganapan sa garden. Mangilan-ngilan na lamang ang mga bisita. Sinadya niyang hindi magpakita sa kaniyang pamilya. Hindi sila maituturing na malapit sa isa't-isa na magkakapatid, marami silang pagkakaiba at mga hindi pinagkakasunduan. Noong mga bata pa sila, si Pierce ay nawala nang ilang taon para mag-aral ng kolehiyo sa America, samantalang si Xander naman ay tumira sa kanilang lolo at lola sa Australia. Dahil bunso ay bukod tanging siya ang naiwan sa poder ng kanilang mga magulang. Nang mag edad disiotso ay bumukod na siya at nabuhay ng independent. Natigil siya sa pagmumuni-muni nang marinig niya ang isang galit na sigaw mula sa kaniyang silid kaya agad siyang napapasok. Nakita niya ang dalaga na nakaupo sa kama, ngunit nakapikit pa rin ang mga mata. "Humanda ka sa 'kin Carol! Sumbungera ka!" Napalakas ang tawa nang binata, kasi naman nagsasalita habang tulog ang dalaga at ang reaksiyon ng mukha nito ay talaga namang nakakatuwa. Nanunulis ang nguso habang ang isang kamay ay nakataas na para bang may dalang sandata at handa nang sumugod. "Hahaha! She's so funny," aniya habang nakamasid pa rin sa dalaga na walang kamalay-malay sa mga nangyayari. Tinamaan ito ng espiritu ng alak, lasing na lasing ito kahit isang baso lang naman ang nainom. Hindi niya alam kung kanino ito nagagalit sa kaniyang panaginip. Maya-maya ay bigla na lamang ulit itong nahiga at sa pagkakataong iyon ay medyo malakas na ang paghilik nito. Isang ngiti na naman ang sumilay sa mga labi ng binata. Alas dose na nang sipatin niya ang oras sa kaniyang mamahaling relo. Nakaramdam na siya nang antok, malayo-layo rin ang binyahe niya kanina mula airport, nanggaling pa kasi siya sa Japan. Wala siyang balak matulog kasama ang babaeng iyon sa iisang silid, kaya kumuha muna siya ng damit pantulog sa cabinet bago lumabas at magtungo sa guest room na katapat lang ng kaniyang silid. Nagkamali siya ng desisyon na dalhin ang babaeng iyon sa kaniyang kwarto, ang dapat pala ay idiniretso na niya ito sa guest room. Pagpasok sa silid ay sa banyo muna siya tumuloy para maligo. Makalipas ang ilang minuto ay presko na ang kaniyang pakiramdam na lumabas. Naupo siya sa kama at isinandal ang likod sa head board. Dahil medyo basa pa ang kaniyang buhok at hindi pa siya pwedeng matulog ay kinuha muna niya ang kaniyang cellphone at nag browse sa internet. Pagbukas pa lang niya ay mga larawan at short video na ng kapatid na si Xander ang bumungad sa kaniyang paningin. Kuha ang mga iyon sa okasyon na naganap ngayong gabi. Trending na naman ang pangalan ng kaniyang kapatid sa lahat ng social media platform. Napapailing na lamang siya. Ilang oras din siyang nakatitig sa cellphone, hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. _ "Huh!" Napabalikwas nang bangon si Cielo. Bigla siyang nakaramdam nang takot. Hindi niya alam kung ano ang nangyari at kung bakit naroon siya sa hindi pamilyar na silid? Inikot niya ang mga mata sa paligid, wala talaga siyang ideya kung nasaan siya ngayon, medyo masakit pa at kumikirot ang ulo niya. Sinubukan niyang alalahanin ang mga nangyari kagabi at huli lang niyang natandaan ay ininom niya ang baso na may lamang alak na pinainom sa kaniya ng estrangherong lalaki at pagkatapos ay blangko na ang lahat. Mas lalong lumakas ang t***k ng kaniyang puso. Naisip niya na hindi kaya, dinala siya ng lalaki na 'yon sa kung saan? Agad siyang siyang bumaba ng kama. Dahan-dahan ang kaniyang mga kilos. Hinanap ng mga mata niya ang lalaki sa loob ng silid ngunit hindi niya ito nakita. Sinamantala niya ang pagkakataon para makatakas. Tinungo niya ang pinto at pinihit anfg seradura niyon, natuwa siya dahil bumakas ito. Agad siyang lumabas, mabibilis ang mga hakbang. Kailangan niyang makatakas, kailangan niyang matakasan ang lalaking iyon. Nagulumihanan siya, habang patuloy ang paglalakad niya ay tila ba nagiging pamliyar sa kaniya ang lugar. Nangunot ang noo niya, nang bumababa siya nang hagdan ay naging maliwanag sa kaniya ang lahat. Hindi siya dinala ng lalaking iyon sa kung saan, nasa loob lang siya ng mansiyon, at isa sa mga silid sa mansiyon ang kaniyang pinanggalingan. Lalo lang tuloy nadagdagan ang kaba niya. Maraming tanong ang pumasok sa kaniyang isip. Dinala ba siya ng lalaking iyon sa silid? Pero, paanong mangyayari iyon, isa lang naman iyon sa mga bisita? Hindi maaaring magka-access ito sa loob ng bahay ng mga Lagdameo. Bigla siyang napatutop sa kaniyang bibig ng maisip na baka, wala namang nagdala sa kaniya sa silid na iyo, baka siya mismo ang kusang pumasok sa mansiyon at natulog sa isa sa mga silid na doon. Nagmamadali siyang lumabas, takot na takot siya na may makakita sa kaniya.Tahimik ang paligid, wala pang mga tao, mukhang tulog pa ang lahat dahil pagod sa naganap na party kagabi. Kapag nakita siya ng kahit isa sa kaniyang mga amo ay tiyak na malalagot siya. Hindi niya alam kung ano ang maaaring gawin sa kaniya ng mga ito. Nakahinga siya nang maluwag ng makalabas siya ng walang nakapansin sa kaniya. Hindi niya alam kung anong oras ngunit madilim pa ang paligid. Ang problema naman ngayon ay kung paano siya makakapasok sa servants quarter ng walang makakakita sa kaniya. Kailangan makabalik siya sa kanilang silid tulugan bago pa may makadiskubre na hindi siya roon natulog kagabi. Para siyang nasa isang suspense movie ng mga sandaling iyon. Abot-abot ang kaniyang kaba habang tinatahak ang daan patungo sa servants quarter. Pasalamat siya pati ang gwardiya na naka-duty ay nakatulog din at hindi siya napansin ng mapadaan siya sa harapan nito. Masuwerte siya at hindi naka-lock ang bahay, nakalimutan siguro ng huling pumasok na i-lock ang pinto. Agad siyang umakyat ang tinungo ang kanilang silid. Hindi muna siya pumasok, nakiramdam muna siya buhat sa labas. Tahimik, wala siyang marinig na ingay maliban sa mga nagpapaligsahan ng hilik. Isa lang ang ibig sabihin niyon, malalim pa ang tulog ng kaniyang mga kasamahan. Hindi naman nakapagtataka iyon, ang lahat ay pagod sa mahabang oras na pagtatrabaho kaya sinamantala niya ang pagkakataon. Huminga muna siya nang malalim bago pinihit ang seradura ng pinto. Maingat ang mga kilos niya, sinikap niyang huwag makalikha ng anumang ingay para hindi niya magising ang mga tao sa loob. Matagumpay siyang nakapasok. Tama siya, mahimbing na natutulog ang lahat. Umakyat siya sa double deck para makarating sa kaniyang higaan. Pigil hininga ang ginawa niyang pag-akyat, may langit-ngit na nilikha iyon ngunit maswerteng walang nakarinig. Nakaakyat siya ng matiwasay, naupo muna siya ng ilang minuto bago nahiga. Matagal na siyang nakahiga ay hindi na siya dalawin ng antok. Iniisip niya kasi, bukod ba sa pagtulog niya sa mansiyon ay may nangyari pa kayang iba?. Maayos naman ang suot niya, uniporme pa rin ang damit niya. Kinapa-kapa niya ang sarili, wala namang masakit sa kaniya. Wala siyang kakaibang nararamdaman. Napabuntong hininga siya nang malalim. Sino ba ang makakapagsabi sa kaniya kung ano ang nangyari sa kaniya kagabi? Ngayon pa lang ay kailangan na niyang ihanda ang sarili. Siguradong hindi palalampasin ni Carol ang nangyaring iyon. Lagi itong nakabantay sa bawat kilos niya, kaya alam nito na nawala siya. Pabiling-biling siya sa higaan. Ayaw niyang mapagalitan na naman ni Madam Sylvia, pero paano kung magsumbong si Carol? Hindi niya alam kung paano malulusutan iyon, ni hindi nga niya alam kung ano ang nangyari sa kaniya kagabi. Isang buntong hiningang malalim na naman ang pinakawalan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD