KABANATA 17

2025 Words
KABANATA 17: HINDI na kami natuloy na mamasyal ni Philip dahil natagalan ito. Tumawag siya sa akin para lang sabihin na ihahatid niya si Amanda sa Calauan. Wala akong alam kung anong nangyari na kay Amanda. Ang iniisip ko nga ay baka hindi na tumuloy sa pagpasok si Emil at ihatid ang kaibigan pauwi pero si Philip pala ang gagawa. Ayoko naman ng makiusosyo kaya hinayaan ko na sila at hindi na nagtanong. Sumapit ang alas-sais ng gabi. Sa ilang dekada ko sa mundo ngayon lang ako nasabik kapag sumasapit ang alas-sais. Alam ko naman ang tunay na dahilan. Alam ko namang walang patutunguhan ang ginagawa ko pero hindi ko mapigilan. Dito ako masaya. Hindi din ako mapakali at para bang may nag-uudyok sa akin na makipagkita sa kanya. I just want to go with the flow. Ayoko na munang isipin ang consequence ng actions ko. Nakagat ko ng mariin ang ibabang labi ng makita ko siyang muli na naga-abang na sa akin. Tulad ng nakaraan. Nakita ko na naman siyang naninigarilyo. Mahigpit kong hinawakan ang strap ng aking LV shoulder bag. Huminga ako ng malalim bago nagpatuloy sa paglalakad. "Emil..." marahang tawag ko. Napabaling ito sa akin at tila ba tsaka lang natauhan ng tinawag ko. Natataranta nitong tinapon sa lupa ang sigarilyo at tinapakan. Umayos siya ng tindig at tumikhim. "Pasensya na..." anito at ang tinutukoy ay ang paninigarilyo niya. Kumunot ang noo ko pero hindi na ko nagtanong kung bakit. Bakit siya humihingi ng pasensya e wala naman akong sinasabi na iba tungkol sa paninigarilyo niya. "Hinatid ni Philip si Amanda kanina..." panimula ko. Nilagpasan ko siya at naglakad ng marahan. Huminto ako ng napansin kong hindi siya sumunod. Tsaka lang ito naglakad ng nilingon ko siya. "Hindi na ko makikipagkita sa kanya." Kumibot ang kilay ko. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Naglakad ako. Naiilang at nahihiya ako na magbato pa ng mga tanong sa kanya. Pinili kong itikom ang bibig. "Iba na ang epekto ko kay Amanda. Hindi na maganda kaya pinuputol ko na ang samahan naming dalawa. Mas mabuti na hindi na kami magkita. Humanap na lang siya ng iba. Iyong pahahalagahan siya at mamahalin ng sobra-sobra." Napanguso ako. Aminado naman si Emil na baliw na baliw sa kanya si Amanda. Bakit ganoon? Dapat nga malungkot ako na nawalan o naputol ang pagkakaibigan nilang dalawa na hinubog na nga ng ilang taon. Pero hindi ko iyon maramdaman. Sa halip, nagdidiwang ang puso ko. Masama na ata ako. Selfish ata ang tawag dito. Lihim ko lang na pinagdadamot si Emil. "Magiging okay din siya paglipas ng panahon. Kapag nasanay na siya na wala ka sa tabi niya. Mukhang palagi mo siyang kasama 24/7 noon pa at tinuring mong para mo ng kapatid kaya ganyan siya sayo ngayon. Iba ang dating para kay Amanda ng trato mo sa kanya," mahaba kong sabi. Tila lumundag ang puso ko ng pantayan ni Emil ang lakad ko. Amoy na amoy ko ang mumurahing sabon nito. Sa tuwing inaantay niya ko ay bagong ligo ito. Pilit ko mang huwag isipin pero nauuwi pa din sa kung ideya na kaya niya iyon ginagawa kasi pinaghahandaan niya ang pagdating ko. Pinaglaruan ko ang strap ng aking bag. "Nagkamali ako at hindi ko sineryoso ang sinabi niya. Lumala pa sa paglipas ng panahon. Mali ang tingin niya sa mga ginagawa ko. May ibang kahulugan pala iyon sa kanya kaya mas okay na hindi kami magkita, mas magiging maayos siya." Sinuksok ni Emil ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon nito. Napasulyap ako sa suot nito. Mahilig siya sa fitted shirt. Dark colors. Gray, black, navy blue. Sa ibaba ay faded jeans, kung minsan ripped jeans. Bagay naman sa kanya. Kahit nga ata gulagulanit na ang suot ay bagay sa kanya. Ang mumunting bigote nga nito sa mukha ay bumagay din sa kanya. Noon kasi nandidiri ako. Ayoko ng lalaking may bigote. Nadudumihan ako. Ngayon, nagbago ang paningin ko simula ng nakilala ko siya. Lahat ata ng ayaw ko sa lalaki nasa kanya. Sadyang mapagbiro ang tadhana. Talagang magugustuhan ko pa iyong kabaligtaran ng gusto ko. Nanatili kaming tahimik habang naglalakad. Nagpapakiramdaman. Hindi ko akalain na makukuntento ako sa ganitong set-up. Masaya na ang puso ko na nagagawa kong makasama siya kahit saglit lang. Nakakausap. "Umuwi na ba si Mayor?" tanong nito at naramdaman ko ang pagbaling niya sa akin. Marahan akong tumango pero hindi ko siya tinitignan. Diretso pa din ang lakad ko. "Kani-kanina lang..." mahina kong sagot. Nanahimik ito ulit. Pakiramdam ko ay pareho lang kaming okupado ang isip. May mga naiisip pero hindi magawang isatinig. Maya-maya pa ay nagsalita ito. "Bagay na bagay kayo ni Mayor, Maam." Narinig ko ang pagngisi nito. Sumulyap ako sa kanya. Hindi umabot sa mga mata nito ang ngiti. Naging mailap ang mga mata ni Emil. Binagsak ko ang tingin sa sariling mga paa. Patuloy pa din kami sa paglalakad. Lakad na sobrang bagal pa ata sa normal. "Magkaibigan lang kami." Nakagat ko ng mariin ang ibabang labi. Nagtunog katulad din ako ni Emil sa sagot ko na iyon. Ganyan din ang sinabi niya sa akin kanina sa opisina. Magkaibigan lang sila ni Amanda. "Imposible namang hindi siya nanliligaw. Halata naman na gusto ka niya." Narinig ko ulit ang pag-ngisi nito. Nanatili itong nakapamulsa habang humahakbang. "Paano mo nasabi?" Nag-angat ako ng tingin. Curious ako sa kung anong isasagot niya. "Alam ko ang mga ganoong klase ng tingin at galaw, Maam. Lalaki din ako kaya alam ko." Napahinto ako sa sinabi niya. Natigil si Emil ng huminto din ako. Bumaling siya sa akin at nagtataka. "Bakit ganoon ka din ba tulad niya, Emil? Ganoon ka din ba sa mga babaeng dumaan sa buhay mo?" Tinitigan ko siya. Ang kaninang nagtatakang reaksyon nito ay napalitan ng kaseryosohan. "Kapag mahal ko, makikita sa kilos at galaw ko. Halata sa mga mata ko. Dalawang beses ko lang naranasan ang magka-nobya. Lahat sila minahal ko naman talaga." Umawang ang bibig ko sa pagkabigla. Nakuha niyang aminin sa akin ang ganyang bagay? Bakit napupunta na kami ngayon sa ex niya? Nanliit ang mga mata ko at napangisi ng makabawi sa pagkabigla. "Weh? Sa dami ng babaeng lapit ng lapit sa'yo. Nagpapansin at halos maghubad sa harap mo. Dalawa lang? I don't believe you." Napapailing ako at nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod din ito. "Wala akong pakialam sa kanila. Hindi ako mahilig sa ganoong klase ng babae..." namamaos nitong sabi. Natawa ako at napapailing pa din. Hindi talaga ako naniniwala. "Ang alin ang ayaw mo? Nagpapansin o 'yung naghuhubad sa harap mo?" Natatawang sabi ko at binalingan ko siya. Nawala ang ngisi ko ng makitang seryoso ang mukha niya. "Hindi ganyan ang tipo ko. Ang gusto ko ay iyong may pagpapahalaga sa sarili at babaeng-babae kumilos," anito at hindi inalis ang titig sa akin. Ilang segundo ko atang nakalimutan huminga. Mabilis ko siyang tinalikuran at naglakad na muli. Kumabog ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan. Para bang may mga paru-parong nagliliparan sa aking tiyan. "Hindi ko magawang tumingin sa iba... dahil may gusto akong iba." Huminto ako at parang nanigas ang katawan ko ng marinig iyon. Tila ba nakaramdam ako ng antisipasyon. Bumilis ang aking paghinga. Mas tumindi ang aking kaba. "Gustong-gusto ko siya. Kaya kahit anong gawin ko. Nauuwi pa din ako sa kanya. Sinubukan kong ibaling ang atensyon ko sa iba. Pero siya pa din ang iniisip ko wala ng iba..." namamaos nitong sabi. Sa bawat buga ng mga salita ay palakas ng palakas. Palapit ng palapit sa akin hanggang sa naramdaman ko na ang presensya niya sa aking likuran. "B-bakit... hindi ka manligaw?" tanong ko at ngumisi ng makabawi. Nilingon ko siya at napakurap-kurap ako sa ganoong reaksyon pa din ni Emil. Seryoso pa din siya habang titig na titig sa akin. Umiling ito. Dumaan ang lungkot sa mga mata. Ito naman ngayon ang naglakad. Nilagpasan ako. "Bakit?" ulit ko. Sumunod sa kanya at sinabayan na sa paglalakad. "Hindi pa sa ngayon. Kumukuha pa ko ng lakas ng loob at saka hindi pa ito ang tamang oras. May mga bagay na hindi dapat minamadali dahil lang sa iyon ang gusto mo..." Huminto ito at hinarap ako. Natigil ako sa paglalakad at muntik pang mabungo sa malapad nitong likod. Tiningala ko siya. Bumaba ang tingin ni Emil sa ibaba kong labi. "Mas masarap sa pakiramdam na makukuha ko siya dahil pinaghirapan ko. Inantay ko... higit sa lahat. Pinagdasal ko." Napatitig ako sa kulay kape niyang mga mata. Walang bahid ng biro ang mga iyon. Puno ng surpresa ang lalaking ito. Sa tindig at itsura niyang iyon ay hindi ko akalain na magbibitiw siya ng mga ganoong salita. Na naniniwala siya sa ganoon? May lalaki pa palang gano'n? Kumurap-kurap ako ng makabawi. Pero ramdam ko ang mabibigat kong paghinga. "Paano kung... kung maunahan ka ng iba? Tsaka malay mo gusto ka niya! Ano ka ba!" Natatawa kong sabi. Dinaan na lang sa biro. "Hindi siya para sa akin. Kasi kahit hindi ako magmadali. Ilang lalaki pa ang dumaan sa buhay niya. Sa akin pa din siya babagsak kung para talaga siya sa akin. Ayokong ipilit ang sarili. Hindi pa ito ang tamang oras kaya palilipasin ko muna. Hindi ito tulad ng noon. Iba siya sa lahat..." anito at tinalikuran ako. Ang dami ko pang gustong itanong kaso natatanaw ko na ang Hacienda namin. Bukod doon, nahihiya na akong ipilit kay Emil na magsalita pa tungkol doon. May pumasok na ideya sa aking isipan kung sino ang tinutukoy niya pero mabilis ko ding ni-reject iyon dahil ayoko namang magkamali at umasa. Dala-dala ko tuloy hanggang sa pagtulog ang mga napag-usapan namin. Pagdating ko nga sa Mansion ay lumulutang ang isip ko kahit na kasama ko si Philip at si Lolo. Naiiwan ang utak ko sa kanina. Sa paglipas ng mga araw mas lalo akong nae-excite na makausap at makasama si Emil. Mas lalong tumitindi ang paghanga ko sa kanya. Tulad ng pangako ko kay Philip ay ipinasyal ko na nga siya kinabukasan sa Hacienda. Isa-isa naming sinubukan ang ilang activity. Na-divert ang atensyon ko sa kay Philip at sa ginagawa namin. Pero ng mapag-usapan na ang tungkol sa kabayo ay sumagi na naman si Emil sa aking isip. "I should try to ride horses. Hindi ba magaling ka roon? Nabanggit ng Lolo mo at nakita ko ang ilang trophy mo sa Mansion." Tinagilid ni Philip ang ulo nito habang inaantay akong sumagot. "Sure, mamaya kapag malilim na. Ako ang magtuturo sa'yo." Ngumiti ako. Nasa lake kami at nagsubok ng fishing. Si Philip lang ang may hawak ng fishing rod. Nakaupo lang ako sa dulo ng platform. Malilim dito sa pwesto namin dahil pinagawan ng bubong. Bukod doon ay maraming puno. Napatingin ako sa mga batang nagtatakbuhan sa damuhan. Napangiti ako. Maraming pamilya ang nakatambay ngayon sa lawa. Nage-enjoy talaga ako kapag nakakakita ng masayang pamilya. Kahit na hindi ako lumaki na buo ang pamilya ko. Hindi naman ako naging bitter. Medyo naiingit at curious paano din kaya kung ako? Lumaki ng may Mommy at Daddy. Sa takot ko din na matulad sa trahedya na nangyari sa magulang ko. Pinili kong manahimik sa Hacienda. Gusto ko na kapag nagka-asawa at anak ako. Hindi lalaking mag-isa ang anak ko. Dito kami sa Hacienda titira hanggang sa tumanda kaming pareho. "Have you ever thought about marriage and how many kids do you want in the future?" Napalingon ako kay Philip na seryosong hawak ang fishing rod. "Wala nga akong boyfriend, iisipin ko pa 'yan?" Humagikgik ako sa sinabi. Natawa na lang ito at sumulyap sa akin pagkatapos ay binalik ang tingin sa tubig. "May ganoon. Ako wala din naman. Pero naisip ko na sa edad kong 'to dapat pala may asawa at anak na ko. Para paglaki nila para na lang kaming magtotropa." Ngumisi ito. Napatango ako. "Maganda din 'yong ganoon. Kaso syempre, iba-iba naman tayo ng timeline at fate sa buhay. Kahit naman sabihin ko na ready na ko mag-asawa ngayon. Hindi naman pwede. Wala naman akong ibang... gusto." Nabitin ang huling salita at naging mahina na ng sabihin ko iyon. "Ouch, double kill..." Natatawang sabi ni Philip at umakto pang hinawakan ang dibdib nito na parang nasasaktan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD