PAKIRAMDAM ni Aniah, tumalon na naman ang puso niya palabas sa kaniyang dibdib. Bakit hindi? Dashingly gorgeous si Evo ng mga sandaling iyon. Para bang hindi niya mapapaniwalaan na nasa mababang antas ito ng lipunan. Halos walang tulak-kabigin. He’s really here, Aniah, anang isipan niya sa kaniya. Aniah, wake up! Baka nakakalimutan mo na kay Evo na rin nanggaling na kahit pakikipagkaibigan, hindi niya maiibigay sa iyo. Forget him! sigaw naman ng isang bahagi ng isipan ni Aniah. Lihim na napalunok si Aniah. Sinikap niyang maging pormal ang ekspresiyon ng mukha kay Evo. Ayaw niyang makikita nito ang lungkot mula sa kaniyang mga mata. “Ano’ng gusto mong sabihin? Dito mo na sabihin,” lakas-loob na wika ni Aniah na hindi na nag-abala pang umalis sa munting pasilyo na iyon ng kaniyang suite.