"Nagkikita pa rin ba kayo ni Francis kahit alam mong malapit na siyang ikasal?"
Tanong ni Marco. Halos hindi na niya matuloy ang pagkain.
Nakaupo lang siya at nakatingin kay Marco. Ayaw na niyang sumagot. Tutal hindi naman ito maniniwala. Pagod na siyang magpaliwanag tapos sasabihan lang siyang sinungaling.
"Ano ang sinabi sa 'yo ni Hazel?" balewala niyang tanong. Pinakita niyang wala na siyang pakialam sa issue nina Francis at Hazel.
"Ikaw ang babaeng dinadayo ni Francis sa Maynila," walang ekspresyong sagot ni Marco.
"Dinadayo," tuya niya.
"Marami namang ibang lalaki diyan. Bakit hindi mo na lang hayaan si Francis at Hazel. Ikakasal na ang dalawa. Huwag ka na ring umasa na dahil sa isang katulad mo hindi itutuloy ni Francis ang pagpapakasal kay Hazel," litanya nito sa kanya.
Nainsulto siya. Ganoon na ba kababa ang tingin nito sa kanya.
Tinulak niya palayo ang platong nasa harapan at nagtaas ng mukha. Masyado na siyang minamaliit ng lalaking ito. Para bang hindi siya kilala ni Marco.
"Mr. Marco Leonardo, you don't know who I am," mariin niyang sabi.
Ngumisi si Marco. Lalo siyang nainis. Para bang iniinsulto talaga siya nito.
"Baka nakakalimutan mo, Savannah, nasa modern world ka na. Hindi mo na kailangan ng private investigator para malaman mo ang tungkol sa isang tao. Lalo na sa isang famous model na kagaya mo. Nasa social media na ang lahat ng impormasyon tungkol sa 'yo," nakangising paliwanag nito.
"You mean, katulad ka rin nila na madaling maniwala sa kung ano ang nababasa sa social media at naririnig sa ibang tao?" tanong niya. Itinaas niya ang baba.
Masyado nang mababa ang tingin sa kanya ng lalaking ito.
Nag-search din naman siya tungkol kay Marco Leonardo. Wala siyang nabasang hindi maganda. Halos lahat puro papuri, lalo na pagdating sa negosyo. Wala lang siyang makita tungkol sa mga naging babae nito. Maingat siguro ito. O magaling lang magtago.
Sa itsura pa lang ni Marco, maraming babaeng maghahabol dito. At sigurado siyang matakaw din ito sa babae.
"Maybe naniwala ako dahil nakaharap kita," sagot ni Marco. Itinuro pa siya nito.
Kumunot ang noo niya at napayuko. Alerto siya na wala siyang suot na bra.
"Look at you. You're not wearing a bra habang nakikipag-usap ka sa akin. I am a man na hindi mo naman kilala. At nasa loob ka ng pamamahay ko. Tayo lang dalawa ang andito," sabi ni Marco. Itinuro pa ang dibdib niya.
"Easy. I trust you, Marco," mabilis niyang sagot.
"So lahat ba ng lalaki pinagkakatiwalaan mo na? Kaya wala kang pakialam kung makita ka man na halos hubad na?" tanong ni Marco.
"I trust you, Marco, because you saved me," taas-noong tugon niya.
"Hindi porke niligtas kita, eh ligtas ka na pati sa akin," sabi nito.
Hindi na siya kumibo. Hindi naman iyon ang pinag-uusapan nila.
"Tapos na akong kumain," sabi niya at akmang tatayo na nang bigla siyang hawakan ni Marco sa braso para pigilan.
"Hey, ano ba," asik niya. Pilit niyang binabawi ang braso.
"Hindi pa tayo tapos mag-usap tungkol kay Francis."
"Ano pa ba ang sasabihin ko? Hindi ka naman makikinig sa akin. Paniniwalaan mo pa rin naman kung ano ang mga sinabi sa 'yo ni Hazel!" matapang na sagot niya.
"You're right. But still, I want to hear your side. Kung bakit mo pa rin sinisiksik ang sarili mo kay Francis kahit alam mong malapit na silang ikasal ni Hazel!"
"Hindi ko sinisiksik ang sarili ko!" asik niya. Pilit na binabawi ang braso. "Bitiwan mo nga ako! Aalis na ako ngayon din para hindi mo na ako problemahin pa!"
Nang mabawi niya ang braso, agad siyang tumalikod para umakyat sa itaas.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Marco.
"Kukunin ko lang ang mga gamit ko at aalis na ako! Uuwi na ako ng Maynila!"
"Paano ka naman uuwi?"
"Kaya kong mag-bus!" sigaw niya. Nagmamadali siyang paakyat ng hagdan.
"Hindi ka pwedeng bumalik ng Maynila, Savannah!" sigaw ni Marco.
Binalewala niya ito. Binilisan niya ang pag-akyat. Kahit sumakay pa siya ng bus, gagawin niya. Makabalik lang ng Maynila at makalimot sa bangungot na ito.
Pagpasok niya sa silid, hinila niya agad ang bag. Isinuksok niya basta ang mga gamit para makaalis na.
"What the hell are you doing, Savannah?" mariing tanong ni Marco. Sumunod pala ito sa kanya.
"Aalis na ako ngayon din! Uuwi na ako sa Maynila!" asik niya. Hindi niya ito nilingon.
"Hindi ka aalis ng bahay ko, Savannah. Hindi ka pwedeng bumalik ng Maynila hangga't hindi ko sinasabi!" maotoridad na sabi ni Marco.
Natigilan siya at nilingon ito.
"What?"
"Hindi ka aalis. Hindi ka babalik ng Maynila. Hindi ka makikipagkita kay Francis!" Iginigting nito ang panga. Galit ang nasa mga mata.
Nagtataka siya kung bakit ganoon ito kagalit. Ganoon ba kahalaga sa kanya si Hazel.
"Hindi ako makikipagkita kay Francis!" sabi niya.
"Liar!" akusa ni Marco.
Nasaktan siya. Nasasaktan siya tuwing sinasabihan siyang sinungaling. Hindi siya sinungaling. Bakit noong hindi pa dumadating si Hazel, pinaniniwalaan siya ni Marco. Bakit ngayon lahat ng sasabihin niya ay kasinungalingan na.
"Alam kong nasa Maynila ngayon si Francis. Kaya kating-kati kang makabalik ng Maynila at makipagkita sa kanya!" akusa nito.
Iniling niya ang ulo. Wala siyang ideya kung nasaan si Francis. Wala siyang pakialam. At lalong wala siyang balak makipagkita pa sa lalaking iyon.
"I am helping a friend. Malapit sa akin si Hazel. Mga bata pa lang kami magkakilala na kami. Saksi ako sa bawat heartbreak niya. At ngayong malapit na siyang ikasal sa lalaking pinakamamahal niya, hindi ko hahayaan na may humadlang pa," mahaba nitong litanya. Galit ang tinig.
Walang salitang lumabas sa bibig niya. Iling lang siya ng iling. Hindi niya maintindihan.
"Isang linggong mananatili si Francis sa Maynila para sa mga business meetings nito. At susunod doon si Hazel. Hulog na rin ng langit na sa akin ka bumagsak nang gabing iyon. Dahil mapipigilan kitang makabalik ng Maynila para guluhin sina Francis at Hazel!" patuloy nito.
"Wala akong balak manggulo," mahina niyang sabi. Sakto lang na umabot sa pandinig nito.
"Wala nga ba?" makamandag na tanong ni Marco. Humakbang ito palapit sa kanya.
"Wala, Marco. Nagkakamali ka," sabi niya.
Nagulat na lang siya nang biglang agawin ni Marco ang bag niya at ibuhos ang laman sa sahig.
Nanlaki ang mga mata niya. Nakatingin sa mga gamit niyang nagkalat.
Yumuko si Marco. Dinampot ang cellphone niya. At basta na lang itinapon sa sahig ang mamahalin niyang bag. Pinaka-iingatan pa naman niya iyon. Dugo at pawis ang binigay niya para mabili iyon.
"Habang nasa Maynila sina Francis at Hazel, mabuti nang dito ka na muna. Para hindi ka makapanggulo!" sabi nito. Pinatay nito ang cellphone niya.
"Hindi ako nanggugulo! Akin na ang cellphone ko!" sigaw niya.
"Para ano? Para matawagan si Francis at magpasundo ka sa kanya?" tanong ni Marco.
"No! Hindi ko gagawin iyon! Wala na akong pakialam pa kay Francis!" sigaw niya.
Iyon ang totoo. Niloko din siya ni Francis. Nagpanggap lang ito na mahal siya. Ang totoo, nais lang siya nitong maikama. Kumakalat sa trabaho niya na wala pa siyang naging nobyo kundi ito lang.
Minsan tinanong siya ni Francis kung totoo bang siya ang una niyang nobyo. Naging honest lang siya. Sinabi niyang oo.
Tinanong din siya nito tungkol sa s*x life niya. Sinabi niyang zero pa.
Doon nagsimula ang pamimilit ni Francis. Pinipilit siya nitong sumama sa condo o sa hotel. Tumanggi siya. Ang dami ng tsismis na hindi lang siya ang dine-date nito. Iniinsulto pa nito ang trabaho ng Mommy niya.
Kaya nakipaghiwalay na siya. Ramdam niyang nilalaro lang siya ni Francis. Walang balak seryosohin. Kinahihiya pa siya nito. Iniiwas siya nito kapag may nakakasalubong na kakilala.
"Huwag mo na akong lokohin pa! Sinabi sa akin ni Hazel na isa ka sa mga babae ni Francis na binabalik-balikan niya sa Maynila! No doubt kaya kating-kati kang makabalik ng Maynila para pagsilbihan ang tarantadong iyon!" galit na sigaw nito.
Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon katindi ang galit ni Marco sa kanya.
"Why, Savannah? Magkano ba ang kinikita mo sa pag-serbisyo mo kay Francis sa kama?" tanong nito.
Pinandilatan niya ito. Umigkas ang kamay niya para sampalin ito. Hindi niya matatanggap ang pambabastos at pang-iinsulto.
"Bastos ka!" asik niya.
Nahuli ni Marco ang braso niya bago pa dumapo sa pisngi nito. Mahigpit ang pagkakahawak. Ramdam niyang bumabaon ang mga daliri sa balat niya. Napangiwi siya sa sakit pero tiniis niya.
"Bakit, Savannah? Masakit bang marinig ang katotohanan?" tagis-bagang na tanong nito. Lalong humigpit ang hawak sa braso niya.
"Bitiwan mo ako! Wala kang alam! Hindi mo ako kilala!" gigil na galit na sabi niya. Halos magbasagan ang mga ngipin niya. Nanginginig ang buong katawan niya sa galit.
Marami na ang uminsulto at nambastos sa kanya. Pero hindi pa siya nagalit nang ganito katindi.
"Kilala kita, Savannah Cortez. Binibilad mo ang katawan mo sa tabloid para kumita ng pera para sa mga luho mo. Wala ka ring pinagkaiba sa nanay mo!" insulto nito.
"Walanghiya ka!" asik niya. Sinubukan niyang sampalin ito gamit ang isang kamay. Naunahan na naman siya ni Marco at nahuli ang braso niya.
"Don't you dare, Savannah. Hindi ako nagpapasampal sa isang mababang uri ng babae lang!" mariing sabi nito. Hinila pa siya palapit sa katawan nito. Bumunggo siya sa matigas nitong dibdib habang hawak-hawak ang dalawa niyang kamay.
"Bitiwan mo ako!" sigaw niya. Wala itong karapatan na hamakin at insultuhin siya nang ganito. Para bang isa siyang maruming babae.
"Oo, binibilad ko ang katawan ko kung saan. Pero para sabihin ko sa 'yo, hindi ko kailanman binenta ang katawan ko kanino man!" mariin niyang sabi.
Nakangisi lang si Marco. Para bang sinasabi nito na kahit ano pa ang sabihin niya, hindi ito maniniwala. Lalo siyang naisulto.
"Don't waste your time trying to explain your dirty job to me, Savannah. I wasn't born yesterday. Matagal ko nang alam ang ganyang karuming gawain sa modeling. You can't fool me with your innocent eyes, Savannah!" litanya nito habang nakatitig sa mga mata niya.
Iniling niya ang ulo. Nagbuka ang bibig niya para depensahan ang sarili pero walang lumabas na salita. Bigat na bigat ang dibdib niya sa sama ng loob.
"Isang linggo kang mananatili rito sa bahay ko. Ako ang magsasabi kung kailan ka makakabalik ng Maynila. Huwag mong problemahin ang kitang mawawala sa 'yo sa loob ng isang linggo. Kaya kong doblehin iyon," litanya nito. Marahas siya nitong itinulak sa kama.
Napahiga siya. Pero mabilis siyang bumangon at umupo. Masama ang tingin niya kay Marco.
"Be a good girl, Savannah. Huwag kang gagawa ng gulo. I am watching you," banta nito bago humakbang palabas ng silid at iniwan siya sa loob.