"YBRAHM!" Malakas na tawag ang nagpalingon kay Ybrahm. "Dude, tubig lang ang bibilhin mo, inabot ka na ng siyam-siyam." Pang-aalaska sa kaniya ng matalik niyang kaibigan na si Martin.
"Yeah right, nagmukha tuloy akong bastos doon sa babae." Pangangatwiran niya nang maalala ang bigla niyang pagsingit sa unahan. "Kasalanan mo rin naman kung bakit ngayon lang ako. We can just buy water inside."
"Dude, mahal ang tubig sa barko. Hindi mo ako kasing-yaman." Sagot ni Martin na ikinailing na lamang niya.
Sa loob nila napiling pumuwesto ni Martin. Kung siya ang tatanungin ay mas gugustuhin niyang sa labas na lamang maupo. Presko ang hangin at magandang tanawin ang mga islang madaraanan nila. Pero ang kaibigan niya kasi'y napakaarte. May aircon raw sa loob at tv kaya mas maganda raw.
"Sa labas muna ako, Mart." Pagpapaalam niya sa kaibigan na tinanguhan lamang nito.
Pasipul-sipol na lumabas si Ybrahm. Maraming pasahero ang barko at lahat ay piniling sa loob pumuwesto. Ayaw niya sa ganoon, kaya minabuti niyang sa upuan sa labas na lang ubusin ang oras.
"Ayan, kapag iyan inilipad ng hangin, kagagalitan ka ni Mama." Dagling napalingon si Ybrahm sa pinanggalingan ng boses. Isang may edad na babae ang nalingunan niyang nakatingin sa isang dalagang nakatalikod habang may hawak na maliit na papel.
"Ma, masarap magbasa ng love letter sa ganitong paraan. Pakiramdam ko tuloy ako si-." Hindi nito naituloy ang sinasabi nang magtama ang kanilang mga tingin. Noon niya napagtantong ito ang babaeng inunahan niya sa pagbabayad sa counter.
Mabilis siyang tumikhim pagkatapos ay iniwas ang mga mata. Pinasadahan na lamang niya ng tingin ang malawak na karagatan.
It's his second time in Mindoro. Ang una ay noong naimbitahan siya ni Martin sa kasal ng kapatid nito. Ngayon nama'y niyaya siya nitong magbakasyon. Masyado na raw kasi siyang subsob sa mga papeles na buong araw niyang binabasa at pinipirmahan.
Ilang beses niyang tinanggihan ang kaibigan pero nang malaman niyang ipinagpaalam na siya nito sa kaniyang Papa ay hindi na siya nakatutol. Maging ang Papa niya kasi'y pinipilit siyang magbakasyon.
"Sa tingin mo Ma, kung nagkatuluyan kaya si Lola at itong lalaki sa sulat, magiging masaya kaya siya?" Muling narinig ni Ybrahm ang boses ng dalaga.
"Hindi ko alam anak." Ayaw man niyang makinig ay hindi niya mapigilan ang sarili. "Pero sa tingin ko kung sila ang nagkatuluyan, wala ako dito sa mundo at wala ka rin. Tigilan mo na ang pagbabasa ng mga iyan at baka tumanda kang dalaga."
Hindi napigilan ni Ybrahm ang mapangiti nang makita niya ang pagsimangot ng dalaga. Noon niya napagmasdang maigi ang hitsura nito. Maliit ang mukha, may matangos na ilong at kulay itim na itim na mga mata, pero kapag nasisinagan ng araw ay nagiging brown. Nakakamangha.
Mahahaba rin ang pilik-mata nito at manipis ang may natural na kulay pulang mga labi. Mahaba ang kulay brown nitong buhok na alam niyang ginamitan lamang ng pangkulay. Bagay rito ang suot na ripped jeans at fitted top na pinatungan ng itim na cardigan. Hindi man ito katulad ng mga babaeng nakarelasyon niya'y tila iba ang dating ng dalaga.
Ilang taon na kaya ito? Ano kayang pangalan niya? Bulong ni Ybrahm sa kaniyang isipan.
Maya-maya'y nakaramdam sila ng paggewang ng barko. Hindi niya iyon pinansin dahil alam niyang normal lamang iyon. Isa pa'y parang wala ring pakialam ang ibang pasahero.
"Ma, cr lang ako." Naulinigan niyang sabi ng dalaga. Sinundan niya lamang ito ng tingin, hanggang sa makapasok na ito sa loob kung saan naroon ang mga banyo.
Naputol ang ginagawa niyang pagtitig sa dinaanan ng dalaga nang muling gumewang ang barko. Kasunod niyo'y bigla silang nakarinig ng malakas na tunog mula sa likurang bahagi. Doon na nagkagulo ang lahat.
Mabilis na tiningnan ni Ybrahm ang puwesto ng mag-ina, pero wala pa rin ang dalaga.
"...please, calm yourself, magiging..." Halos hindi na maintindihan ni Ybrahm ang nagsasalita sa likod ng speaker nang pumaibabaw ang malalakas na pagtangis ng mga pasahero.
Lahat ay nag-aagawan sa life jackets na nakasuksok sa itaas. Ang iba'y walang sabi-sabi nang tumalon sa tubig.
He's not a dumb. Alam niyang lulubog ang barko.
"Ybrahm! I got life jackets for us. C'mon!" Sabi ni Martin na iniaabot sa kaniya ang life jacket na hawak. Pero wala roon ang atensiyon niya. Kundi nasa ginang na natataranta habang kinakalabog ang pintong nakasara.
"Tinay!" Malakas na sabi nito habang umiiyak.
Mabilis na kinuha ni Ybrahm ang life jacket mula kay Martin. Inilang hakbang niya ang pagitan nila ng ginang.
"Dude, what are you doing, let's go!" Pagtawag ni Martin.
"Mauna ka na, Mart." Seryoso niyang sabi bago iniabot ang life jacket sa ginang. "Wear this Ma'am."
"Yung anak ko nasa loob pa!" Palahaw nito.
"Ako na pong bahala sa anak ninyo. My friend here will help you jump. Susunod kami ng anak mo." Sabi niya habang tinutulungan itong maisuot ang life jacket. "Mart, mauna na kayong tumalon."
"Dude, mapapatay ako ng Lolo mo kapag may nangyaring masama sa iyo."
"I promise, susunod kami. Now jump, bago tuluyang lumubog ang barko." Walang ekspresiyon niyang sabi bago binalingan ang pintong hindi mabuksan-buksan.
"Susunod ka ha! Ayaw ko pang mamatay." Hindi niya alam kung matatawa ba siya sa sinabi ni Martin. Pero alam niyang malaki ang tiwala nito sa kaniya.
Kaagad siyang tumango bago malakas na sinipa ang pinto. Kaagad iyong nabuksan, pero bigla rin siyang napahawak sa bakal na nasa gilid nang mag-umpisang tumagilid ang barko.
"Oh damn!"
Mabilis na inilibot ni Ybrahm ang tingin sa loob. Purong upuan rin ang naroon at iilang umiiyak na pasahero ang namataan niya. Pero kaagad rin namang nagsilabasan ang mga ito nang makitang nakabukas na ang pintong kanina lang ay mahirap buksan.
Mula sa dulo ay nakita niya ang isang pinto. Kahit hirap dahil sa medyo tagilid na posisyon ng barko'y kaagad niya iyong pinuntahan. Malakas niyang kinalampag ang pinto ng ladies room. "Miss are you in there?"
"Kuya? Kuya tulong, hindi ako makalabas!" Sigaw mula sa loob ng banyo. Akmang sisipain na muli ni Ybrahm ang pinto nang muling tumagilid ang barko. Kung hindi lamang siya nakahawak kaagad ay tuloy-tuloy siyang tatama sa salaming nasa unahan.
Narinig niya ang malakas na pagsigaw sa loob. "Kuya, pakitulungan na lang si Mama sa labas. Iwan mo na ako rito." Umiiyak na sabi ng dalaga.
"What are you talking about? I promised to your Mom na ililigtas kita!" Biglang nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Ybrahm sa isiping magpapaiwan ito para lang una niyang isalba ang mama nito.
"Hindi mo responsibilidad na tulungan ako. Hindi mo naman ako kilal-."
"That's bullshit you know." Mariin niyang putol sa sinasabi ng babae. Kahit na ba nagtataka rin siya sa sarili kung bakit niya nga ba ginagawa ang bagay na iyon. Sa tanang buhay niya hindi niya nagawang magligtas ng buhay ng isang tao. Ngayon lamang at dahil pa iyon sa isang babae. His dad and grandpa will surely be proud kapag nalaman nila ang pagpapakabayani niya.
Niyuko ni Ybrahm ang ilalim. Nangangalay na ang mga braso niya sa pagkakalambitin sa seradura ng banyo. Unti-unti nang lumalapit ang tubig. Kung hindi siya nagkakamali'y halos isang dipa na lamang ang layo niyon sa kaniya. Kaya mabilis niyang inilibot ang tingin. Nakahinga siya ng maluwag nang mapagtantong sila na lamang ng dalaga ang nasa loob.
"Sweetie, your Mom's with my friend. They're safe now." Pinilit niyang huwag ipahalata ang hirap sa kaniyang boses. "Can you hold your breath for a minute? I promise, ilalabas kita riyan."
"Pero..."
"C'mon, babe, I'll count to ten. When you heard the last number hold your breath."
"Natatakot ako, ayaw ko pang mamatay." Sabi nito na may kasamang paghikbi.
"That's why I'm here. Now, I'll start in one..." pag-uumpisa ni Ybrahm. Ramdam niya na ang paglubog ng paa sa malamig na tubig ng dagat. Hanggang sa umabot iyon sa kaniyang bewang hanggang sa kaniyang leeg. "...nine...ten. Hold your breath honey, I'll save you."
Pinuno ni Ybrahm ng hangin ang kaniyang dibdib. Pagkatapos ay mabilis na nilangoy ang fire extinguisher na nakita niya sa kabilang parte ng barko. Nang magtagumpay sa pagkuha ay kaagad niya nang binalikan ang pinto ng banyo. Malakas niyang inihampas ang hawak sa seradura.
Alam niyang kaya niyang makatagal sa tubig dahil may kasanayan siya roon. Pero ang nakapagpaalala sa kaniya ay ang babaeng nasa loob. Kaya ibinuhos niya ang lahat ng lakas sa huling paghampas. Noon bumukas ang pinto.
Nabungaran niya ang dalagang hawak ang sarili nitong leeg. Maging siya'y nakakaramdam na ng kakapusan ng paghinga. Kaya mabilis na lumangoy siya paitaas para habulin ang huling parte ng barko na hindi pa nalulubog sa tubig.
Nang makakuha ng hangin ay kaagad siyang bumalik sa dalaga. Mahigpit itong humawak sa kaniyang braso na para bang kumukuha ng lakas. Kaya wala nang sabi-sabing inangat niya ang baba nito't sinakop ang mga labi.
Kaagad na ibinuga ni Ybrahm ang hangin na inipon niya para sa dalaga. Nang makitang medyo umayos na ito'y kaagad niya itong inakay palabas sa pintong pinasukan niya kanina. Madali na silang makakaalis kung makakalabas sila sa barko.
Pero nang malapit na sila sa pinto, isang malaking bakal ang pabulusok na nahulog. Dahil nga sa nasa tubig sila'y hindi iyon napansin ni Ybrahm. Huli na nang makaiwas siya. Tumama iyon sa likod nang kaniyang ulo. Bago siya lamunin ng kadiliman ay naramdaman niya pa ang pagsapo ng dalaga sa kaniyang mukha at ang pagpulupot ng mga braso nito sa kaniya.
-
NANLALAKI ang mga matang niyakap ni Tinay ang binatang nawalan ng malay. Iniligtas siya nito sa pagkakakulong niya sa banyo. Na dapat ay hindi naman nito ginawa dahil pareho silang estranghero sa isa't isa.
Damn, what should I do? Naiiyak na bulong ni Tinay sa isip.
Mabilis niyang hinubad ang suot na cardigan. Pagkatapos, kaagad na itinali sa katawan ng lalaki at sa kaniyang bewang. Nang maayos niya nang naitali ang cardigan ay mabilis na siyang lumangoy paitaas.
Pero mabigat ang lalaki. Naidadala siya nito pababa. Kaya hindi niya na naiwasan ang makainom ng tubig-dagat. Kinakapos na siya ng paghinga. Kung hindi sila kaagad makakaahon, pareho silang malulunod.
Mukhang wala nang pag-asang makakaahon pa sila nang maramdaman niya na tila mapupugto na ang kaniyang paghinga. Kaagad niyang niyakap ang lalaki. Pinagmasdan niya ring maigi ang mukha nito. Kahit sa bingit ng kamataya'y tipid siyang napangiti nang mapansing magandang lalaki ang kaniyang tagapagligtas.
Huling beses na niyakap ni Tinay ang lalaki. Pagkatapos niyo'y kadiliman na ang sumakop sa kaniya.