Prologue
July 28,1949…
“Senyorita Katarina, nakahanda na po ang inyong sasakyan patungong San Pascual.” Pahayag ng isa sa mga katulong ni Katarina.
Mataman niya itong tiningnan bago ngumiti. “Mukhang bagong gupit ang buhok mo, Julia.” Pansin niya sa bagong gupit na buhok ng isa sa mga katulong niya. “Maganda, bagay sa’yo.”
“Maraming salamat po, Senyorita.” Malaki ang ngiting sabi nito bago siya tinulungan sa pagbubuhat ng kaniyang mga bagahi.
Maingat na tinungo nila ang sasakyan. Ayaw niyang mahuli siya ng mga tauhan ng kaniyang Papang. Panigurado kasing pipigilan siya nito’t ikukulong sa kaniyang kuwarto. Hindi dapat na mangyari iyon dahil ngayon ang araw para sa nakatakda nilang pagtatanan ni Ybarro.
Mahal na mahal ni Katarina si Ybarro. Nakilala niya ito nang minsang mamasyal siya sa malapad na maisan ng kaniyang abuelo. Naging matalik niyang kaibigan ang binata hanggang sa pareho nilang ipinagtapat ang kanilang nararamdaman. Pero tutol ang kaniyang Papang sa relasyon nila ni Ybarro, sapagkat isa lamang itong hamak na mambubukid. Nalalayo sa buhay niyang tinitingala ng maraming tao.
Si Crisostomo ang napipisil nitong ipakasal sa kaniya. Dahil ito raw ang lalaking nararapat para kay Katarina. Pareho daw silang tagapagmana ng pamilya.
Akmang sasakay na sa nakaparadang kotse si Katarina nang marinig niya ang malakas na pagtawag sa kaniya ng kaniyang Papang. Nasa tabi nito si Crisostomo na handa nang hilahin siya kung papayagan ng kaniyang Papang. Pero hindi na nagdalawang-isip pa si Katarina. Mabilis siyang sumakay at binilinan si Pancho na bilisan ang pagmamaneho.
Halos kumawala sa kaniyang dibdib ang kaniyang puso sa sobrang lakas ng kabog niyon. Nasa likod ng kotse lang ang tingin ni Katarina dahil mabilis na nakasunod ang kaniyang Papang at si Crisostomo.
“Pancho, bilisan mo pa ang pagmamaneho, maaabutan na tayo ni Papang!” Kinakabahang turan ni Katarina.
Kaagad naman siyang sinunod ni Pancho. Hanggang sa hindi niya na matanaw ang kotseng sinasakyan ng Papang niya.
“Idiretso mo sa bahay ni Ybarr-.” Hindi naituloy ni Katarina ang dapat na sasabihin nang bumulaga sa kanilang harapan ang kotse ng kaniyang Papang. Hindi sumagi sa isip niyang sa ibang kalsada ito dadaan.
Wala silang nagawa ni Pancho kundi ang bumaba nang makita nila ang galit na hitsura ng kaniyang Papang. “Katarina, anong kalokohan itong ginagawa mo?” Mariing tanong ni Lucio sa anak.
“Papang, pabayaan niyo na akong makasama si Ybarro!” Naiiyak na pakiusap ni Katarina sa kaniyang Papang na ngayo’y may nagbabagang tingin.
“Hindi ka kayang buhayin ng hamak na mambubukid, Katarina! Si Crisostomo ang nababagay sa iyo!” Malakas na sabi nito sa kaniya na mas lalo niyang ikinaiyak.
Napansin naman ni Katarina ang malapad na ngiti ni Crisostomo. “Hindi ko mahal si Crisostomo, Papang! Si Ybarro lang ang mahal ko! Hindi niyo ako mapipi-Papang!” Malakas niyang sabi nang biglang mapahawak ng mahigpit sa dibdib si Lucio. Mabilis niya itong dinaluhan.
“Ano pang tinutunganga ninyo? Tulungan niyo akong madala si Papang sa ospital!” Umiiyak na sabi Katarina na kaagad namang sinunod ni Pancho at ni Crisostomo.
Gustuhin mang ituloy ni Katarina ang pagpunta kay Ybarro ay hindi niya magawang iwan ang kaniyang Papang. Ayaw niyang iwan ito sapagkat siya na lamang ang nag-iisa nitong kasama sa buhay.
Pero nang matapos madala ang kaniyang Papang sa pagamutan ay tuluyan na siya nitong iniwan. Inatake sa puso ang kaniyang Papang. Hindi niya alam na ilang beses na pala iyong nangyari at ang huli at siyang kumitil sa buhay ng kaniyang ama’y siya pa ang naging dahilan.
Ilang araw lamang na ibinurol ang katawan ni Lucio Hernandez. At ngayon ang araw ng libing nito. Ngayon din ang araw na babasahin ng kanilang abogado ang huling habilin ng kaniyang Papang.
“Atty. Rosario, alam kong may isang kondisyon si Papang para makuha ko ng buo ang aking mana.” Pagpaprangka ni Katarina sa kanilang abogado.
“Ganoon nga…” sagot nitong nakatingin sa katabi niyang si Crisostomo. “…mapapasaiyo lamang ang mana kung pakakasal ka kay Crisostomo. Kapag nangyari iyo’y bahala ka na sa kung anong gusto mong mangyari sa mga iniwan sa iyo ni Lucio.”
Isang mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Katarina. Ilang sandali siyang nahulog sa pag-iisip hanggang sa magpakawala siya ng isang buntong-hininga. “Gusto kong makausap si Ybarro.”
“Katarina!” malakas na bulalas ni Crisostomo.
“Huwag kang mag-alala Crisostomo. Mapapasaiyo ako gaya ng napagkasunduan ninyo ni Papang. Sa ngayo’y gusto kong makausap si Ybarro kaharap kayong lahat sa huling sandali.”
Walang nagawa ang lahat kundi ang pagbigyan siya sa kaniyang nais. Mabilis na sinundo ni Pancho si Ybarro sa San Pascual. Kahit na inabot sila ng takip-silim ay matiyaga silang naghintay hanggang sa dumating ang binata.
“Katarina!” may pananabik na tawag ni Ybarro sa kasintahan. Mahigpit silang nagyakapan sa harap ng mga taong nasa silid. “Akala ko’y hindi na tayo muling magkikita.”
“Patawad, Ybarro.” Mahinang sabi ni Katarina habang mahigpit na niyayakap ang binata.
Isang malakas na tikhim ang pinakawalan ni Crisostomo na siyang nagpahiwalay sa dalawa. “Narito na si Ybarro, bakit hindi mo pa sabihin ang dapat mong sabihin, Katarina?”
Muli, isang mapait na ngiti ang pinakawalan ni Katarina. “Tinatanggap ko ang huling habilin ni Papang. Pakakasal ako sa iyo, Crisostomo, subalit…”
Nakita ni Katarina ang sakit na bumalatay sa maamong mukha ni Ybarro. “Katarina…”
“…ang lahat ng manang matatanggap ko’y ililipat sa pangalan ni Ybarro Sebastian. Walang matitira kahit na isang kusing sa akin, Atty. Siguraduhin mong lahat ay nasa ayos, gawin mo ang lahat sa lalong madaling panahon.” Malamig na turan ni Katarina.
“Anong kahibangan ito Katarina?!” galit na sigaw ni Crisostomo.
“Hindi ako pakakasal kay Crisostomo hangga’t hindi naililipat sa pangalan ni Ybarro ang aking mana.” Dagdag niya pa na ikinasinghap ni Crisostomo at ng ilang nasa silid, maliban kay Ybarro na tiim ang bagang na nakatitig sa kaniya. Tila hindi nito nagustuhan ang kaniyang desisyon. “Hindi ba’t ako ang nais mong pakasalan hindi ang mana ko, Crisostomo? Hindi mo kailangang magalit dahil mapapasaiyo na ako.”
Iyon ang plano ni Katarina. Alam niyang ang mana lamang niya ang habol ni Crisostomo. Kaya gumawa rin siya ng kondisyon. Hindi siya pakakasal rito hangga’t hindi naisasapangalan ni Ybarro ang kaniyang mana.
“Kung ganoon, bukas na bukas ay aasikasuhin ko na ang lahat.” Pagsagot ni Atty. Rosario sa sinabi ni Katarina.
Natahimik ang lahat hanggang sa isa-isa nang umalis ang kanilang mga kasama. Maliban kay Ybarro na tiim pa rin ang mga bagang at si Crisostomo na handa nang magbuga ng apoy.
“Nahihibang ka na, Katarina! Bakit mo ibibgay sa lalaking iyan ang manang pinaghirapan ng iyong abuelo’t papang?”
“Bakit parang mas nag-aalala ka pa sa mamanahin ko kaysa sa akin?” Walang ekspresiyong tanong ni Katarina sa lalaki. “Umalis ka na, Crisostomo, mag-uusap kami sandali ni Ybarro.”
Labag man sa loob ay lumabas ng silid si Crisostomo. Kaya binalot ng katahimikan ang apat na sa sulok ng kuwartong kinaroroonan nila ni Ybarro.
“Alam kong galit ka sa biglaan kong pagdidesisyon.”
“Sinong hindi magagalit sa mga sinabi mo?” Mapait na sabi ni Ybarro. “Mas gugustuhin ko pang makasama ka sa kubo ko kaysa sa magkaroon ako ng maraming salapi kapalit ng kaligayahan ko.”
Mabilis na iniwas ni Katarina ang kaniyang tingin. “Mas gugustuhin kong sa iyo mapunta ang yaman ko kaysa sa gahamang pamilya ni Crisostomo.” Pagsagot niya.
“Pero mahal kita, Katarina!”
“Mahal rin naman kita! Pero ito lang ang alam kong paraan!” Hindi na napigilan ni Katarina ang mapaluha nang mahigpit siyang yakapin ni Ybarro. “Kahit na ilang beses akong pakasalan ni Crisostomo’y ikaw pa rin ang mamahalin ko.”
“Alam ko.” Mahinang sambit ni Ybarro. “Pero paano ang puso ko, Katarina?”
“Si Julia…” Mapait ang ngiting banggit niya sa pangalan ng kaniyang yaya. “…alam kong may lihim siyang pagtingin sa iyo. Mahal ka niya Ybarro. Walang kaso sa akin kung pakakasal ka sa kaniya. Ako mismo ang magpapahanda ng inyong kasal. Ako mismo ang-.”
“Wala akong ibang gustong pakasalan kundi ikaw lang, Katarina.”
“Alang-alang sa akin Ybarro.”
“Pero…”
“Pakiusap…” mahina niyang sabi na ikinabuntong-hininga ni Yabrro. “…mas mapapanatag ang loob ko kung si Julia ang pakakasalan mo.”
Sandaling natahimik si Ybarro bago tuluyang kumawala ang luhang kanina pa nito pinipigilan. Marahan itong napatango. “Pangako, pakakasal ako kay Julia. Pero, hahanapin kita, kahit saang lupalop ka man ng mundo dalhin ni Crisostomo. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng pag-aari mo kapag nangyari iyon.”
Isang malungkot na ngiti ang nagawa ng mga labi ni Katarina. “Hanapin mo ako, Ybarro. Kapag nangyari rin iyo’y, babalik ako sa iyo.”
—
March 25, 1950.
Saan mang lupalop ng mundo.
Hahanapin kita, irog ko.
Ano mang oras o panahon.
Pagibig ko’y di maglalaon.
Mahal kita.
Ybarro.
“That’s the nth time I’ve seen you reading that piece of paper.” Marahang ibinaba ni Tinay ang kapirasong papel na nakuha pa niya sa isang baul.
“Hindi ko mapigilang hindi basahin.” Pagsagot niya sa kaniyang inang nag-aayos ng kanilang mga gamit.
Ito kasi ang araw na tutulak sila pauwi sa probinsya ng kaniyang Lola. Ang Lola niyang kaunting kembot na lang ay makukuha na ang ipinangakong isang daang libong peso ng mahal na Pangulo ng bansa. Siyamnapu’t isang taon na ito sa darating na Sabado. Kaya heto sila’t nageempake para sa pagluwas.
“Sandali, iyan ba iyong hinahanap ni Mama?” kunot ang noong tanong ni Soledad sa anak na ngayo’y ibinabalik na ang mga papel sa baul na pinagkunan. “Iyan na nga yata iyong mga love letters na pinakatatago niya. Saan mo iyan nakuha?”
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni Tinay bago humarap sa ina. “Ipinabaon niya sa akin noong huli tayong umuwi sa San Antonio. Alam mo namang ako yata ang paboritong apo ni Lola.” Pabungisngis na sagot ni Tinay sa ina. Paanong hindi siya ang magiging paborito nito eh, nag-iisa lamang siyang apo ng kaniyang Lola.
Hindi na lamang kumibo ang kaniyang ina. Kapwa sila nagpatuloy sa pag-aayos ng mga gamit. Pagkatapos ay kaagad na silang pumara ng traysikel para magpahatid sa terminal ng bus.
Ang kaniyang ina ay tubong Mindoro. Sa San Antonio Mansalay sila nakatira, malapit sa dagat. Ang totoo, mayroon silang rest house doon na kahit yata magkasakit ng malubha ang lola niya’y hindi iyon ipagbibili para ipanggastos sa maintenance nito.
Isang guro ang kaniyang ina sa isang pampublikong paaralan sa San Antonio. Kaya lamang ito nasa Batangas ngayon ay para sunduin siya. Nag-aaral kasi siya sa isang kilalang unibersidad sa Batangas. Sa katunaya’y malapit niya nang matapos ang apat na taon sa kursong katulad ng sa ina niya. Isang taon na lamang at matatanggap niya na rin ang diplomang pinaghihirapan.
Nang makarating sa Batangas Port ay saglit silang nagpahinga ng ina sa waiting area. Maaga pa naman kasi, inihahanda pa ang barkong sasakyan ng mga pasaherong kagaya nila na papuntang Mindoro.
“Ma, bibili lang ako ng tubig. May gusto ka bang ipabili?” tanong niya sa inang abala sa panunood ng Tulfo in Action sa cellphone nito.
“Wala…” sagot ni Soledad na hindi man lang iniaalis ang mga mata sa pinapanood, “Bumalik ka kaagad, kalahating oras na lang at aalis na ang barko.”
“Opo.” Mabilis niyang pagsagot bago tuluyang umalis para bumili ng tubig.
Panaka-nakang nililingon ni Tinay ang puwesto ng kaniyang ina. Mahaba kasi ang pila sa tindahang kinaroroonan niya. Ayaw niyang maiwan siya ng ina dahil alam niyang hindi niya kayang bumiyaheng mag-isa.
Nang nasa counter na si Tinay ay isang maluwag na paghinga ang kaniyang pinakawalan. Pero ang akala niyang makakapagbayad na siya’y biglang naudlot. Mayroon kasing biglang sumulpot sa unahan niyang isang lalaki. May hawak rin itong bote ng tubig.
“Miss, pwede ako muna, maiiwan na kasi ako ng barko.” Mabilis na sabi ng lalaki kay Tinay bago nito iniabot ang hawak sa babaeng nasa counter.
“Excu-.”
“Tinay! Bilisan mo’t pinapapasok na ang mga tao sa barko.” Naagaw ng ina ni Tinay ang kaniyang atensiyon. Kaya hindi niya na napagsalitaan ang lalaking sumingit sa pila.
Nang lumingon si Tinay sa harap ay wala na ang lalaki. Tanging likod na lamang nito ang nakita niya habang mabilis na naglalakad papalayo.
Muli siyang napabuntong-hininga bago napairap.
----