"Rebecca!" naalimpungatan ako nang marinig ang sigaw na 'yon. Nakatulog pala ako sa gazebo. Hindi ko alam kung sino ang sumigaw pero boses 'yon ng isang lalaki.
Inayos ko ang nagusot na uniform at ang naging magulo kong buhok. Nagpalinga-linga ako upang hanapin si Steph pero wala siya. Tanging ang mga dumadaan na estudyante lang ang nakikita ko at ang babaeng may mahabang buhok na nakaupo sa may kabilang gazebo.
Dahil nga sa kakagising ko pa lang ay medyo nanlalabo pa ang paningin ko, 'di ko maaninag ang mukha ng babaeng nasa kabilang gazebo pero batid kong nakangiti 'to habang idinuduyan ang mga paa sa ere. Biglang umilaw ang phone ko.
A message from steph. Nag flash sa screen ang oras, 11:00 na pala ng tanghali.
Nagtext si Steph na nasa room na siya kaya kinuha ko na ang mga gamit ko. Papasok pa lang ako ng room nang may lalaking humarang sa daraanan ko.
Itinukod nito ang kaliwang kamay sa frame ng pinto habang nasa bulsa naman ang kanang kamay nito.
Napatitig ako sa makinis nitong mukha, sa iilang hibla ng buhok na bahagyang natatakpan ang malatsokolate at singkit nitong mga mata. Napakaganda ng mga matang 'yon, masyadong mapang-akit. Kung ang mga tinging 'yon ang huhubad sa akin, aba'y ayos lang, tutulungan ko pa siya.
Nakita ko ang pagkurba ng manipis at mamula-mula nitong mga labi na bumagay sa matangos nitong ilong. Ang lambot tingnan, parang ang sarap kagatin.
Wala kang maipipintas sa kanya, mula sa panga na bumagay sa mukha niya, idagdag pa ang hikaw na laging kumikinang kapag kaharap ko siya.
"Password?" pabulong nitong turan.
"H-ha?" Kunot noo kong tanong.
"What's the password?" pag-uulit nito.
"Anong password? Elementary lang? Tss, isip bata!" nginiwian ko 'to. Tumaas ang kanang kilay nito.
Itinaas nito ang kanang kamay at nag-sign ng 5. Halatang binibilangan niya ako ng mali.
"I love you," nakangiti kong sagot.
"You've got it right. I love you too." aniya, parang pinasukan ng ipo-ipo ang sikmura ko nang sabihin niyang 'I love you too'.
Akala ko'y aalis na siya. Nakita ko ang pag-angat ng kamay niya upang alisin ang mga hibla ng buhok na tumatakip sa mukha ko. Hinaplos nito ang mukha ko bago ngumiti.
"Becca." bulong niya saka inilapit ang mukha sa akin upang halikan ako. Bago pa man maglapat ang mga labi namin ay naramdaman ko ang pagpatak ng basang likido sa pisngi ko. Luha? Hindi naman ako umiiyak, kung gayon, ang lalaking 'to ang umiiyak, pero maaliwalas ang mga mata niya.
Mas lalo pang bumilis ang pagpatak ng kung anong likido sa pisngi ko, hanggang sa--
Pabalikwas akong napatayo sa kama. Panaginip lang pala. Pero mas gusto ko ang panaginip na 'to. Hindi nakakatakot.
Napatingin ako sa pinagmumulan ng tubig. May butas ang bubong at malakas ang ulan sa labas. Napatingin ako sa orasan, alas onse na ng gabi.
Umakyat ako sa kama saka tinanggal ang dream catcher na isinabit ko bago inurong ang kama malapit sa bintana kung saan 'di ito mababasa, kumuha na lang ako ng tabo at basahan upang pagsidlan ng tubig ulan na nagmumula sa butas ng bubong. Bukas ko na lang ipakukumpuni.
"Napakamahal naman kasi ng charge ni Manang kahit 'di naman kalakihan ang dapat kumpunihin." Hindi ko maiwasang hindi maghimutok lalo na't sa lahat ng tenants ay ang kwarto ko ang pinakamaliit sa lahat. Natatandaan ko pa nang una akong mapadpad dito. Puno na raw at halos lahat ay kakalipat lang doon. Agad namang sumulpot ang matandang caretaker at pinalinisan ang pinakamaliit na silid na ginawang bodega at tambakan ng mga nakabalot na mga basura. Nag-aalangan man ay wala akong choice noon kundi ang tanggapin at isa pa mura naman kaya pinagkakasya ko na lang ang sarili dito.
Iba ang gabing 'to sa mga nagdaang gabi, kung dati'y nagigising ako na takot na takot ngayon ay masaya ako. Binuksan ko ang bintana, tumila na ang ulan. Tumingin ako sa kalangitan, unti-unti nang nagsilabasan ang mga bituin.
"Sino ka ba?" natanong ko na lang bigla habang nakapangalumbaba. Napatingin ako sa dream catcher na hawak-hawak ko, "Salamat." bulong ko dito saka ito hinalikan.
Napatingin ako sa itaas, wala na ang kanina'y makakapal na ulap, mala-dyamante ang mga bituin, malamig ang hangin. Para akong idinuduyan sa sarili kong pangarap.
Agad akong bumaba ng kama at kinuha sa drawer ang sketch book na binigay pa sa akin ni Steph noong nakaraang pasko.
Iginuhit ko ang mukha ng lalaking nasa panaginip ko. Ang bawat detalye, kinompleto ko. Mula sa malambot nitong mga buhok na bahagyang tinatakpan ang magaganda nitong mga mata, may kakapalang kilay na bumagay naman, matangos na ilong, manipis na labi, ang hot na hot na jaw line nito, kahit na ang adam's apple nito.
"Ang gwapo mo." pabulong kong turan saka muling napatingin sa kalangitan.
Muli kong ibinalik ang paningin sa hindi pa natatapos na drawing. "Hindi ko alam kung buhay ka pa ba o patay na. Hindi kita kilala, ni sa pangalan o sa mukha. Hindi ko alam kung saan magsisimula para hanapin ka. Sa ngayon, sapat na sa akin ang mapanaginipan ka. Dahil alam kong may tadhana at kung sadyang akin ka, akin ka." Natigilan ako nang maalalang wala akong pangalan para sa kanya.
"Ba't naman kasi 'di mo pa sinabi sa panaginip ang pangalan mo." Mapakla akong napangiti. Napasulyap ako sa orasan.
"11:11" pabulong at namamangha kong turan.
Ipinikit ko ang mga mata saka humiling."Ang hiling ko ay ang makita ang lalaking nasa panaginip ko." muli kong ibinalik ang atensyon sa sketchbook.
"Tama. Ikaw ang 11:11 ko." mas lalo pang lumapad ang mga ngiti ko, saka sa ibaba ng imahe niya na nilikha ko ay ang numerong. 11:11.
One last final touch, after shades and shadows ay natapos ko na ang imahe ng lalaking napanaginipan ko. Hinalikan ko ang drawing saka humagikhik for the first time ay humanga ako sa isang lalaki.
"Hindi naman siguro masamang pangarapin ka." Niyakap ko ang sketch book at nahiga saka napatingin sa mga bituin. Hinayaan kong nakabukas ang bintana upang pumasok ang hangin.
"Eleven." Sambit ko. Masaya akong naidlip dala-dala ang pangarap. Bumalik ako sa pagkakatulog kakabit ang pag-asang mapanaginipan siyang muli.