Chapter 3

1231 Words
Chapter 3 “Ayos ka lang ba?” Tanong niyang muli ngunit hindi ako makasagot. Hahawakan niya sana ako nong lumayo ako at itinago ang mga braso ko. Nanlalaki pa rin ang mga mata kong nakatitig sa kanya, lalo na sa mga mahahaba at marurumi niyang kuko. Napakunot-noo ako nong makaamoy ako nang nakakasulasok at masakit sa ilong na amoy. Napansin ko na lang na may naglalaglagang maliliit na uod sa balikat niya at mas lalo akong nandiri nong makita kong galing ito sa nagdurugong pares niyang tenga. Hindi na ako nagsalita pa, lumayo ako sa kanya at nilagpasan. Halos palayo na ako sa kanya nang mapansin kong nakalingon siya sa ‘kin at nakangisi. Ang tangi kong ipinagtataka’y hindi man lang siya pinapansin ng mga taong nakapaligid sa amin. Hinayaan ko na lang siya at nagpatuloy sa paglalakad. Kumanan ako sa isang sidewalk kaya mas lalo akong nakakasalubong na mga tao at mas lalo nila akong napapansin ngunit hindi ko na lang sila pinansin. Dahil sa pagmamadali ko’y nabungo ang isang sumalubong sa ‘kin. Hindi ko alam pero sobrang tigas nang katawan niya kaya napaupo ako at napahawak sa braso ko. Nang lingunin ko kung sino ito, laking gulat ko na lang na kaharap ko na naman ‘yong matandang babae at ganu’n pa rin ang itsura niya ngunit mas malala kesa kanina. “Ayos ka lang ba, binibini?” Ito rin ang tanong niya kanina. Lalapit sana siya sa ‘kin, “huwag ka pong lalapit sa ‘kin kung ayaw mong masaktan!” Sigaw ko kaya nakuha ko ang atensyon ng ilan. Gumapang ako paatras sa kanya ngunit nahawakan niya ako sa kanan kong braso, dahil sa takot ko sa kakaiba niyang anyo at para bang baliw siya sa kalsada. Nahila ko ang kamay niya para lang bitawan niya ako at itinulak siya. Natumba siya at naupo sa sidewalk. Kitang-kita sa mga mata ng mga nakapalibot sa amin ang panggagalaiti nila sa ginawa ko sa matanda. Takang-taka pa rin ako sa kanila dahil parang wala lang sa kanila ang kakaiba nitong itsura. “Baliw ang babaeng ‘yan!” Hindi ko mapigilang sigawan ito lalo na’t nakangisi ang matandang babae at para bang nang aasar. “Ikaw ang baliw! Sinong nasa matinong kaisipan ang manunulak at mananakit sa isang matanda!” Sigaw naman ng estrangherong babaeng estudyanteng tumulong makatayo ang matanda. “Umalis ka na lang dito!” “Oo nga!” “Walang galang!” ‘Yon ang narinig ko sa kanila kaya wala akong nagawa kung ‘di tumakbo palayo sa kanila lalo na sa gulo. Hindi ko na talaga alam kung anong nangyayari sa ‘kin? Baka nga totoo sinasabi nila tungkol sa ‘kin, baliw na ata ako? Hindi normal na nakikita ko simula nong magising ako sa kakahuyan. Kumanan ako sa eskinita at lalo kong pang binilisan ang paglalakad ko. Natigilan ako sa gitna nong maramdaman kung may nanonood sa ‘kin, kahit na wala namang katao-tao ro’n kung ‘di ako lang. ‘Naamoy kita, binibini, at masusundan kita kahit saan ka man magpunta.’ Nagulantang ako ng may marinig akong kakaibang boses na animoy garalgal at paos na boses ng matanda. Tuluyan na akong tumakbo, nakalabas ako sa eskinita at lumabas sidewalk na walang gaanong dumadaan na tao dahil hilera ito nang abandonadong gusali. Para bang may bumubulong sa ‘kin, may sariling buhay ang mga paa kong tumakbo papasok sa abandonado at lumang flower shop. Amoy lupang nabasa ang loob ng madilim na gusali at puno ng basag na kagamitan. Pumunta ako sa lumang counter at nagtago sa likod nu’n. Pag-upo ko, naramdaman ko na lang ang kalabog ng puso ko sa kaba. Napatingala ako sa aninong humarang sa bukana ng lumang shop. Napakalaking anino at hindi ko gaanong maaninag kung ano ito lalo na’t kakaiba ang hugis nito. “Ayos ka lang ba, binibini?” Nabigla ako sa tanong ng pamilyar na boses. Napatakip ako sa bibig ko at para bang gusto kong tumigil sa paghinga para makapagtago ako. Hindi ko alam kung bakit takot na takot ako kong sino man ito, hindi ako pwedeng magtago lang dito. Agad kong iginala ang mga mata ko para magamit na sandata. Saktong may nakita akong dos-por-dos sa paanan ko at agad ko itong kinuha. Naramdaman kong papalapit siya sa direksyon ko lalo na’t pa laki ng pa laki ang anino. “Na aamoy ko kung na saan ka, binibini,” wika nito. Mahigpit kong hinawakan ang kahoy at agad na lumabas sa pinagtataguan ko. Sumampa ako sa counter at hinampas sa kanya ang hawak ko na agad na nasira ito sa katawan niya. Unti-unting nanlaki ang mga mata ko nong makita ang itsura niya. Para siyang higanteng lupa na naghugis higanteng tao. Napangiwi ako lalo na’t sobrang lapit ng mukha niya, mahahabang pangil na parang sa lagare ang ngipin, itim na pares ng mga mata at naglalagasang mga buhok sa ulo. Namamangha kasabay ng pangambang nararamdaman ko, ngayon lang ako nakakita ng katulad niya. Namamalik-mata lang ba ako? Bago pa man ako makagawa ng bagong hakbang. Nakita ko na lang ang sariling lumipad sa sulok ng silid nong hampasan niya ako gamit ng malalaki at malapad niyang kamay. Bumagsak na akong padapa ro’n at hindi makahinga ng maayos dahil sa biglaang pangyayari. Hindi ako agad nakatayo lalo na’t nakadapa ako sa punong bubog na sahig. Pinipilit kong makatayo ngunit nahihirapan ako at nanghihina. “Lintik talaga,” inis kong bulalas sa ‘king sarili. Tuluyan siyang nakalapit sa ‘kin at kinuha ang kaliwa kong paa. Inabot ko ang piraso ng bubog bago niya ako tuluyang nabuhat patiwarik. Ipinang-takip ko isa kong kamay sa ilong ko nong ibuka niya ang bunganga niya dahil sa amoy basura nitong amoy. Sobrang laki ng kanyang bunganga na kaya na niya akong lamunin. Mukhang kakainin niya ako ng buo kaya ibinato ko sa bunganga niya ang bubog na nakuha ko. Naitikom niya ang bibig ng malunok niya ito. “Ugh~!” Singhal ko nong bigla niya akong binitawan. Sa pagkakataon na ito’y pinilit kong tumayo at umatras palayo sa kanya. Nakita ko na lang na hawak niya ang leeg niya na para bang nabibilaukan sa bubog. Ngunit wala akong pakialam, ang akala ko’y tatalab ito sa kanya naisuka at naibalik niya ng buo ito. Nakita ko na lang na nabalot ng maputlang laway niya ang bubog na niluwa sa sahig. Nanlilisik ang mga mata niya, “hindi kita mapapatawad sa ginawa mo! Dapat sa ‘yo pinipiraso bago kainin!” Sigaw niya at saka pa takbo siyang lumapit sa direksyon ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Para bang handa na akong mamamatay ng mga oras na ‘yon kung hindi lang dumating ang nakakasilaw na liwanag at hindi ko alam na ito pala ang makakapagligtas sa kapahamakang mangyayari sa ‘kin ngayon. Napasigaw na para bang nasasaktan ang halimaw at pilit niyang iniiwasan ang liwanag na ‘yon. Nalulusaw ang katawan niya at unti-unting napupuno ng putik ang sahig dahil sa nalulusaw niyang katawan. Dahan-dahan akong lumingon kung saan nanggagaling ang nakakasilaw na liwanag ngunit hindi naman ako nasasaktan maliban sa halimaw na ‘yon. Nakita ko na ang pigura ng isang binata na nakatayo sa pintuan, hindi ko makita ng maayos ang mukha niya dahil natatakpan ng liwanag na ‘yon galing sa kristal na bilog na nakakabit sa espada niyang hawak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD