"Ate, mga taong labas ang dumukot sa akin.. mga rebelde.. mga NPA." bungad na kuwento ni Laila.
"Diyoskopo.. Tama pala hinala ko, buti hindi ka sinaktan. Laila, kinikilabutan ako. Baka naman pinagsamantalahan ka na ng mga yun." biglang sagot ni Leslie.
"Hindi ate makinig ka muna. Gaya ng sabi ko sayo, hindi ako sinaktan o nagalusan man lang nakita mo naman. Ang ginawa ko lang duon ay nagturo lang ako ng mga bata. Wala kasi alam pa yung mga bata duon. Nakakaawa nga ate."
"O tapos."
"Wait lang ate naman. ikukuwento ko sayo. Basta pakinggan mong mabuti ha. Tingnan ko kung ano ang mapapansin mo."
"Sige sige.."
"May kontrata ang pagtigil ko sa kanila. Anim na buwan ang sabi sa akin hanggang sa matuto ang mga bata. Lahat ng kailangan ko ibinibigay nila. Pagkain, damit, gamit, basta lahat. Binigyan pa nga ako ng pera nung pinalaya na ko. Napaaga lang pagpapalaya nila sa akin dahil marunong na daw ang mga bata. Nung petsa na dinukot ako, ilang araw lang sabi mo ay umalis si Rigor at nag seminar abroad. Ilang araw lang pagbalik nya galing abroad, pinalaya naman ako ng mga rebelde. Nagkataon lang ba yun ate? Eto pa, nalaman ko lang kanina sa bestman na kinuha niya na hindi boss ni Rigor ang kasama nya abroad at hindi din seminar kundi kliyente niyang biyuda na mayaman. Ang hindi ko alam kung bakit nagsisinungaling sa akin si Rigor. Eto ang iisipin mo pang mabuti ate, may nahalungkat ako sa mga picture ni Rigor nung college niya. May kasama siya sa picture na kamukhang kamukha nung dumukot sa akin at magkasing edad din sila. Isama pa natin ate ang sinasabi ni Rigor na may tumawag daw sa kanya ng dalawang beses. Yung pangalawang tawag ay narinig daw niya yung boses ko, tapos aalis pala siya nung panahon na yun. Ate, nage gets mo ba ko? Parang may konek eh." salaysay ni Laila
"Teka Laila ha, nalilito ko. Parang gusto mong sabihin na magkakilala si Rigor at yung dumukot sayo? Ganun ba?" tanong ni Leslie.
"P-parang ganun nga. Ipagpalagay na nating magkakilala nga sila ate, ang tanong, May komunikasyon pa kaya sila?"
"Saka teka. Kung magkakilala sila, pwede mo palang isumbong kay Rigor yung kaklase nya kung yun nga yun ha." suhestiyon ni Leslie
"Pwede ate. Pwede kong gawin yung sinasabi mo. Pero bakit ko isusumbong itong mga taong to na naging mabuti sa akin. Lalo na si Isagani. Isagani ate ang pangalan nung lalaki. Pogi din siya.. maganda ang katawan.. lalaking lalaki.. maganda ang mata. ang ilong..."
"Huy. Ano ba yang kinukwento mo. Ituloy mo nga. Nabanggit lang yung Isagani nahinto na tayo dun sa pknag uusapan natin." awat ni Leslie
"Ay teka ate, andito yung litrato pakita ko sayo." kinuha ni Laila ang mga litrato .
"Ah oo nga, pogi nga, bumbayin ang mukha na parang Richard Gutierrez. Maganda katawan ngayon nyan Laila?" si Leslie
"Ate, ano ba naman ikaw naman ang nag focus kay Isagani. Asan na ba yung kwento ko. Ah ayun.. sobrang naging mabait sila saken. Si Isagani sobra akong inaasikaso nyan. Saka yung mga bata dun napamahal na saken. Namimiss ko na nga yung mga bata dun eh."
Nagpatuloy si Laila.
"Ate, bakit naman sa dinami ng tao ako pa ang dinukot.. sa dami ng teacher bakit ako pa.. at bakit alam nila Isagani na ganuong oras ang uwe ko eh wala namang umuuwe ng hatinggabi na teacher."
"Ang gulo di ba ate. Saka ano ang kaugnayan ni Ancis Alegre kay Rigor?"
"Alam ko na Laila... alam ko na.."
"Ano ate."
"Baka yung Ancis Alegre na yun ang nagpakidnap sayo para masolo niya si Rigor. Tapos nung umalis na siya papuntang amerika, sinabihan niya yung mga dumukot sayo na palayain ka na dahil papalayain na din niya si Rigor."
Napakunot noo si Laila sa paliwanag ng ate niya.
"Mukhang malabo ate yung sinasabi mo. Paano naman nakilala nung Ancis na yun yung mga rebelde?"
"Malay mo, may mga koneksyon yung mga mayayaman sa mga ganun. Tapos hindi niya pinaalam kay Rigor yung mga plano niya na pagpapadukot sayo. Babayaran niya yung mga rebelde. Eh kailangan ng pera ng mga yun."
Nag isip isip si Laila sa sinasabi ng ate niya.
"Ate palagay mo posibleng patulan ni Rigor yung Ancis Alegre na yun?" tanong ni Laila
"Sa itsura imposibleng patulan ni Rigor yung matandang yun pero if the price is right... hindi natin masasabi." sagot ni Leslie
"Ate, ano na. Wala ka pa ba naiisip na mas posibleng pagkakakonek konek ng mga bagay bagay?" si Laila
"Yung pag iimebento ni Rigor na may tumawag sa kanya isa pa yun ate eh."
"Teka oo nga noh. Baka naman kaya alam ni Rigor na pinadukot ka ni Ancis Alegre."
"Napakasama naman niya kung ganun ate."
"Laila, malapit na ang kasal nyo di ba. Bakit hindi mo na lang kalimutan lahat yan... tutal naman, okey na naman ang lahat. Kung pinatulan man ni Rigor yung Ancis, baka naman dahil lang sa pera. Sabi mo nga nasa Amerika na yung Ancis de hayaan mo na lang. Lalaki naman yun wala naman mawawala dun."
Matagal na hindi kumikibo si Laila. Halatang malalim ang iniisip nito. Napansin yun ni Leslie ng may sinasabi pa siya ay hindi na siya pinapansin ng kapatid.
"Ate, papakasalan ko pa din si Rigor. Pero kailangan ko munang patunayan na mali ang hinala ko... at wala siyang kinalaman sa nangyari sa akin."
"Asusmaryosep Laila. Sa dami naman ng pagbibintangan mo eh yung boyfriend mo pang mabait. Eh mahal na mahal ka nun paano naman niya magagawa sayo yun sige nga."
"Ate, kami ni Rigor huling magkasama nung nakidnap ako. Pwede naman niya kong ihatid sa bahay pero nangatwiran siya na baka wala na siyang masakyan pag pauwe na siya samantalang ginagawa niyang ihatid talaga ko pag ginagabi na kami. Tapus ilang araw pa lang na wala ako sinabayan din niya ng alis at hindi pala siya ang nag eeffort para hanapin ako. Ate, teka tama nga yata ako.... at nag iimbento siya ng mga salita na may tumatawag sa kanya para wag kang mag alala. Pero kung siya nga ang gumawa nun bakit niya kailangang gawin sa akin yun ate at kung si Isagani talaga yung kaibigan niya na nasa picture, si Isagani ang makakasagot lahat ng tanong ko. Tama ba ko ate?"
"H-hindi ko alam Laila. Mag isip ka bunso... baka naguguluhan ka lang... wag mong pag isipan ng ganyan si Rigor dahil nakikita ko kung gaano ka niya kamahal... at kahit rush gusto nya matuloy ang kasal nyo... at magarbo pa...tapos pag iisipan mo ng ganyan mapapangasawa mo? Baka naman pinag drugs ka ng mga taong labas kaya ka nagkakaganyan."
"ate...naguguluhan ako...hindi ko na alam iisipin ko ate....hindi ako nag drugs ate.."
Napaiyak si Laila sa gulo ng isip niya.Mahal niya si Rigor pero bakit nagdududa siya ngayon sa pagmamahal nito..
"Bunso...itigil mo na kasi yan...wag mo na. guluhin utak mo...wala akong nakikitang dahilan para magkaganyan ka pa..gusto ko makita ka din na nasa maayos na pamumuhay..nasa hustong edad ka na din naman..hindi sa tinataboy kita,pero payag na ko na mag asawa ka hindi gaya ng dati ang tingin ko sayo ay baby pa din kita kahit college ka na..please.. nasasaktan ako ng ganyan ka.."
"Ate nahihirapan din naman ako... pero natatakot ako... natatakot ako sa posible ko pang malaman tungkol kay Rigor."
"Magmasid ka muna bunso. Wag ka kaagad maghusga. Bukas may lakad na naman kayo, ayusin mo sarili mo. Tigilan mo na yang pagdududa mo. Mahal kita alam mo yan at hindi din naman ako papayag kung sa ikapapahamak mo. Ako ang unang unang magtatanggol sayo dahil tayong dalawa lang magkapamilya dito sa Maynila. Kaya pakinggan mo muna ko bunso. Sige na... ipahinga mo na yan... mababawasan ang beauty mo nyan."
"Sige ate.... salamat."
Habang nagpapaantok ay naalala niya tuloy ang nakaraan nila ni Rigor.
"Naku ahente ka nga kaya sanay na sanay kang mambola." si Laila
"Laila, ikaw na talaga. Ikaw na talaga ang gusto kong makasama habangbuhay... mas magsisikap ako kapag pumayag kang maging girlfriend ko?" si Rigor
"Bakit tinanong mo na ba ko?" tanong ni Laila
"Love, ibig sabihin sinasagot mo na ko?"
"Yes."
"Yahoo.. hoo... hoo..." sigaw ni Rigor habang nasa restaurant sila nuon ni Laila.
"Huuy.. ano ka ba nakakahiya sa mga tao?" awat ni Laila kay Rigor habang nagtatatalon sa loob ng resto.
Napansin naman niya na ginawa ni Rigor ang pagsisikap. Doble kayod ito at lahat ng posible niyang makuhang kliyente ay kinakausap nito. Nalaman din niya na may ipon na din ito sa bangko. Kaya pala ay may plano na siyang yayain ito ng kasal. Mapagmahal si Rigor na tao. Kahit sa mga magulang at kapatid niya. Pangarap niya talagang maiahon sa kahirapan ang pamilya nito. Kaya naman nang maganda na ang kita nito ay desidido itong pagtapusin ng pag aaral ang dalawa pa nitong nakakabatang kapatid. Naka focus lagi ang isipan ni Rigor sa pera... sa pagkakakitaan.
"Gusto ko kahit maliit lang ay may sarili tayong bahay saka kahit na simpleng sasakyan lang. Ayokong danasin ng mga magiging anak natin ang hirap na pinagdaanan ko sa buhay." sabi pa nito habang sila ay nangangarap para sa kanilang kinabukasan.
"Tapos yung kikitain mo naman hindi natin gagalawin yun. Ibabangko natin yun. Ilalaan natin sa pag aaral ng mga magiging anak natin." dugtong pa nito.
"Eh ilan ba gusto mong maging anak natin?" tanong naman ni Laila
"Okey na sa akin yung pito." seryosong sagot ni Rigor
"Pito? Ang dami naman nun love. Kaya ba natin yun?" gulat na sagot ni Laila
"Oo naman love. Kakayanin... saka mas madami mas masaya. Kami tatlo lang di ba... kayo nga dalawa lang magkapatid. Mas magiging masaya yung pamilya natin kung marami tayo kahit hindi malaki ang bahay natin." sagot ni Rigor
Napaiyak si Laila sa mga alaalang yun. Gustong gusto na niyang mangyari lahat ng mga bagay na yun kung hindi lang sa nangyari sa kanya kamakailan lang. Pero iniisip niyang baka tama ang ate niya. Kalimutan na lang niya lahat at harapin kung ano ang nangyayari sa ngayon. Pero napapansin ni Laila na may nagbago kay Rigor. Hindi man niya diretsahang matumbok kung ano yun. Parang hindi natatapos ang mga pangarap nito gayong dumarating na unti unti ang mga gusto nitong magkaroon. Na galing kaya iyon kay Ancis Alegre? tanong na naman ni Laila sa sarili.
Alam niyang iikot na naman ang kanyang isip kaya naisipan na lang niyang buksan ang mga sulat ng mga bata sa bundok upang siya ay malibang dahil na mimiss na din niya ang mga ito hanggang sa nakatulog na siya.
Maagang sinundo ni Rigor si Laila kinabukasan upang mamigay ng mga invitation. Hindi ipinahalata ni Laila ang kanyang mga agam agam kay Rigor. Naging normal ang kanyang mga kilos. Isinaalang alang niya ang mga sinabi ng kanyang ate Leslie na kalimutan kung ano man ang nakaraan. Pinilit niyang ibalik ang dati niyang sigla at maging sweet sa kanyang boyfriend.
Kahit si Dindo ay walang nahalata sa kanyang pagbabago sa kabila ng nalaman sa kanya nito.
"Love almost done na ha. Sino pa ba hindi natin nabibigyan?" tanong ni Rigor
"Konti na lang to love. Mga kasama mo sa trabaho yung iba. Yung sa mga co-teacher ko pinagsama sama ko na para isang bigayan na lang dun sa school." sagot ni Laila
"Love mapapanuod na daw natin bukas yung save the date natin.. excited na ko sa ginawa natin dun. haha."
"Ah talaga... wow... naku ano kaya itsura ko dun? Sabihin mo sa coor wag muna kamo ipopost. Panuorin muna kamu natin baka may kailangang i edit ha.. kaka excite."si Laila
"Sige love., then mamaya foodtasting tayo. Ano pa ba love?" tanong i Rigor
"Wala na masyado love, next week pa fitting natin... ay muntik ko na makalimutan may seminar nga pala sa simbahan this week din."si Laila
"Galing naman ng secretary ko. hahaha." biro ni Rigor.
"Love bakit nga pala hindi natin kinuhang ninang yung boss mo?"
Hindi pa din mapigil ni Laila na hindi manubok kay Rigor.
"Love, masyadong busy yun baka hindi din maka attend yun. Yun ang naisip ko... pero for sure may cash na regalo yun." sagot ni Rigor.
Dun madalas hangaan ni Laila si Rigor. Mabilis itong umisip ng mga palusot niya na ipinagkibit balikat lang ni Laila.
"Love..." si Laila
"Oh bakit love?" tanong ni Rigor habang nagda drive ito.
"Gaano mo ko kamahal love?" tanong uli ni Laila
"Hmm... mukhang naglalambing yata ang love ko ah. Siempre love na love kita. Lahat gagawin ko para sayo." sagot ni Rigor
"Nag worry ka ba nung nawala ako? "si Laila
"Ano ba namang tanong yan love. Oo naman sobrang worry." si Rigor
"Galit ka ba sa mga kumidnap sakin love? "si Laila
"Mapapatay ko mga yun kung makikita ko yun love, promise." si Rigor
"Kahit mababait sila?"
"May mabait bang kidnapper love, ikaw naman."
"Oo love. Yung kumidnap saken. Hindi lang mabait, sobrang bait saka gentleman."
Hindi kumibo si Rigor at napansin yun ni Laila.
"Kasing edad mo lang din siya love." patuloy pa din sa kwento si Laila
"Ah talaga... hindi ka ba nila sinaktan?" si Rigor
"Ilang beses ko ba sasabihin love na wala ngang nangyari sakin dun. Naging masaya pa nga ako dun eh."
"Paanong masaya love?" tanong ni Rigor
"Masaya.. as in.. siguro love bago tayo ikasal babalik muna ko dun."
Biglang napa preno si Rigor sa sinabi ni Laila buti na lang at nasa rightmost lane sila.
"Bakit love? Anong nangyari sayo?" tanong ni Laila
"Bakit mo pa babalikan yun? Di ba kinidnap ka na nga tapos babalikan mo pa? Baka hindi ka na makabalik pag ginawa mo yan. Hindi ako papayag love." matigas na salita ni Rigor
"Kilala ko mga tao dun love kaya wala ka dapat ipag alala. Di ba sabi mo nga kay ate na may tumawag sayo at wag mag alala dahil nasa mabuti naman akong kalagayan." si Laila
"Gawa-gawa ko lang yung mga salitang yun para hindi na lang masyadong mag alala si ate Leslie sayo." sagot ni Rigor
"At ikaw hindi? Ano ba ginawa mo love nung nawala ako?" si Laila
Sinimulang paandarin ni Rigor ang kotse.
"Ano ba nangyayari sa yo love?Hinanap kita ano ka ba naman. Nataon na may seminar ako abroad." sagot ni Rigor
"Love what a coincidence ng makidnap ako bigla kang nagka seminar. Hindi mo naman nasasabi sa akin yun dati. Di ba pinaplano yun?"
"Biglaan nga love. Hey, ano ba tong pinag uusapan natin na to love. Okey na ang lahat di ba. Basta hindi kita papayagang bumalik dun sa bundok" si Rigor
"Bundok? May sinabi ba kong bundok love? May sinabi ba kong bundok ang pinanggalingan ko?" pang uusig ni Laila
"Wala ka nga sinabi pero di ba kapag mga taong labas usually sa bundok nakatira. Eh saan pa ba sila magtatago di ba, love naman gagawin mo pa bang issue yun?" si Rigor.
"Paano kung gusto ko talagang pumunta love?" si Laila
"Love kahit ate mo tanungin mo hindi din papayag yun. Para ano pa ba.. baka ikapahamak mo pa yan. Basta wag ka na pumunta dun period." matigas ang pagkakasabi nun ni Rigor
Hindi na kumibo si Laila sa huling tinuran ni Rigor at nagpahatid na lang siya sa bahay.
Habang mag isang nagda drive ay napapaisip si Rigor. Nararamdaman niya ang pagdududa ni Laila pero sigurado siya na hindi siya tatraydurin ni Isagani. Dahil kung alam nito, ay tiyak na galit na agad ito sa unang araw pa lang ng pagkikita nila. Hindi naman nito makokontak si Ancis Alegre dahil pina block na niya ito sa f*******: kahit hindi sila friend nito. Anong dahilan ni Laila para magtanong ng mga ganong bagay?Mayroon ba siyang hindi nalusutan sa mga nagawa niya? Hindi maaaring masira ang mga plano niya. Mahal na mahal niya si Laila at kung nagawa man niya ang lahat ng iyon ay para na din sa kinabukasan nila. Wag naman sana dumating na malaman ni Laila ang lahat at kung mangyari man ito kailangan niyang paghandaan ang mga katwiran niya.
Mabilis ang mga araw na nagdaan. Nakapag fitting na sila ng mga isusuot sa kasal. Areglado na lang lahat. Ilang araw na lamang ay mag iisang dibdib na sila Rigor at Laila.
"Love, nakalimutan kong bigyan ng invitation yung isang client kong may ari ng restaurant. Ako na lang pupunta bukas. Last na yun then pahinga na tayo. Everything is settled." si Rigor.
"Sige love."
Pakiramdam ni Laila ay hindi luluwag ang kalooban niya hanggat hindi niya alam ang buong katotohanan at alam niyang si Isagani ang makakasagot ng lahat kaya kailangan niya talagang balikan ito. Pupuntahan niya ito bukas.
"Love may extra invitation ka pa ba diyan kahit isa lang?" si Rigor bago bumaba ng kotse si Laila
"Merun pa love. Merun kasing hindi sure na makakarating kaya hindi ko na binigyan.. wait kunin ko sa bag." sabay dukot sa bag ni Laila "eto love" at bumaba na ito ng kotse.
Hindi namalayan ni Laila na may isang litrato na kinuha niya mula sa mga gamit ni Rigor ang hindi sinasadyang napailalim sa inabot niyang invitation sa fiancé.