Chapter 8
Hindi ko lubos na kilala kong sino ‘yong sinasabi niyang prinsipeng si Athran ngunit nagtataka ako sa ‘king sarili kong kinakabahan ako ng ganito. Iyong dagundong ng puso ko sa loob ng dibdib ko ng ilang segundo, ramda na ramdam ko ‘yon.
“Ayos ka lang ba?”
Muli akong napasulyap sa kanya nong tanungin niya ako at muli akong bumalik sa realidad. Tumango ako kahit alam ko sa sarili kong hindi ako sigurado, “oo, ayos lang ako,” wika ko sa kanya.
Hindi na siya nag-usisa pa, “halika na’t pumasok na tayo.”
Sumunod na lang ako sa kanya nong yayain niya ako sa loob. May sampong hagdan pa kaming hahakbangin bago kami tuluyang makapasok sa loob. Nong makapasok kami sa loob, napakadulas ng sahig at bahagyang kita an gaming repleksyon sa sobrang linis nito. Maraming pasilyong pwedeng pasukan, pinto at mga hagdaan patungon sa bawat palapag. Nakakamangha na halos nakalutang ang ilang kagamitan dahil sa pag-practice ng ilan kong paano nila gamitin ang kanilang kapangyarihan. May mga lumang painting, armour at vase na naka-display sa ilang pasilyo.
Halos maiwan ako ni Bron nong makita ko siyang papalayo na sa ‘kin at mabuti na lang nakahabol pa ako sa kanya. Pumasok siya sa ikatlong silid na nakabukas ang pintuan sa may kanan ng pasilyo at bago pa man ako sumunod sinilip ko muna kong anong meron do’n.
Isang binatang kasing tangkad ni Bron, kulay puti ang buhok nito ngunit hindi naman mukhang uban, may mahahaba siyang tenga na parang sa duwende at kulay berdeng mga mata. Nakasuot din siya ng unipormeng pang lalaki at nakasuot ng kulay kayumangging balabal kaya alam kong isa siyang Hyalite. Puno ng mga halaman ang silid sa para bang laboratory. Mga bulaklak at mga ilang dahong kinakatasan sa mga ilang lalagyan na puno ng iba’t ibang likido.
Nakangiti siya sa ‘kin, halatang inosente siya kahit na may kakaiba siyang mukha at itsura.
“Pasok,” alok niya sa ‘kin.
“Avery, si Hendrix. Hendrix, si Avery.” Pakilala ni Bron sa aming dalawa.
“Hello, Avery.”
“Hi,” pinipilit kong ngumiti sa kanya ngunit hindi ko magawa. Hindi ako sanay kaya nawala rin ang ngisi sa mukha niya nong makita niya ang nakabusangot kong mukha.
“Maligayang pagdating sa Linux, anong may itutulong ko sa kanya?” Humarap siya kay Bron uli.
“Gusto ko sanang ihatid mo siya sa magiging silid niya, mga libro na kailangan niya, bagong masusuot at pagkain ka na rin. Ikaw na muna ang bahala sa kanya.” Paliwanag ni Bron at mukhang nagmamadali ito sa pag-alis.
“Ako na pong bahala sa kanya,” sabi naman ni Hendrix.
“Aalis na ako at alam kong hinihintay na nila ako,” pagpapaalam ni Bron.
Tumango naman si Hendrix bilang pagsang-ayon.
“Aalis ka na?” Pagpipigil ko kay Bron bago pa man niya ako iwan.
“Huwag kang mag-alala walang mangyayaring masama sa ‘yo rito, lahat ng tao sa Linux ay mapagkakatiwalaan lalo na si Hendrix, may trabaho pa akong kailangan asikasuhin at magkita na lang tayo sa bulwagan mamaya,” sabi niya at hindi na hinintay ang sasabihin ko nong tuluyan na siyang lumabas ng silid.
Humarap naman ako kay Hendrix, “pwede na siguro tayong mag-umpisa para naman makabisado mo ng kaunti ang buong palasyo ng Linux,” sabi niya.
“Okay,” bulalas ko.
Nag-aalangan pa siya bago niya binitawan ang notebook at lapis na hawak niya sa mahabang lamesa na puno ng mga bualaklak at halaman nong tuluyan siyang naglakad palabas. Katulad ng dati sumunod na lang ako sa kanya lalo na’t hindi ako sigurado sa lugar. Saktong paglabas ko nong makita kong huminto siya dahil may mga grupo ng mga lalaking papadaan sa amin. Ganu’n din ang ilang mga estudyanteng naroon ng makita sila ngunit hindi ko man lang nagawang yumuko katulad ng ginagawa nila. May isang lalaking nasa unahan, tago ang mga kamay niya sa suot niyang puting balabal at may suot siyang kakaibang sombrero sa ulo na may tassel na kulay ginto. Napakatangos ng kanyang ilong at may matatalas siyang mga titig na parang sa mga agila. Matanda na siya ngunit matipuno pa rin ang kanyang pangangatawan.
May mga nakasunod sa kanyang walong mga lalaki na magkakatabing nakapila sa dalawa na nakasuot naman ng itim na balabal. Katulad niya’y nakatago rin ang mga kamay do’n at tanging mga ulo lang ang nakalabas sa kanila. Napasulyap sa ‘kin yong lalaking nakasuot ng puting balabal at talagang huminto siya sa tapat ko. Pinaningkitan niya ako ng mga mata bago siya dahan-dahan na lumapit sa ‘kin.
Bigla na lang lumapit sa tabi ko si Hendrix na hindi ko namamalayan.
“Anong ngalan mo binibini?” Tanong nong lalaking matanda habang nakatingin pa rin siya sa ‘kin at nagtataka sa ‘king kasuotan.
“Paumanhin Albumem, ngunit isa po siya sa mga bagong dating galing sa kabilang mundo na iniligtas ng mga gems na si Bron, wala pa po siyang gaanong alam tungkol sa atin,” pagpapaumanhin ni Hendrix para sa ‘kin.
Hindi niya pinansin ang sinabi ni Hendrix bagkus nakatitig lang sa ‘kin ang wala niyang emosyong mga mata.
“Huwag kang mag-alala ako na lang ang magpapaliwanag sa kanya. Kong sino ka man iha, gusto kong kabisaduhin mo ang mga mukha ng miyembro ng konseho at igalang mo ng bukal sa puso mo. Hindi nababagay ang mga estudyanteng walang ugali sa Linux lalo na sa Onyx,” wika nito na may mapagmataas.
Hindi ako umimik hanggang sa umalis na siya at bumalik sa mga kasamahan niya. Mapanghusga ang mga titig nila sa ‘kin hanggang sa tuluyan na nila kaming iwan.
“Sorry,” sabi ni Hendrix.
Umiling ako, “wala ‘yon mas malala pa dyan ang mga nakakaharap ko sa dati kong mundo.”
“Pero iba ang mga konseho lalo na si albumem Stewart, tuso siya at namamahiya ng mga estudyanteng hindi niya gusto. Minsan pa nga pinapatalsik niya sa paaralan ‘pag hindi niya nagustuhan kaya sana mag-iingat ka, pero alam kong mabuti naman siya sa iba.”
“Napakayabang naman niya porket isa siyang lider ng konseho,” nanlaki ang mga mata ni Hendrix sa gulat nong marinig niya ang sinabi ko.
“Naku! Huwag na huwag mong ipaparinig sa kanya ang sinabi mo kong ayaw mong pag-initan ka niya,” saway nito sa ‘kin.
Taas-noo akong nagsalita, “hindi ako natatakot sa kanya, wala akong kinatatakutan, sa ibang paraan ako pinalaki ng tumayong magulang ko,” sabi ko pa.
Tumango-tango na lang siya, imbes na ako ang matakot, mas natatakot pa siya sa nangyari dahil sa ‘kin, “halika na, kailangan mo ng makapagpalit at malaman kong saan ang silid mo bago pa man mag-umpisa ang siremonya para sa mga bagong dating sa Linux, kailangan mong sumabay do’n para malaman mo kong saang bahay ka nabibilang,” sabi niya bago siya naglakad paunahan.
Agad naman akong sumunod ngunit hindi mawala sa isip ko, kong gagana ba sa ‘kin ‘yong sinasabi nila, hindi pa rin ako makapaniwala, dito ba talaga ako nabibilang?