"Ay, teka bago mo pala sabihin ang mga kondisyon mo, puwede ba na magtanong muna ako?" Kita agad ang kan’yang iritasyon sa pagpuputol ko agad sa tangka niya na pagsisimula na magbahagi ng kan'yang mga kondisyones. Tumango lamang si Mikel sa akin nang pilit kaya ipinagpatuloy ko na ang itatanong ko. "Wala ka bang sabit?"
Tumaas ang kilay niya sa akin at halata ang pigil na inis niya. "Sabit?" Nakaarko pa ang kilay niya sa akin nang magtanong siya.
"Sabit. Like asawa, o kaya ay jowa? Gusto ko lang masiguro na hindi kabit ang labas ko sa lahat ng ito. Aba, wala akong balak na maging number two."
"Sa tingin mo ba ikakasal tayo ng tiyuhin ni Stan kung may asawa na ako?"
"May point ka naman do’n. Jowa. Baka mayro’n ka na naiwan sa Maynila?"
"Wala. Wala na." Hindi ko sigurado, pero may bahid ng kalungkutan ang pagtugon niya ng wala na. Ano kaya ang nangyari sa love story niya? "Ngayon, puwede na ba tayo na magsimula?" Itinaas baba ko naman ang ulo ko bilang sagot sa kan’ya. "Simple lang ang dapat natin tandaan sa kasalan na ito, this marriage is purely for convenience."
"Alam ko. Gagamitin kita at gagamitin mo ako. Maggagamitan tayong dalawa. Gets mo?" tanong ko rin sa kan’ya.
"Maggagamitan, in a sense na tutulungan kita sa problema mo sa pamamagitan ng kasal na ito at gano’n ka rin sa akin. Kaya ang unang-una na kondisyon ko ay, you shouldn’t fall in love with me."
Sarkastiko ako na napatawa habang siya ay seryosong-seryoso ang mga mata na nakatitig pa rin sa akin. "Sa tingin mo ba ay magkakagusto ako sa’yo?"
Nagkibit-balikat siya sa tanong ko at seryoso pa rin ang awra na nagsalita. "I don’t like to take chances. Mabuti na ang nagkakaintindihan tayo sa simula pa lang. This marriage will last for two years at the most. Siguro naman ay sapat na ang panahon na iyon upang pareho natin na maayos ang mga problema na kinakaharap natin."
"Ayos lang sa akin. At lilinawin ko lang din, hindi kita type kaya huwag ka mag-alala na magkakagusto ako sa’yo dahil napakalayo na mangyari ang bagay na iyon. Ayaw ko sa mga suplado. Kaya siguraduhin mo lang din na hindi ka mahuhulog sa akin, kasi wala akong balak na saluhin ka kapag nagkataon."
May tipid na ngiti na sumilay sa kan’yang labi. "Kagaya nang sabi ko, unang bukas pa lang ng bibig mo ay turn-off na ako sa’yo, kaya huwag ka mag-alala dahil hinding-hindi kita magugustuhan."
Ouch! Shocks, bakit kapag galing sa kan’ya ang sakit, besh? Maka-hindi naman siya wagas. Buwisit! Kung hindi ko lang talaga siya kailangan, hindi rin ako magtitiis sa kan’ya. "Dami mo na dada. Sige na, basahin mo na ang mga kondisyon mo." utos ko na lamang sa kan'ya.
"Mag-asawa lang tayo sa papel at kapag may nakakakita, pero kapag walang ibang tao ay hindi na natin kailangan na magpanggap. At dahil kasal na rin naman tayo, pagkarating sa Maynila ay roon ka na sa bahay ko titira. Hindi mo rin kailangan na mag-alala dahil may mga bakante na kuwarto roon, kaya hindi natin kailangan na magsama sa iisang kuwarto."
Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi niya. Hindi ako sigurado kung kakayanin ko ba na makasama siya sa kuwarto lalo na at lagi pa naman nang-aakit ang katawan niya. “Malaya ka na magawa ang mga bagay na gusto mo maliban laman sa pakikipagrelasyon habang kasal pa tayo. Kaya kung may boyfriend ka ngayon ay mas makakabuti na makipaghiwalay ka na habang maaga pa."
"Wala akong boyfriend."
"No wonder. Sa ingay mo na iyan ay walang magtitiyaga sa’yo." Sinamaan ko siya ng tingin at malapad na ngiti lamang ang isinagot niya sa akin. "Ano ba ang ginagawa mo pala sa buhay? May trabaho ka ba?"
"Nagtatrabaho ako bilang waitress sa Maynila."
"Mag-resign ka na."
"Ano?" malakas na tanong ko. Inuutusan ba niya ako? "Inuutusan mo ba ako na umalis sa trabaho ko?"
"Oo. Hindi ka na magtatrabaho pa pagkabalik natin sa Maynila."
"Hoy, Mikel, hindi ako kasing-yaman mo kaya hindi puwede na umalis ako sa pinapasukan ko. May mga magulang ako na sinusuportahan at may kapatid ako na may pamilya na nakaasa sa akin."
"Panganay ka ba?" tanong niya muli sa akin.
"Hindi. Bunso ako, bakit?"
Nagsalubong ang kilay niya sa naging sagot ko. "Ano? Bunso ka pero ikaw ang sumusuporta sa pamilya mo? Pati sa kapatid mo na may asawa?"
"Iyan ang normal na sitwasyon ng mahihirap. Mayaman ka kasi kaya hindi mo alam. Minsan subukan mo na bumaba sa pedestal na kinalalagyan mo upang makita mo ang tunay na mundo sa paningin namin na mahihirap."
Sa pamilya namin, hindi importante kung pang-ilan ka o kung sino ka, basta’t may responsibilidad ka sa pamilya mo. Iyan ang natutunan ko sa sarili ko na pamilya. Bagaman ako ang bunso ay kargo ko at responsibilidad ko silang lahat kabilang na ang sariling pamilya ni Chad, ang kuya ko.
"So, what’s your story then?" Hindi inaalis ni Mikel ang pagkakatingin niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit parang naging interesado siya sa buhay ko bigla. Pero hindi pa ako handa na isiwalat ang buong pagkatao ko sa kan’ya.
"Nothing interesting. Mahal ko ang pamilya ko at gagawin ko ang lahat para sa kanila. Pero nalaman ko na may hangganan din pala ang kaya ko na ibigay. Pasensya ka na at hanggang diyan lamang muna ang masasabi ko sa’yo. Kaya mabalik na tayo sa pinag-uusapan natin, dahil gaya nang sinabi ko, hindi ako puwede na hindi magtrabaho."
"Since you’re my wife, I’ll support you. Financially."
"Ano?" Tama ba ang narinig ko? Susuportahan niya ako? Mali pala, susustentuhan niya ako? Tama ba na pumayag ako sa gano’n na lamang? May prinsipyo pa rin naman ako kahit na paano.
"Asawa na kita, natural lang na responsibilidad kita kaya hindi mo na kailangan pa na magtrabaho."
"May sinusuportahan ako na pamilya at isa pa hindi naman kasama iyon sa pagiging mag-asawa natin. Kaya ko na suportahan ang sarili ko at ang pamilya ko."
Ayaw ko na ipakargo sa kan’ya ang responsibilidad na hindi naman sa kan’ya. Dinamay ko na nga siya sa problema ko dahil hindi ako pumayag na makipaghiwalay. Kaya pati ba naman ang problema ko na pinansyal ay ipapasagot ko pa sa kan’ya? Sobrang kahihiyan na iyon para sa akin.
"Susuportahan ko rin ang pamilya mo." Mabilis na nanlaki ang mga mata ko sa sumunod na sinabi niya. Tanga lang ba itong lalaki na ito para karguhin ang responsibilidad na hindi sa kan’ya?
"Nababaliw ka na ba? Bakit mo iyan gagawin? Kontrata lang ang kasal na ito."
"Kahit na kontrata lang ito ay may paninindigan ako, Tamara. Habang asawa kita ay kargo at responsibilidad kita at tama lamang na ibigay ko ang pangangailangan mo at ng pamilya mo. Kaya kapag sinabi ko na ako na ang bahala, isa lang ang ibig sabihin no’n, sigurado na ako ang bahala."
Wala akong naisagot at nanatili lamang na nakatingin sa kan’ya. Putik! Kakainin ko yata ang mga sinabi ko kani-kanina lang lalo na kung ganito pala siya mag-alaga. Naku, Tamara! Huwag na huwag ka mai-in-love. Malaking problema ang kakaharapin mo kapag nagkataon.