CHAPTER 9

1931 Words
"Romeo! Romeo!" sigaw ng kumpare ko nang makita niya akong hinihila ang lambat. "Bakit pare?" tanong ko. "Romeo, nasira na ang bahay n'yo!" Tumayo ako at tumakbo papunta sa bahay namin. Habang papalapit ako ay natanaw ko ng wala na ang bahay namin. Bigla kong naalala ang anak ko na mahimbing na natutulog sa bahay. "Celestina!" malakas na sigaw ko habang hinahanap ko ang labing siyam taong gulang na anak ko na naiwan sa aking bahay. Sa sobrang lakas ng bagyo ay nadala ang bahay naming yari sa mga pawid at mga nakatakip na sako. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa matinding pag-aalala ko sa nag-iisa kong anak. "Romeo, wala na ang bahay natin." Humagulgol na iyak ng aking asawa. "Nasaan si Celestina?" Tumingala ang aking asawa habang may luhang namumuo sa kanyang mga mata. "H-Hindi ko nagawang isalba ang anak natin dahil tinangay siya ng alon." Humagulgol ako ng iyak. "Hahanapin ko ang anak natin!" Tatakbo sana ako papunta sa dagat ngunit pinigilan ako ng asawa ko. "Romeo, kahit anong gawin natin hindi na natin maliligtas ang anak natin. Umalis na tayo rito dahil baka pati tayo ay abutan ng tubig." Palahaw na iyak niya. "Ang anak natin?" "Wala na ang anak natin Romeo." Muling umiyak ang asawa ko. Niyakap ko siya ng mahigpit at umalis kami sa tapat ng bahay namin. Ngunit hindi kami pumayag na mag-evacuate sa halip ay lumayo lang kami ng sampong metro sa inaabot ng tubig at magdamag kaming nabasa ng ulan at hinihintay na tumigil ang bagyo. Nanginginig na kami sa lamig nang matapos ang masungit na panahon. Tahimik na ang dagat kaya sinubukan naming hanapin ang anak namin na si Celestina. "Celestina anak!" sigaw namin. Halos walong oras kaming naghanap sa kanya sa pag-asa makikita namin kahit ang katawan niya. "Wala na ang anak natin." Sabay iyak ng asawa ko. Niyakap ko siya ng mahigpit habang pareho kaming umiiyak dalawa. "Nasaan ang anak n'yo?" tanong ng kapitan ng aming baryo. Bibigyan kami ng pera ng munisipyo para itayo ang nasira naming bahay at ang bangka na nasira rin. "Pa— "Nasa Manila ang aking anak na babae," putol ko sa sasabihin ng asawa ko. Tumingin sa akin ang asawa ko na parang nagtatanong kung bakit kailangan kong magsinungaling. "Gano'n ba? Kontakin mo na siya para malaman nila ang nangyari sa inyo,"sabi ng kapitan. "Salamat, Kapitan." "Maraming nag-evacuate sa basketball court. Pansamantala muna kayong doon tumira habang inaayos ang bahay n'yo. Maraming nag-donate na mga damit at pagkain kaya hindi n'yo kailangan problemahin pa ang kakainin n'yo pansamantala." "Hindi po kami aalis dito," sagot ko. Nagsalubong ang kilay ni Kapitan. "Hindi puwede ang gusto n'yo. Obligasyon ko ang kaligtasan n'yo kaya kailangan n'yong sumunod. Hindi naman namin pababayaan ang bahay n'yo dahil ipapayos naman ito agad," paliwanag ni Kapitan. "Romeo, tama si Kapitan umalis muna tayo rito." Tumango ako. "Sige." Kung hindi ako nakaramdam ng awa sa kalagayan ng asawa ko ay hindi ako aalis sa bahay namin. Basang-basa na siya at parang may sakit na kaya kailangan niyang makapagpahinga. Napilitan kaming mag-evacuate sa basketball court. Bawat pamilya ay may kanya-kanyang tent upang pansamantalang matulog. Maraming mga dumarating na relief goods sa amin na pagkain at damit. Gayunpaman, hindi pa rin mawala ang lungkot na nararamdaman naming mag-asawa. Nagkasakit na trangkaso ang asawa ko kaya hindi ako nakapunta sa dagat para hanapin si Celestina. Hindi ko rin na bisita ang bahay na ginagawa para sa amin dahil binantayan ko ang asawa ko. "Romeo, wala pa rin bang nababalitaan na lumutang na patay ng isang dalaga?" tanong ng asawa ko. Dalawang linggo na ang nakakalipas mula nang alunin ng dagat ang anak namin. Maraming mga patay na nakuha ngunit wala ang anak namin doon kaya naman umaasa kaming buhay pa ito. Nakabalik na rin kami sa bahay namin dahil mabilis lang nagawa ang bahay namin. Kalahati lang naman ang sinimento sa bahay namin at ang mga naging dingding nito ay mga pawid at makapal na plywood. Huminga ako ng malalim. "Walang nababalitaan kahit sa karatig bayan. Mamaya hihiramin ko ang bangka ni pareng Temyong tatawid ako ng kabilang Isla baka sakaling makita ko ang anak natin. "Hindi ba' delikado ang lugar na 'yon?" "Huwag kang mag-alala mag-iingat ako." Huminga ng malalim ang asawa ko. "Mukhang hindi na yata natin makikita ang anak natin." "Hanggat hindi natin nakikita ang bangkay niya ay patuloy tayong aasa na buhay ang anak natin." Tumango siya at pilit na ngumiti. "Tama ka, aasa tayong buhay pa rin ang ating anak." SIYAM na taon na ang lumipas ay hindi na namin nakita ang anak namin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makita siyang buhay ngunit hindi namin sinasabi sa mga tao na patay ang anak ko sa halip ay sinabi namin nasa Manila at nag-aaral. "Romeo, malakas na naman ang bagyo na paparating bukas. Kailangan natin itali ang mga bubong natin baka tangayin ng hangin," wika ng asawa ko. "Itatali ko na ngayon." Kinuha ko ang mahabang lubid ay tinali ko ang bubong namin. Tuwing magkakaroon ng bagyo ay pinaghahandaan na namin ito upang hindi na maulit ang nangyari noon. "Sige, tutulungan kita." Pinagtulungan namin itali ang bubong namin upang hindi tangayin ng malakas na hangin. Nang sumapit ang gabi ay nagsimula nang lumakas ang ulan. Nawalan na rin ng kuryente kaya gasera ang ginamit namin para magkaroon ng liwanag ang paligid namin. "Kapag ganitong bumabagyo ay bumabalik sa akin ang mga nanyari nang mawala ang anak natin," naluluhang sabi ng asawa ko. "Huwag kang mag-aalala babalik din ang anak natin?" Tumingala ang asawa ko. "Paano kung patay na siya ay kaya hindi lumutang ang bangkay niya dahil kinain ng mga isda sa dagat o kaya natabunan ng buhangin kaya hindi na ito lumutang." Niyakap ko ang asawa ko. "Huwag kang mawalan ng pag-asa." "Miss ko na ang anak natin." Muli na naman siyang umiyak. Nang matapos kaming kumain ay maaga kaming natulog dalawa. Alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagising na kami para damputin ang mga kalat na tinangay ng alon. Habang nagpupulot kami ng mga kahoy napansin ako na parang may nakadapa sa pangpang. "Romeo, may patay!" sabi ng asawa ko nang nilapitan namin. "Babae," sabi ng asawa ko. Pinulsuhan ko at narinig kong may pulso pa siya. "Buhay pa siya." Binuhat ko ito at nang makita namin ang mukha ay biglang umiyak ang asawa ko. "Si Celestina! Ang anak natin." Humagulgol ng iyak ang asawa ko. Dinala ko ito sa bahay. Nang mailabas na nito ang mga tubig na nainom niya at binihisan naman ng asawa ko ng damit. "Romeo, nakabalik na ang anak natin," umiyak na sabi ng asawa ko. Kahawig ng anak namin ang babae na natagpuan namin. Maputi at makinis, maliit ang mukha ng babae na napulot namin. Ngunit ang mga mata nila at hugis ng mukha ay kahawig ng anak kong si Celestina. Matangkad rin ang babae na napulot namin. Huminga ako ng malalim. "Hindi siya ang anak natin. At kapag nagising na 'yan ay siguradong babalik na siya sa kanila." "Pero kahawig siya ng anak natin baka siya ang anak natin." "Alam mo sa sarili mo na hindi siya ang anak natin. Hintayin lang natin siyang magising para malaman natin kung saan siya nakatira," sabi ko. Isang araw na walang malay ang babae at nang magising ito ay wala itong maalala. "Mabuti naman at gising ka na?" Nakangiting sabi ng asawa ko. Seryoso ang tingin ng babae sa amin na parang kinikilala kami. "Sino kayo? Nasaan ako?" Nagkatinginan kami ng asawa ko. "Hindi mo natatandaan ang nangyari sa iyo? Alam mo ba ang pangalan mo?" tanong ko. "Pangalan? Bakit wala akong maalala? Anong nangyari sa akin." Biglang lumapit ang asawa ko at niyakap niya ang babae. "Celestina, anak." "Celestina ang pangalan ko?" tanong niya. Pinunasan ng asawa ko ang luha niya sa pisngi at ngumiti. "Ako ang nanay mo at siya naman ang tatay mo. Nasira ang bangka na sinasakyan n'yo ng tatay mo ng bagyo kaya wala kang maalala." Huminga ako ng malalim. Gusto kong tutulan ang sinabi ng asawa ko. Ngunit nakikita ko sa kanya ang tuwa dahil sa babae. Noong una ay natatakot akong baka may naghahanap sa kanya ngunit lumipad ang buwan at taon ay walang naghanap sa kanya. Tinuring na namin siyang tunay na anak at ang akala niya ay siya si Celestina. "Anong iniisip mo?" Bumalik ako sa realidad nang makita ko ang asawa ko. "Nag-aalala ako para kay Celestina, baka bigla siyang makaalala dahil nasa Manila na siya." Malungkot ang mukha ng asawa ko. "Hindi naman natin siya mapipigilan kung sakaling mangyari ang bagay na iyon. Kailangan niya rin malaman ang totoo tungkol sa kanya." Tumingin ako sa kanya. "Akala ko ba ayaw mong bumalik ang alaala niya?" "Ayokong bumalik ang alaala niya dahil tinuring ko na siyang totoong anak pero hindi natin hawak ang tadhana. Alam kong hinahanap na rin siya ng pamilya niya." Niyakap ko ang asawa ko. "Naiparamdam naman natin sa kanya ang pagmamahal ng isang magulang." "Romeo!" Romeo!" "May tao sa labas," sabi ng asawa ko. Lumabas ako at nagulat ako nang makita ko ang pinsan kong doktor na si Ben. "Pinsan!" Lumapit ako sa kanya upang yakapin siya. "Kumusta ka na?" tanong ni Ben. "Okay naman kami rito nakakaraos naman kami araw-araw," sagot ko. "Hindi ako magtatagal dahil dumaan lang ako rito para dalhin ang tulong ko sa iyo." Inabot niya sa akin ang isang cheke na may nakasulat na fifty thousand pesos. "Bakit mo ako binigyan nito? Hindi naman kami humihingi sa iyo?" "Nagkita kami ni Celestina." Nagkatinginan kaming dalawa ng asawa ko. "Mabuti naman at tinulungan mo ang anak ko para malibre na sa apartment." "Ngayon ko lang nalaman na nagkaroon siya ng amnesia. Ano bang nangyari sa kanya bakit nawalan siya ng alaala?" Bigla kaming tumahimik. Hindi ko alam kung paano magsisinungaling sa kanya. "Nagkaroon ng malakas na bagyo at nasira ang bangka na sinasakyan namin. Muntik na siyang mamatay dahil sa dami ng nainom na tubig." "Ilang taon na si Celestina?" "Twenty eight-years old na siya." "Ben, pumasok ka muna at magluluto ako ng mga pagkain," pag-iiba ng topic ng asawa ko. Tumango si Ben."Mabuti pa nga at namimis ko na rin ang mga pagkain sa probinsya," sagot ni Ben. Tinulungan ko ang asawa ko na magluto ng pagkain habang samantalang si Ben ay nakamasid lang sa loob ng bahay. "Bakit bigla kang bumisita rito?" tanong ko kay Ben. "May pasyente ako sa kabilang bayan kaya naisipan kong dumaan dito," sagot ni Ben. "Mabuti naman at nakabalik ka na sa trabaho," sagot ko. "Tinulungan ako ng amo na makabalik kaya nakakuha ulit ako ng lisensya. Romeo, napansin ko ang laki ng pinagbago ng anak mo na si Celestina." Huminga ako ng malalim. "Hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga tanong niya. Tumango ako. "Hindi nga ako makapaniwala na magiging malaki ang pagbabago niya ngayon," sagot ko. Pinagpapawisan ako ng malampot habang kausap si Ben. "Alam mo may kilala ako na kahawig ni Celestina." Lumunok ako dahil parang may nakabara sa lalamunan ko. "A-Alam mo naman na marami talagang kahawig ang pamilya natin," halos pabulong ko. "Parang gusto kong maligo sa dagat ngayon." "May hinog na langka kami rito bibigyan kita." Tumayo ako para kumuha ng langka. "Bakit kaya bigla na lang dumating ang pinsan mong si Ben?" tanong ng asawa ko habang tinatanaw namin si Ben na naglalakad paalis. Bumuntonghininga ako. "Siguradong nagdududa na siya kay Celestina." "Totoo kaya ang sinabi niya na may kilala siyang kamukha ni Celestina." "Huwag kang mag-aalala hanggat walang naalala si Celestina wala tayong magiging problema."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD