ACALLY
Malakas ang kabog ng aking dibdib habang kuyom ang kamao at dahan-dahan na naglalakad sa malawak na pasilyo ng shopping mall na kinaroroonan ko. Hindi pa ako nakikita ng dalawang taksil dahil abala pa si Fhil sa malanding kasama niya habang naglalandian sila.
Bagay nga sila, isang manloloko at isang haliparot!
Dahan-dahan akong naglalakad habang kuyom ang kamao at nababalot ng galit dahil naalala ko kung paano nagmakaawa sa akin si Fhil habang sinabi niya na mahal na mahal ako at inakit lamang umano siya ng malanding babaeng kasama nito.
Kung titingnan ko silang dalawa ngayon, ay mukha naman silang masaya. Kung sabagay, ano pa ba ang aasahan ko sa manlolokong si Fhil?
Hindi ko siya puwedeng pagkatiwalaan dahil palagi siyang nagsisinungaling sa akin. Ang ikinainis ko lang ay ginulo niya ng husto ang buhay ko, pero nagpapakasarap pala siya sa kandungan ng malanding babae niya. Tapos, na-trauma ako dahil ginulo niya ako sa apartment namin ni Mc, kaya napilitan akong umalis doon.
Kumukulo ang dugo ko at nag-iinit rin ang ulo ko habang nag-iisip ng paraan para makaganti kay Fhil. Nangako ako sa aking sarili na kapag nagkita kaming dalawa, ipapakita ko sa kaniya na hindi siya kawalan sa akin dahil pinagpalit ko siya sa guwapo, malinis, mabango, at mayamang lalaking higit pa sa kaniya. Pero sa pagkakataong ito, imposibleng mangyari iyon dahil wala naman akong boyfriend.
Kinagat ko ang aking ibabang labi habang ang mga mata ko ay palihim na nakasunod sa bawat kilos ni Fhil at ng babaeng kasama niya nang tumigil sila sa tapat ng isang stall para bumili ng ice cream.
Kung tatalikod ako at tatakbo pabalik sa banyo, puwede ko namang gawin iyon kahit posibleng makita ako ni Fhil dahil malapit lamang ang distansya nila sa akin. Pero nataranta ako nang makita kong nagbayad siya at malambing na inabot sa babaeng kasama niya ang hawak na ice cream.
Nanginginig ako sa galit. Typical na ugali ni Fhil ang nakikita ko ngayon. Pinaparamdam niya sa babaeng kasama na mahal na mahal niya ito, gaya ng ginawa sa akin. Nagagalit at naiinis ako dahil naloko niya ako sa loob ng mahabang panahon.
Kuyom ang aking kamao nang bumaling ang tingin ko sa pintuan ng katapat kong restaurant. May nakita akong palabas na mga lalaking nakasuot ng itim, pero mas natuon ang atensyon ko sa isa pang lalaki na naka-asul na polo habang may hawak na cellphone ang kanang kamay nito.
Guwapo siya, mukhang mayaman at matangkad pa.
Napatitig ako sa kaniya, pero nataranta ako nang makita kong papunta na sa direksyon ko sina Fhil at ang babaeng kasama niya. Mabilis akong tumalikod at sinalubong ang lalaking lumabas sa mamahaling restaurant, kasama ang ilang kalalakihan. Basta na lang akong lumapit sa estrangherong nakita ko at inabot ang batok nito at inilapit ang labi ko sa labi ng napatigalgal na lalaki sa harap ko.
Napakalakas ng kabog ng dibdib ko lalo na nang maglapat ang labi namin ng lalaking niyakap ko, at naramdaman kong natigilan siya.
Alam kong malapit na sa amin sina Fhil dahil narinig ko na ang nakakairitang pagtawa ng babaeng kasama niya. Nakagat ko tuloy ang pang-ibabang labi ng lalaking hinalikan ko dahil nanginig ako, pero nagawa ko itong sipsipin para magmukhang nagha-halikan nga kami.
"Acally," rinig kong malakas na tawag sa akin ni Fhil, pero hindi ko ito sinagot at nilingon.
Naramdaman kong hinawakan ako sa braso ng estrangherong lalaki, kaya bahagyang umawang ang labi ko at natigil ako sa panghahalik sa kaniya.
"Sir, pahalik lang po," kinakabahan na bulong ko nang bahagyang maghiwalay ang aming mga labi.
Hindi sumagot ang lalaki. Matigas ang kaniyang ekspresyon. Nagsalubong ang kaniyang mga kilay at para bang malamig pa sa yelo ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa mukha ko.
Nakaramdam ako ng takot at labis na kaba, kaya nabitawan ko siya. Naluluha na rin ako dahil alam kong nilagay ko sa kahihiyan ang sarili ko nang halikan ko ang lalaking kaharap ko.
Bakas ang pagsusumamo sa aking mga mata habang nakatingin sa kaniya. Mukhang naunawaan naman niya ako dahil hindi niya ako binigo. Pumulupot ang matigas niyang braso sa aking bewang at walang pasabi na hinapit ako palapit sa kaniya. Mabilis niyang sinapo ang batok ko at ibinigay sa akin ang halik na hinihingi ko.
Marahas at agresibo kung paano gumalaw ang mga labi ng lalaking kahalikan ko dito sa gitna ng hallway ng mall. Maraming mata ang nakakita sa amin, kasama na doon si Fhil, dahil nakita kong hinarangan siya ng ilang kalalakihan na kasama ng lalaking hinalikan ko matapos niyang tangkaing lumapit sa akin.
Hinihingal at naghahabol ako ng aking hininga nang tumigil sa paghalik sa akin ang lalaking nilapitan at hinalikan ko, pero hindi ko magawang kumawala sa mahigpit na pagkakayakap niya sa bewang ko dahil pakiramdam ko'y nanghihina ako.
"Let's go home, baby," malakas na sabi niya sa akin habang nakapalupot sa bewang ko ang kaniyang braso.
Napalunok ako at palihim na napatingin sa direksyon ni Fhil. Nakita ko kung paano nag-igting ang kaniyang panga habang nakasimangot at pumapadyak ang mga paa sa sahig ng babaeng kanina lang ay masayang kaharutan niya.
Tama nga ang hinala ko na lalapit sa akin si Fhil kapag nakita niya ako at posibleng gumawa na naman siya ng eksena para guluhin ako. Baliw ang lalaking 'yon dahil handa siyang gumawa ng iskandalo kahit pa kasama nito ang babaeng ipinagpalit niya sa akin.
Dahil sa malalim na pag-iisip, nawalan na ako ng pakialam sa paligid. Ngayon ko lang tuloy napagtanto na hawak pa rin pala ng lalaking kasama ko ang bewang ko habang naglalakad kami papunta sa kung saan at nakasunod sa amin ang ilang kalalakihan. Para bang dadalo sila sa isang kasalan dahil sa suot nilang itim na slacks at coat. Typical na men in black, maliban sa lalaking kasama ko.
"Ahh, Sir, hanggang dito na lang po ako," kinakabahan na sabi ko sa lalaking kasama ko.
Napalunok ako nang magsalubong ang kaniyang mga kilay. Kinakabahan na talaga ako dahil nakakatakot kung paano niya ako tingnan. Sa tingin ko, hindi siya ordinaryong lalaki lamang na puwede kong hatakin sa kanto at halikan dahil malakas ang kaniyang aura, at masasabi kong isa siyang makapangyarihang tao.
"Lady, alam mo ba ang ginawa mo?" kunot ang noo na tanong sa akin ng lalaking kasama ko.
Hindi ko nagawang sumagot dahil bigla na lang niya akong hinatak. Napasinghap ako nang lumapat ang aking likod sa pintuan ng kotse sa likuran ko. Narinig ko siyang nagsalita, pero hindi ko naunawaan dahil mahina lamang ito, kaya napatingin ako sa kaniya, pero agad akong nag-iwas ng tingin dahil hindi ko kayang salubungin ang matalim niyang mga mata.
"Pasensya na po, nabigla lang ako kanina, Sir," kinakabahan na paliwanag ko.
Sa sulok ng aking mga mata, nakita kong tumalikod sa amin ang mga nakaitim na lalaking kasama ng lalaking hinalikan ko. Para bang lahat sila ay natatakot na tumingin sa direksyon namin, kaya lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib.
Pigil ko rin ang aking hininga dahil ilang hibla na lang ang layo ng pagitan ng aming mga mukha. Magkadikit ang aming noo, at tumatama sa pisngi ko ang mainit na buga ng kaniyang hininga.
"Hindi ako bulag at tanga para hindi ko maunawaan ang ginawa mong palabas kanina,” pabulong na sabi sa akin ng lalaking yakap ako.
Ramdam ko ang panlalamig at panginginig ng aking katawan nang itukod niya ang braso sa tabi ng aking ulo, kaya hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan.
Tiningnan niya ako ng matalim, kaya napalunok ako, pero hindi ko naman siya magawang itulak dahil nakakatakot ang nakita kong emosyon sa kaniyang mga mata.
“Walang kahit na sinong babae ang nakakalapit sa akin, pero iba ka,” sabi ng lalaki sa akin. “Basta mo na lang akong hinalikan at sa tingin mo, hindi kita parurusahan?”
Nabalot ako ng labis na takot. Kakaiba ang aura niya. Sa bawat paggalaw ng kaniyang mga labi, ay nararamdaman ko ang kapangyarihan sa kaniyang tinig kapag nagsasalita siya.
"Pasensya na po sa nangyari kanina, Sir." Kinakabahan na humingi ako ng paumanhin sa kaniya. “Hindi ko po talaga intensyon na lumapit sa iyo at halikan ka. Na–nabigla lang din po ako, kaya hindi ako nakapag-isip ng tama.”
“What happened?” tanong ng lalaking kausap ko, kaya sinabi ko sa kaniya ang totoo.
"I’m Sabby, remember that dahil sisingilin kita sa serbisyong ginawa ko kanina sa palabas mo.”
Kahit nanginginig ang mga binti ko, nagawa kong makatayo ng tuwid nang bumaba ang mukha ni Sabby. Hindi ko nagawang magprotesta nang sunggaban niya ang mga labi ko at siniil ako ng marahas na halik.
Wala siyang pakialam kahit may kasama kami at napapalibutan ng mga lalaking nakapaligid sa amin. Sinibasib niya ang mga labi ko habang nakasandal ang katawan ko sa sasakyan at hindi makagalaw dahil yakap niya ako at nakadagan siya sa akin.
Pakiramdam ko'y nag-apoy ang aking buong katawan nang bumaba ang mga labi ni Sabby sa leeg ko. Marahas niyang sinipsip ang balat ko at paulit-ulit na naglandas ang kaniyang dila sa balat ko.
Natigil lamang ito nang marinig naming tumunog ang isang sasakyang nakaparada malapit sa amin. Binitawan ako ni Sabby, pero hindi nakaligtas sa mga mata ko nang pasadahan niya ng dila ang ibabang labi at pagkatapos ay kinagat niya ito habang hindi inaalis ang mga mata sa mukha ko.
Nanlalaki ang aking mga mata nang maglandas sa ibabang labi ko ang hinlalaking daliri ni Sabby at marahan niya itong hinagod. Napalunok ako at naitulak ko siya, kaya nabitawan niya ako. Sinamantala ko ito, agad akong tumakbo palayo sa kaniya at kahit nanginginig ang mga binti at tuhod ay kumaripas ng takbo palayo.
Pinilit kong makalayo kahit humarang sa daan ko ang ilang lalaking kasama ni Sabby, pero kalaunan ay tumabi sila. Pawisan at humihingal ako nang makalabas sa shopping mall. Agad kong binuksan ang pintuan ng van at mabilis na umupo sa passenger seat at ikinabit ang seatbelt.
Nagulat naman si Kuya Andy sa ginawa ko, kaya nagtanong siya sa akin, "Ayos ka lang ba, Ally?"
"O-opo," nauutal kong sagot.
“Bakit hinihingal ka?” muling tanong ni Kuya Andy.
“Tumakbo po kasi ako para hindi ka maghintay ng matagal dito sa parking at baka paalisin ka ng guwardiya,” pagsisinungaling ko.
Hindi na nagtanong pa si Kuya Andy. Pinasibad na niya ang van at tahimik na nagmaneho.
Nang makarating kami sa flower shop, bumaba agad ako sa van. Daig ko pa ang nakalaya sa kulungan nang makapasok ako sa loob ng silid namin ni Mc dahil pakiramdam ko ay ligtas na ako.
May kakaiba sa lalaking 'yon, pero hindi ko matukoy kung ano. Ngayon ko lang napagtanto ang consequences ng ginawa ko. Naipamukha ko nga kay Fhil na ipinagpalit ko na siya sa lalaking higit pa sa kaniya, pero hindi naging maganda para sa akin ang resulta ng ginawa ko.
Paano kung may asawa o girlfriend ang lalaking hinalikan ko?
Tama, paano nga ba? Makakasira ako ng pamilya at maaaring magkagulo sila kapag nalaman ng asawa ni Sabby ang ginawa ko, kaya nasabi niya kanina na sisingilin niya ako.
Napakurap ako habang paulit-ulit na dumadaloy sa isipan ko ang ginawa kong panghahalik kay Sabby. Napapikit ako at hindi mawala sa isipan ko ang labis na pag-aalala dahil baka mga tsismoso ang kasama niya at magsumbong sila.
God! Ayaw kong sugurin ako dito sa flower shop ng ibang babae at masangkot sa iskandalo dahil hinalikan ko ang lalaking may asawa.
“Hindi naman niya alam kung sino ka at saan ka nakatira,” bulong ng kabilang bahagi ng isipan ko.
Oo nga pala, hindi kami magkakilala ni Sabby. Hindi rin niya alam ang pangalan ko at kung sino ako. Iyon na rin ang huli naming pagkikita dahil kahit kailan ay hindi na ako pupunta sa shopping mall na iyon, kaya hindi na muling magtatagpo pa ang landas naming dalawa.
Matapos magbihis, pumunta ako sa opisina ni Miss Macy at inabot ko sa kaniya ang tseke. Agad akong nagpaalam at sinabing masama ang pakiramdam ko. Dahil maayos ko namang nagawa ang aking trabaho, ay pinayagan niya akong magpahinga.
Agad akong pumunta sa aking silid para maligo, pero natigilan ako nang hindi sinasadya na napatingin ako sa repleksyon ko sa salamin sa harap ko. Nanlalaki ang aking mga mata nang makita ko ang mga pulang marka sa leeg ko, at sigurado akong kagagawan ito ng lalaking nakahalikan ko kanina.