Naghihinagpis si Lorben na napahawak sa kanyang dibdib. Wala na! Wala na nga ang kanyang Ardia (guardian) dahil unti-unti na ring naglaho ang hiyas sa kanyang dibdib pagkatapos iyong mawalan ng kinang.
Namalisbis ang mga luha sa mga mata niya. Ang pagpanaw ng isang Ardia sa isang tulad niyang Albyans ay napakasakit dahil katumbas iyon ng pagkamatay ng isang kapatid. Ang Ardia nila kasi ay kasama na nila sa kanilang pagsilang.
Hindi agad siya nakakilos sa kanyang kinalulugmukan. Nakakapa ang kanyang isang palad sa kanyang dibdib habang tahimik na lumuluha.
•••
Nakapa ni Erika ang kanyang dibdib. Isang dalagita na pauwi na galing sa school. Kinakabahan siya dahil sa kakaibang hiyas o parang crystal na bigla na lamang dumikit sa kanyang dibdib at kahit anong gawin niya ay hindi na ito matanggal.
Kahapon niya iyon nakuha, papasok sana siya sa unang subject niya nang bigla siyang nakakita ng liwanag na parang galing sa langit at tumama sa kanya. At dahil napakabilis ay hindi niya iyon naiwasan. Nagising na lamang siya sa clinic ng kanilang school. Tinakbo raw siya roon ng guwardya nang makita siyang nawalan ng malay. Doon pa lang ay nakita na niya ang hiyas sa kanyang dibdib. Actually, tinanong niya ito sa nurse pero wala rin itong ideya bakit nagkaroon siya ng kakaibang hiyas sa dibdib. Na kapag pipilitin niyang alisin ay masakit. Masakit na masakit!
"Ano kaya ito?" kinabahang usal niya sa kanyang sarili. Kulay asul ang hiyas. Kakaibang hiyas.
Napatingala siya sa langit habang nakasapo ang isang kamay niya sa didib niya. Naisip niya kasi na baka galing ito sa mga alien.
Lalo't isang viral video sa f*******: ang nakita niya na may alien daw na napadpad dito sa mundo tapos bigla ring nawala. Alien na may nakakatakot na oso sa likod. Pero mukha namang tao dahil pinanonood niya talaga kagabi iyon dahil malapit sa lugar nila ang lugar na pinagpakitaan ng alien.
Hindi naman nakakatakot ang lalaking alien, kakaiba lang ang suot at 'yon nga 'yung oso nito sa likod. Tapos parang 'di ito nakakaintindi ng salita ng tao.
"Hoy!" Panggugulat sa kanya ng isang lalaki na nagpawala sa kanyang malalim na pag-iisip.
"Ano ba?!" Ingos niya sa binata na kilala niya. Si Jojit, ang makulit niyang kaklase.
"Uwi ka na?"
"Oo." Inayos niya ang t-shirt. Ewan niya bakit parang pinili niyang ilihim ang hiyas sa kanyang dibdib. Kahit sa magulang niya ay hindi niya sinabi pa, pati na sa kapatid niya at mga kaibigan niya.
"Sabay na tayo. Gusto mo munang magmiryenda?"
Umiling siya. Nanliligaw kasi sa kanya si Jojit at aaminin niyang may puwang naman ito sa puso niya. Pero dahil sa mga pangarap niya sa buhay ay isinasantabi niya muna ang mura niyang paghanga rito. Makakapag-antay naman ang pag-ibig, eh. Saka na kapag tapos na siya sa pag-aaral. Kung mahal naman talaga siya ng binata ay makapag-aantay ito.
"Sige na, ice cream lang tayo?" ungot ni Jojit. Ginawang kawawa nito ang hitsura.
Ngumiti siya sa binata. "Next time na lang. May gagawin pa kasi ako sa bahay. Ihatid mo na lang ako."
"Grabe naman, wala naman akong binabalak na masama. Kakain lang naman tayo, eh. Saka may sasabihin sana ako sa'yo na malupit na sekreto!"
"Anong sekreto?"
Tumingin-tingin sa paligid si Jojit. Nagtataka namang ginaya niya ito.
"Alam mo kasi may nangyari sa'kin na kakaiba," panimula ni Jojit sa sekreto nitong sinasabi sa mahinang boses.
Napakunot-noo siya.
"May ipapakita ako sa 'yo," sabi pa ng binata. Pero nang akmang tatanggalin nito ang butones ng polong uniform nito ay naalarma siya.
"Anong gagawin mo?!" Pigil niya sa binata.
"Ipapakita ko nga ang sekreto kong malupit sa 'yo!"
"Haisssttt! Pasaway ka! Huwag na!" Hinampas niya bahagya ang dibdib ng binata. Likas na pasaway at luko-luko si Jojit kaya naisip niya na baka kalokohan na naman ang sinasabi nitong sekreto. "Halika na! Hatid mo na lang ako!"
"Pero, Erika! May sekreto nga akong malupit!" giit ni Jojit.
"Heh! Tigilan mo ako Jojit kung ayaw mong hindi na naman kita pansinin ng ilang buwan!"
Kamot-ulo na lamang ang binata. "Ano ba 'yan! Meron naman talaga, eh!"
Hindi na niya ito pinansin. Dire-diretso na siya ng lakad. Isa pang dahilan bakit hindi niya masagot-sagot si Jojit dahil sa kakulitan din nito. May pagkaisip bata pa rin minsan. Sabagay bata pa naman kasi sila, grade seven pa lang sila.
Nang may umagaw sa pansin niya. Isang pusang puti na naglalakad sa gitna ng kalsada. Umawang ang mga labi niya at nahintakutan. Ang pusa kasi ay muntik-muntikang masagasaan!
"'Yung pusa!" turo niya kay Jojit.
"Hala!" sambit nang nahintakutan ding binata. "Kaninong pusa kaya 'yon?!"
Takbo agad ang dalawa sa gilid ng kalsada.
"Mengmeng, bilis!" Palakpak ni Jojit sa pusang tumatawid.
Aantayin na lamang sana nila itong makatawid pero hindi nakayanan ni Erika ang panganib na pwedeng mangyari sa pusa. Mapagmahal siya sa hayop, kahit na aso lang ang alaga nila sa bahay nila. Mahina ang puso niya pagdating sa mga hayop.
"Para po! Para po!" Bigla siyang takbo sa gitna ng kalsada. Pinipilit na patigilin ang mga sasakyan para makuha niya ang pusa.
Grabe tuloy ang busina ng mga sasakyan na nagulat sa kanyang ginawa.
"Erikaaaa!!!" sigaw sa kanya ni Jojit pero nagbingi-bingihan siya. Lakas loob pa rin niyang sinuong ang panganib papunta sa pusa.
At awa ng Diyos tumitigil naman ang mga sasakyan. Hanggang sa maabot na nga niya ang pusa.
"Meowww!" Lambing agad sa kanya ng pusa nang mahawakan niya.
Napangiti siya. Kinarga niya ang pusa.
"Hoy! Ano bang ginagawa mo?!" Nga lang ay bulyaw na sa kanya ng mga driver.
"Sorry po," hingi niya ng dispensa na naglakad na paalis sa gitna ng kalsada.
Ngunit isang taxi ang biglang nag-overtake. Nanlaki ang mga mata niya. Woahhh! Mababangga siya!
"Erikaaaaaa!!" sigaw ulit ni Jojit sa pangalan niya.
Parang nanigas ang mga paa niya. Kaya naman pinikit na lamang niya ang kanyang mga mata ng mariin na mariin at niyakap nang napakahigpit ang pusa.
Ang hindi niya alam ay nagliwanag ang kanyang hiyas sa dibdib. Nakakasilaw na liwanag. Napaiwas ng tingin ang mga tao pati na rin si Jojit dahil masakit sa mata ang liwanag.
Nakakasilaw!
At bago pa man mabangga siya ay isang kabayo na puting-puti ang kulay na may pakpak at may isang sungay sa noo ang lumabas sa kung saan sa likod ng dalaga. At hinarang nito ang taxi sa pamamagitan ng sungay nito. May lumabas na parang kuryente roon na siyang tumama sa taxi at nagpatilapon.
Tapos ay parang tumayo ang kabayo at umungol saka lumipad sa taas.
"Ano 'yon?!" Takang-taka ang mga tao na naglabasan sa mga sasakyan nila. Sinundan nila ng tingin ang kabayong may pakpak at lumilipad.
Pati na si Jojit na nasa tabi ng kalsada. Napanganga ito sa nakita. "Astig!"
Pero kung may mas nagtaka man ay 'yon ay walang iba kundi si Lorben na nasa rooftop ng isang building. Gulat na gulat ito nang makita nito si Ardia Slypha (The guardian unicorn) ng mahal nilang Saprea (prinsesa). Biglang napatayo ito at sinundan ng tingin ang lumilipad na ardia (guardian). Dahil do'n ay nabuhayan ng loob ang magiting na ore (kawal).
Tama ang sinabi ng kanilang mahal na diwata, nagkalat lamang sa kung saan ang mga ardia ng kanilang saprea dito sa mundo ng mga tao........