iii. h i a t u s

1504 Words
NAGPUYAT ako sa wala. Tatlong beses kong inuntog ang noo ko sa sarili kong malawak na table sa opisina, habang nakaupo. Ang sarap-sarap kalikutin itong mga mata kong kusang babagsak na sa sobrang bigat. Suwerte ko lang at walking diatance lang ang main office sa subdivision kung saan ako nakatira. Hindi pa naman ako late. Wala nga lang almusal. Ang sabi ko pa naman ay matutulog kaagad ako kapag matapos na 'yong pinagawa ni Boss. Ang kaso . . . "Hulaan ko, Ma'am Julie, natalo na naman kayo sa Mobile Legends!" kay agang buwelta ni Andy, sikretarya ko. B'wisit! Pinaalala pa. Mythic na sana, naging bato pa. Bukod kasi sa pagbabasa, naka-adikan ko rin lately ang sikat na mobile games na 'yon. Nakakatanggal ng stress ang paglalaro, pero taena naman! Ang daming kanser sa gaming! Iisipin ko pa lang kung ilang beses nagkaroon ng AFK sa kakampi, talaga namang nakakainit ulo. Ang hirap-hirap magkaroon ng star sa Rank Game. Sinipat-sipat ko pa siya habang inaayos ang mesa niya, na lagi na niyang nakaugalian. Samantalang 'yong akin, dinaig pa ang lakas ng bagyo sa sobrang kalat. Hinayaan kong huwag linisin ang mga scratch papers ko kahapon at wala na ring janitor na nagbalak pang magtapon ng kahit anong papel sa puwesto ko, magmula no'ng araw na sobra akong nagwala. Napagkamalan kasing basura ang draft kong canvass sheet para upcoming project ng kumpanya. Kamuntik na akong masabon ng General Manager no'n. "Ma'am, 'di ba trenta anyos ka na? Bakit naglalaro ka pa ng ML? Pang bagets lang 'yan." Ay taragis naman 'tong sikretarya kong halos ay isang dekada ang agwat sa edad ko. Hindi ko lang 'to close, malamang kanina ko pa 'to dinakdakan ng sermon. Inirapan ko siya. "Edad lang ang nadagdagan sa 'kin, pero mas mukha maman akong bata kumpara sa 'yo." Nakita ko pa si Andy na nginusuan ako sa real talk ko na 'yon. Trenta na mukhang bente anyos lang, salamat sa pagiging late bloomer ko. "Gusto ko ng kape -- iyong matapang na matapang. Iyong 'di kanser. 'Yong bubuhatin ako. Iyong may instant star ako." Wala akong pakialam kahit ang malakas pa ang boses ko. Kami pa lang naman ang nasa loob ng opisina. "Hay naku! Adik ka na Ma'am Julie sa ML-ML na 'yan. Wala na pong gano'n katapang. 3-in-1 na ang mga kape ngayon. Gusto mo nga sa matapang, pero bibigyan ka naman ng mapait sa dulo. Dito tayo sa 3-in-1, matamis pa. Madali pang hanapin sa tindahan. 'Di tulad ng corn coffee mo. Jusko naman." Tiningnan ko siya ng masama. Ayoko talaga ng matamis. Nawawala ang lasa ng kape kapag nasobrahan ng tamis. Less sugar lang dapat. Kaya nga nagkakape, hindi nag-aasukal. "Gusto mong i-salvage kita?" Kanina pa 'to, e. Kaaga-aga. "Ma'am, sa liit mong 'yan, 'di mo kaya," banat nito, sabay harurot ng lakad papunta sa pantry na nakangisi pa. Napailing-iling ako habang nakangiti na rin sa inasal nito. Nagbago rin ang mood ko nang binuksan ko na ang bag ko. Sunod-sunod ang buntong-hininga ko, habang tahimik kong inilapag ang laptop ko sa table. Inayos, nilinis, ni-ready ko na ang lahat ng files -- both soft and hard copies -- bago sasabak sa giyera mamaya sa Conference Room. Sinadya kong isang oras ang aga ko, sa mismong time-in namin na 8 o'clock. Kailangang walang aberya sa bidding ng future projects mamaya. "Ma'am Julie!" tawag ni Andy sa 'kin. Bumungad sa 'kin ang ganda ng kaniyang ngiti. "Heto na ang kape mo." Minsan, nakakainggit na rin ang isang 'to dahil palagi na lang akong nakasimangot o bugnutin sa trabaho. Tapos itong kasama ko, nagagawa pa ring ngumiti kahit tinatadtad ko na ng utos. Dahan-dahan niyang inilipag ang kulay puti na tasa, laman ang paborito kong corn coffee. "Akala ko wala ng stocks. Ang dami na pala sa cabinets," aniya. "Kahapon paubos na 'yon, e. Magic!" Nagsimula na siyang maglakad papunta sa mesa niya at seryosong inaayos ang lahat ng papel ng Purchase Orders at resibo ng mga suppliers. Napangiti naman ako ro'n kasi siya ang tipong assistant na hindi na kailangan pang utusan. Bente anyos pa lang si Andy. Kinuha ko na siya bilang assistant ko pagkatapos niyang mag-undergo ng On-The-Job requirement sa school nila last year. Mag-anim na buwan na rin simula nang kinuha ko si Aby sa trabaho. Madaldal, pero 'di naman niya ako binigo sa workplace. Maganda, walang binatbat ang beauty kong hindi na yata magbo-bloom. Sexy pa namamit. At mabait -- mas need ko 'to -- dahil stressing ang trabaho, kailangan ko ng taong 'di basta-basta nalulunod sa pressure. Kinuha ko ang tasa na mainit-init at sininghot-singhot pa ang hangin na may halong kape. Ang bango ng kape ay talagang nakakaadik. Nakakabuhay ng dugo. Nakakagising. Hindi na bale na walang almusal, huwag lang ang paborito kong kape sa umaga. Dahan-dahan akong humigop sa taas, bago ako lumingon kay Andy na busy pa rin. "Pinadalhan ako ni Mama," wika ko. Nilapag ko ulit ang tasa sa mesa. "Na-receive ko kahapon sa bahay. Kakalagay ko lang ng mga 'yan sa cabinets. Mura lang 'yan sa probinsiya. Twenty pesos per pack." "Iyong pack na halos 1/2 kilo ang laman? Bente lang 'yon?" Nanlaki pa ang mga mata niya sa presyo. Ngayon ko lang pala naikuwento 'to sa babaeng 'to. "Oo nga! Bukod pa na healthy ang corn coffee, sobrang mura pa. 2-in-1, 'di ba?" "Ang sabihin niyo ho, kuripot kayo, Ma'am!" Nagkasalubong ang dalawa kong kilay na humarap kay Andy, na pinagtatawanan lang niya. Kanina, ML. Ngayon, kape. Ano naman kaya sasunod? Partida, wala pang time-in 'to. Total matagal pa naman ang oras, inabot ko cellphone ko na sa katabi ng laptop na parehong nakalapag sa desk. Maglalaro muna ako. Unang bumungad sa akin ang mangilan-ngilan na unread messages. Hindi pa pala ako nagbubukas ng inbox simula nang magising ako. AXEL: Mahal ko, I'm so sorry for everything. Alam kong ayaw mo akong kausapin ngayon. I know I hurt you. Naging asshole ako. But thanks for choosing me, mahal. I love you so much. Napasimangot ako. Galit ako sa kaniya dahil sa inasta niyang wala sa hulog. Pero mas galit ako sa sarili ko dahil hinayaan kong sinugin ko ang sarili kong pinaghirapan kong libro. Ayaw ko na siyang kausapin muna! Ewan ko ba sa sarili ko. Simula nang nag-stop akong magtipa sa w*****d ay parang huminto na rin ang mundo ko sa pagsusulat. Akala ko sa pagsusulat lang ng mga tula at nobela. Pero nang sinagot ko si Axel, na-realize ko na pati ang pagsusulat ng love letters or anything sweets ay naglaho na rin. Ilang buwan na rin kami pero hanggang ngayon ay wala pa ring alam ang boypren ko na dati akong manunulat. At feeling ko ay namatay ang passion ko sa pagsusulat habang inaalala ko pa rin ang librong iyon na malayang tinupok ng apoy. My heart feels heavy. Nawalan na ako ng ganang maglaro. Kaya muli kong nilapag ang phone ko sa mesa. "Bakit ayaw mo na lang magsulat ng istorya sa w*****d, Ma'am Julie? Fan na fan pa naman ako sa 'yo no'n. Hindi ko talaga lubos akalain na magiging Boss ko ang idol ko!" 'Eto na naman ang sikretarya kong bigla-bigla na lamang bubulaga ng kung anu-ano. "Gustong-gusto ko pa 'yong self-published mo na Pinoy mythology ang genre. Iilan lang ang nagsusulat niyan, Ma'am. Puro Romance writers na ang sumisikat ngayon. Ayaw mo bang magpa-discover?" Sinadya kong ibagsak ang ibang documents sa mesa. Kapag ganito na ang kilos ko, alam kong mananahimik si Abby. Binuhay ko na rin ang laptop ko. "I don't write anymore," malamig kong pagkakasabi, habang iniisa-isa ang mga papel sa mesa. "Huwag na natin pag-usapan ang mga bagay na 'di ko na kaya pa." Limang taong akong tumigil sa pagsusulat. Hindi basta-basta ang limang taon na 'yon. Hindi na gano'n kadaling bumalik. At pakiramdam ko ay wala naman akong babalikan do'n. "Sorry, Ma'am. Huwag ka nang magalit." "Hindi naman ako galit, Abby. Hayaan na natin 'yan. Move on na tayo. Move on ka na rin. Mas madami pang manunulat na mas may potensiyal kaysa sa akin. Mabilis lang kalimutan ang isang undiscovered gem, Abby. Readers won't even notice that I don't exist anymore." Rumehistro ang lungkot sa mga mata ni Abby sa sinabi ko. Baka ganiyan din ang reaksiyon ng mga mababasa ko sa tagal ko nang hiatus at negative sa sarili. "I don't delete my account there, not because I still want to write." May iba pa akong rason, pero sa 'kin na lang 'yon. "Oh, siya. Tama na ang daldalan. Let's get to work." Nananahimik na ang sikretarya ko. Bakit hirap akong maamin sa sarili ko na hindi ko kayang bitiwan ang online app na 'yon? Dahil na naman ba ito sa lalaking 'yon? That damn man who left me hanging?That stupid man who saved my soul back then? Bakit kay hirap kalimutan ang taong nando'n no'ng hirap na hirap akong buuhin ang sarili ko? Napupuno na naman ako ng mga tanong at agam-agam sa sarili. And I hate this. Mr.Rabbit, I hate you!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD