Kabanata 9:
Nakatingala sila pareho habang nakatingin sa mga nagliliparang sasakyan. Mayroon iyong dinadaanang manipis na linya, tila kable. Ang mga bahay ay nagtataasan, mga building na yari sa metal.
“Ang ganda!” bulalas ni Johnson.
“Maganda, pero kailangan na nating makabalik sa gubat. Nakasuot ka lang ng boxers, Johnson!”
Pakamot-kamot sa ulong tumango siya. “E paano nga tayo makakabalik?”
“Gawa’n natin ng paraan!” halata na ang inis sa boses ni Brenda.
Muli siyang hinatak ni Brenda papasok sa loob ng pintong nilabasan nila. Pagkapasok nila roon at pagkalabas ay muli na naman silang dinala sa ibang era! Napapakamot na si Johnson sa kanyang ulo nang hatakin siyang muli ni Brenda saka bumalik na naman sa loob. Ngunit ilang beses na silang magpabalik-balik, kung ano-anong taon na ang napupuntahan nila. Hanggang sa muling paglabas nila sa kweba, hinatak na ni Johnson ang kanyang kamay mula kay Brenda.
“Pagod na ako!” reklamo niya.
Nag-angat ito ng tingin sa kanya. Halata ang pagka-irita ni Brenda. Kung naiirita ito, s’yempre naman at naiirita rin siya! Sino bang hindi maiirita kung makailang beses mo namang sinubukan, pero kahit anong subok, laging sablay!
“Bakit hindi na lang kaya natin i-explore ‘to? Nakakainis naman!” reklamo ni Johnson.
“Ano bang explore?”
“Ah basta? Imbes na pabalik-balik tayo sa kweba, maglibot na muna tayo. Tutal narito na rin naman tayo e,” aniya.
Tuluyan na siyang naunang maglakad. Namamangha siya sa linis at ganda ng paligid. Nasa sinaunang panahon sila, sariwa pa ang amoy ng hangin. Amoy dahon! Hindi pa amoy polluted. Ang ilog na naroon ay malinaw pa at walang palutang-lutang na echas, diaper, tsitsirya o kahit ano pang basura.
“Johnson, ano ba? Mawawala tayo!”
“Huwag kang mag-alala, hindi pa naman ako ulyanin. Matatandaan ko kung saan tayo dumaan,” pagyayabamg niya.
“Hay ang kulit! Kaya ka napapahamak e,” iritang ani Brenda.
“Basta ako’ng bahala.” Diretsong nilakad niya ang patungo sa isang bahay na napansin niya.
Sa kanilang paglalakad, napansin niya ang isang bahay kubo. Sa labas no’n ay may nakita siyang mga nakasampay na damit. Kaagad niya iyong tinungo saka nagmamadaling dumekwat ng pantalon at t-shirt.
“Johnson! Pagnanakaw ‘yan!” saway ni Brenda.
“Pagnanakaw kapag may nakaalam,” katwiran niya naman.
“Johnson, ano ba?”
“Sshh!” Dali-daling isinuot ni Johnson ang t-shirt at pantalon. Medyo luma na iyon ngunit ayos lang, maitago lang niya ang suot niyang malamang na hindi katanggap-tanggap sa lipunan.
“Johnson! Tama na, hanapin na lang kaya natin ang pabalik sa gubat?”
Ngunit hindi nakinis si Johnson, tuloy-tuloy niyang isinuot ang pantalon hanggang sa—
“Hoy! Sino ‘yan?!”
“Hala!” bulalas ni Brenda.
“Ingay mo, halika na!” Kaagad niyang hinablot ang kamay ni Brenda saka sila tumakbo.
“Hoy! Damit ko iyan! Bumalik kayo rito!” sigaw ng lalaking may-ari yata ng mga damit.
Natatawa si Johnson habang patuloy siyang tumatakbo hila-hila si Brenda. Imposibleng mahanap pa sila ng may-ari dahil diretsong tinahak nila ang pabalik sa kweba. Sa kanilang pagbalik, paglabas nila’y bumungad ang panibagong panahon. Ngayon ay bumalik sila sa panahon na ang mga suot ng tao ay kapanahunan pa ni Doctor Jose Rizal.
“Ayos lang kaya itong suot natin? Ikaw anong suot mo—” Paglingon ni Johnson kay Brenda, nakasuot na ito ng kulay puting saya. “Paano nangyari ‘yan?!”
“Secret walang clue!” Nauna nang maglakad si Brenda sa gilid ng kalsada.
Habang siya’y ilang saglit pang natulala habang naglalakad palayo si Brenda. Hindi kaya, nagnakaw rin ito ng saya? Pero kailan? Hindi niya nakita!
“T-teka, teka hoy! Hintayin mo ako!” bulalas niya.
Tumakbo siya para lang maabutan si Brenda, didikit sana siya sa kanya ngunit hindi siya nito hinayaan.
“Oops! Bawal sa panahong ito ang magdikit ang lalaki at babae. Lumayo-layo ka, social distancing!”
Ngumuso si Johnson at saka humakbang pagilid ng dalawang beses saka sila nagpatuloy sa paglalakad. Ang lugar ay hindi kagaya ng kasalukuyan, hindi pa polluted.
Wala silang nakitang sasakyan, puro kalesa. Ang mga pananamit ng bawat madaraanan nila’y baro’t saya.
“Saan mo gustong pumunta?” tanong ni Brenda.
“Hindi ko rin alam,” sagot niya naman.
Palakad-lakad lamang sila at palinga-linga sa kung saan-saan. Hanggang sa huminto ang kanilang mga paa sa tapat ng mataas na simbahan. Labis ang pagkamangha ni Johnson nang makita ang ganda ng estraktura nito. Nahahawig ito sa San Agustin Church.
“Ang ganda!” manghang pag-angat ng tingin ni Johnson.
Ganoon din si Brenda. “Oo nga. . . Tara pasok tayo?”
Hinawakan na lang bigla ni Brenda ang kamay ni Johnson. Magrereklamo sana siya kasi kanina lang sinabi nitong bawal ang magkadikit, pero heto at siya pa mismo ang humawak sa kamay niya.
Pagpasok ng simbahan, bubungad kaagad ang mala-arkong ceiling. Ang mga nakaukit na disenyo ay labis na nakamamangha, maisip pa lang ni Johnson kung paano iyon inukit, tila mahirap na. Paano kaya nila nagawa iyon? Parang printed e!
Nagpatuloy sila sa paglalakad, hanggang sa matanaw na gitna ng altar si St. Paul the Apostle. Hindi sila pareho nagsasalita, tahimik lang silang dumiretso sa may mahabang kahoy na upuan saka roon ay naupo.
“Magdasal ka na,” ani Brenda.
Nilingon niya ito. “Ikaw?”
Nagkibit-balikat lamang si Brenda saka nag-angat ng tingin sa altar. Hinayaan niya na lamang ito. Imbes na hintayin pa ang sagot ni Brenda, nagmamadali siyang lumuhod saka pinagdaop ang kanyang mga palad at ipinikit ang kanyang mga mata.
Matagal-tagal na rin noong huli siyang nagsimba, buhay pa yata ang mga magulang niya. Ngayon niya lang napag-isip-isip. Siguro kaya ganito ang buhay niya, siguro kaya hindi siya makausad sa hirap ay dahil bukod sa hindi siya nagsisimba, hindi na rin siya nagdadasal.
Noon naman nagdadasal siya gabi-gabi, ngunit nang sunod-sunod na ang kamalasan sa kanilang pamilya, hindi na niya magawang magsimba. Pakiramdam niya kasi’y hindi naman totoo. . .
Ilang minuto pa ay dumilat na siya at saka naupo sa tabi ni Brenda.
“Tapos na kaagad? Anong ipinagdasal mo?”
“Ipinagdasal ko na sana makabalik na tayo sa gubat,” tatawa-tawang sagot niya.
True enough, tila magic na nagbago ang paligid. Bigla na lamang silang bumalik sa gubat nang wala silang ibang ginagawa.
“Hala!!!” bulalas ni Johnson. “Anong nangyari?”
“Nakabalik na tayo, ganoon ka yata kalakas sa Diyos.” Tumayo na si Brenda mula sa damuhan.
Muling nangunot ang noo ni Johnson nang mapansing bumalik na sa simpleng berdeng bestidang pantulog ang suot ni Brenda.
“Nakapagtataka talaga e. Paanong nagpapalit-palit ka ng damit? Samantalang ako, hindi ako makapagpalit? May magic ka ba?” sunod-sunod na tanong niya.
“Kasi nga. . . secret, walang clue!”