Ace
AiTenshi
Feb 11, 2017
“Project Alpha 2269"
Ibayong kaba ang aking naramdaman noong mga sandaling iyon. Kasabay nito ang katagang binitiwan ni kuya Samuel. "Sa kalawakan ka nag mula tol."
Part 18: Memory Chip
Napako ang aking tingin sa lumang sasakyan at dito nga ay nag simulang ikwento ni papa ang mga pangyayari noong matagpuan nila ito sa isang bundok sa di kalayuan.
FLASHBACK
"Halos nasa Sampung taon na rin ang nakalilipas mag buhat noong ibigay ka ng langit sa amin. Natatandaan ko pa noon, umakyat kami ni Samuel sa bundok ng Opal upang kumuha ng sample minerals sa kanyang science project. Habang abala siya sa pag susuri sa mga bato ako naman ay abala rin sa pag tanaw sa kalangitan gamit ang bagong modelo ng teleskopyo.
Ilang minuto rin kami sa ganoong posisyon ng biglang may nakita akong bumukas na butas mula sa kalangitan, kulay itim ito na hugis bilog at dito nga ay lumabas ang isang nag liliyab na bagay mula sa loob nito. Bumubulusok ito pa baba, mabilis at parang isang kometang pabagsak mula sa langit.
Namangha ako sa aking nakita kaya naman agad kong tinawag si Samuel upang sabay namin itong pag masdan. Kapwa kami napatingala habang bumubulusok pa baba ang naturang bagay na iyon.
Maya maya ay bigla na lamang itong tumama sa lupa sa pinaka itaas ng bundok kung saan kami naroroon. "Papa puntahan natin, baka mas magandang sample iyon ng bato mula sa outer space!" ang wika ni Samuel habang isa isang isinisilid sa bag ang kanyang mga gamit.
"Mas maka bubuti siguro kung ako na lamang mag isa ang aakyat doon sa pinaka taas upang suriin ito. Malay mo ay nag lalaman ito ng kakaibang enerhiya o kaya ay mga kemikal na maaaring maging mapanganib. Mahirap na lalo't galing ito sa kalawakan." paliwanag ko naman.
"Hindi yan papa. Tara na!" ang excited na wika naman ni Samuel at doon nga ay nag pati una na ito sa pag akyat. Matigas talaga ang ulo niya at masyadong matapang.
Iyon ang set up, mabilis naming pinuntahan ang naturang bumagsak na bagay mula sa butas sa kalangitan at doon nga ay natagpuan namin ito sa isang malalim na hukay gawa ng malakas na pag tama sa lupa. Dito na nga tumambad sa aming mata isang capsule na sasakyan, kulay abo ito at nag liliyab pa ang paligid.
Noong mga sandaling iyon ay ibayong kaba at takot ang aming naramdaman. Agad kong hinawakan si Samuel sa braso upang ilayo sa naturang bagay na iyon lalo't hindi namin alam kung ano at saan ito nag mula. "Lumayo ka muna anak, baka nag lalaman ng mapanganib na nilalang ang capsule na iyan o kaya ay isang malakas na bomba. Mainam pa ay ipag bigay alam natin ito sa otoridad."
"Papa tingnan mo, bumubukas ang itaas ng sasakyan." wika naman ni Samuel at doon nga ay nakita kong unti unting nag kaka awang ang capsule na iyon. Pero gayon pa man ay hindi namin ito nilapitan, hinila ko si Samuel sa isang malaking puno at doon ay nag tago habang pinag mamasdan ang marahan pag bubukas ng ibabaw ng naturang sasakyan.
Makalipas ang ilang sandali, tuluyan naming nakita ang loob nito at dito nga ay laking gulat namin na isang batang lalaki ang nakasakay dito. "Tao papa! Bata rin!" ang wika ni Sam.
"Sandali anak, huwag muna tayo lumapit sa kanya dahil baka mapanganib ito." pag pigil ko naman.
"Kailangan niya ng tulong papa. Kunin natin siya!" ang wika nito sabay talon sa hukay.
Wala naman akong nagawa kundi habulin ito. Kapwa kami tumakbo sa hukay at doon nga ay mas malapitan naming nakita ang tao sa loob nito. Bata ito, naka hubo't hubad, naka dukdok sa monitor ng kanyang sasakyan at sa kanyang likuran ay naka tugon ang iba't ibang laki ng kable. Sa kanyang braso ay mayroon mga kableng dalayuan ng dugo at tubig. Ito ang perpektong pag lalarawan ng isang taong nag lakbay sa malayong galaxy at kailanman ay hindi ko malilimot ang arkitektong iyon.
"Kawawa siya papa, iuwi na natin siya." ang bulong ni Samuel. May kakulitan talaga si Sam noon dahil 12 taong gulang lang ito.
"Anak, hindi natin siya basta basta pwedeng iuwi. Tao iyan at hindi isang aso o pusa na pwedeng damputin nalang." sagot ko naman.
"Ah basta papa. Akin siya! Gagawin ko siyang kapatid. Iuwi na natin siya!" ang pag pupumilit ni Sam at doon nga ay wala na akong nagawa kundi iakyat ang sasakyan sa bundok at iuwi ng patago ang bagay na iyon dahil na rin ayaw itong iwan ni Samuel na noon ay sabik na sabik mag karoon ng kapatid.
Matagumpay naming naiuwi ang iyong sasakyan sa bahay na siya rin ikinagulat ng inyong ina. Pinag talunan namin ang bagay na ito ngunit noong makita niya ang batang nasa loob capsule ay labis siyang nahabag at naawa sa kalagayan nito. Sa huli ay nag kasundo kami na isekreto na lamang tungkol dito at kami mismo ni Samuel ang nag alis ng katawan ng bata mula sa capsule.
Maigi namin sinuri ang iyong katawan sa laboratoryo, dito na nga gumimbal sa amin ang katotohanan na ikaw ay isang makina, isang tao na mayroon mga bakal sa katawan. Gulong gulo kami ni Samuel, hindi namin alam kung paano nangyari ito ngunit kalakip noon ang aking pag hanga sa naiibang arkitekto ng iyong katawan. Kahit sa pelikula o sa kathang isip ay hindi ito magagawa ng isang tao sa aming panahon. Masyado na itong malayo at hindi na abot ng aming kakayahan.
Noong mga sandaling iyon ay naisipan kong sumangguni sa mga otoridad upang mas mapag aralan ka ngunit hindi pumayag si Samuel sa aking kagustuhan. Nag away kaming dalawa, inaway rin niya ang iyong ina at hindi lang iyon dahil naospital pa ito sa hindi pag kain ng apat na araw sa kagustuhang ikaw ay manatili sa aming tahanan hanggang mag kamalay. Halos siya na rin ang tumayong nurse mo at taga gamot. Madalas kong nakikita iyan na kinakausap ka at sinasabing idilat mo ang iyong mga mata Madalas niyang inilalapag ang kanyang kamay sa isang dibdib upang damhin ang t***k ng iyong puso.
Isang araw habang nililinis niya ang iyong katawan ay bigla na lamang tumibok ang iyong dibdib at kasabay nito ang marahang pag dilat ng iyong mga mata. Narinig ko nalang na nag sisigaw si Samuel mula sa basement kaya't noong puntahan namin siya doon nga nakita kong nakadilat kana at maayos na ang vitals ng iyong katawan.
Tuwang tuwa si Samuel sa iyong pag dilat. Iyon ang pinaka unang araw na nakita naming masayang masaya ang aming anak. Halos punong puno ito ng sigla, agad siyang kumuha ng pag kain at ng damit upang asikasuhin ka. Siya na rin ang nag bigay ng pangalang ACE sa iyo batay na rin sa nakasulat doon sa iyong Capsule.
Sa unang linggo ay parang walang program o memorya si Ace, hanggang sa unti unti itong malamanan at mag karoon siya ng emosyon. Iyon pa ang isang ikinagulat namin, dahil para itong isang tunay na batang lalaki na umiiyak, tumatawa, nalulungkot, nagugutom at nag sasalita. Wala na akong masabi, hands down na ako sa iyong kakayahan. Nakaka tuwa lamang isipin na pag kalipas ng 10 taon, si Samuel ay nag binata at si Ace naman ay nanatiling bata.
Iyon ang pang yayaring naganap sampung taon na ang nakalipas." ang salaysay ni papa.
End of flashback
Tahimik..
Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan at kasabay nito ang isang katanungang bumasag sa katahimikan sa buong silid. "May ganito palang bagay at pang yayari. Bakit hindi niyo agad sa akin sinabi? Bakit kailangan nyo pang paabutin ng ganito katagal?"
"Dahil natatakot ako, natatakot ako na kapag nalaman mo ang katotohanang hindi kami ang lumikha sa iyo ay iwan mo kami at hanapin ang sagot sa mga bagay na nais mong malaman. Ayokong mawala ka sa akin tol, patawarin mo ako kung nagawa ko mang hindi sabihin sa iyo ang totoo." ang sagot ni kuya Sam na may halong lungkot sa mga mata.
"Hindi naman ako aalis, paano ko naman hahanapin ang bagay na hindi ko alam kung nasaan? Kayo ang pamilya ko at sa inyo ako uuwi ng paulit ulit kahit na anong mangyari" ang wika ko sabay yakap kay Kuya Samuel na noon ay nakatahimik.
"Dito ka lang tol, huwag mo akong iiwan ha." ang bulong niya sabay halik sa aking pisngi.
"Pangako kuya, hindi ako lalayo at hindi ako mawawala sa iyong mga mata." sagot ko naman.
Ilang minuto rin kami sa loob ng lihim na silid bago tuluyang inalis ni papa ang security sa paligid ng casule upang malapitan ko ito. Ibayong kaba ang aking naramdam habang humahakbang patungo sa bagay na iyon. Halos di pa rin ako makapaniwala na galing ako sa kalangitan kung gayong hindi naman ako isang anghel.
Noong makalapit ako sa naturang sasakyan ay inilapag ko ang aking kamay dito ay hinaplos ang pangalang ACE sa gilid nito. "Diyan ko nakuha ang pangalan mong Ace tol. Bagay naman sa iyo diba?" ang wika ni kuya.
Napangiti naman ako habang tinititigan ang pangalan sa sasakyan. "Maganda kuya, bagay na bagay sa akin. Maraming salamat." naka ngiti kong tugon.
Maya maya ay lumakad si kuya sa isang cabinet at may kinuha sa loob nito. "Tol, narito ang mga larawan mo noong natagpuan ka namin ni papa. Bago ka namin alisin sa capsule na iyan ay kinuha ko ito gamit ang aking camera." ang wika ni kuya sabay lahad ng mga larawan sa akin.
Tatlong larawan ang ibinigay ni kuya sa akin. Ang una ay kuha sa malayo kung saan naka dukdok sa monitor ng sasakyan na parang isang lantang gulay. May malaking mga tubo na naka tugon sa aking batok at sa likod. Sa ikalawang larawan naman ay makikita ang buong sasakyan na nasa loob ng basement. At sa ikatlong larawan naman ay ang closeup ko na naka pikit at walang buhay, gulo gulo ang buhok at puno puno ng kable ang gawing leeg na nakatugon sa aking kinauupuan. Hindi ko akalaing ganito pa ang itsura ko noong matagpuan nila ako. Marami tuloy katanungan ang namumuo sa aking isipan. Nais ko itong hanapan ng sagot ngunit hindi ko alam kung paano.
Habang nasa ganoong pag iisip ako ay lumapit naman si kuya sa capsule at dito ay pinindot niya ang buton na malapit sa monitor. Nag karoon ito ng power at nag simulang gumana ang lahat ng makina. "Wala ibang naka lagay dito sa monitor kundi ang record ng iyong mga vital parts. Ang mga kableng malalaking ito ay ang nag susupply ng nutrisyon sa iyong katawan. Ang isang kable ay tubig at ang isang nakatugon sa iyong batok ay tubo na nag susupply ng dugo." paliwanag ni kuya maya maya ay pinindot niya ang icon na may sobre sa monitor nag flash dito ang katagang.
"No message in 2989 days"
"Ano iyan kuya?" ang tanong ko naman.
"Ito yata ang itinagal mo sa kalawakan. 2989 na araw o halos 8 na taon. Ibang klase talaga tol. Pati ako ay naguguluhan din. Sino namang nilalang ang tatagal ng 8 na taong palutang lutang sa outerspace?" ang tanong ni kuya habang patuloy sa pag butiting.
"Sandali, may naalala ako. Noong inialis ko ang mga kable sa likuran ni Ace ay mayroon akong nakuhang isang maliit na bagay. Para itong isang maliit na parte ng sasakyan na hindi ko mawari. Heto at niligay ko rito sa cabinet." ang wika ni papa sabay kuha ng isang bagay sa loob ng cabinet. Naka plastic ito at balot na balot ng tape sa paligid. "Hindi ko alam kung para saan ito. Ngunit ayon sa aking pag sususi para ito isang memorychip. Marahil ay parte ito ng sasakyan kaya't blangko ang iyang monitor nito." saad pa ni papa sabay sa naturang bagay sa plastic.
Kung iyong pag mamasdan, ang bagay na ito ay kasing laki lamang ng memorycard ng isang cellphone kaya't kung hindi mo pag tutuunan ng pansin ay aakalain mong kalat lamang ito.
Iniabot sa akin ni papa ang naturang bagay at walang ano ano ay bumukas ang aking dibdib at mabilis na lumipad ang memorychip papasok dito. Gulat na gulat ako sa pang yayaring iyon, maging si kuya ay hindi rin agad naka kibo. "Anong nangyari? Nasaan na?" tanong ni kuya.
"Hindi ko alam kuya, bigla nalang itong pumasok sa dibdib ko." ang sagot ko naman.
"s**t! Bakit? Teka, ano bang nangyayari?" ang naguguluhang wika ni kuya sabay bukas sa aking dibdib.
Habang nasa ganoong posisyon kami ay bigla na lamang nag dilim ang aking paningin at umusok ang aking buong katawan. Kasabay dito ang pag bagsak ko sa lupa. Tila nawalan ng control ang aking katawan at huminto ito ng panandalian.
itutuloy..