Chapter 4

2046 Words
ACALLY Hindi naging madali para sa akin ang lahat. Isang linggo na akong nagdurusa, hindi lamang sa sakit ng panloloko ni Fhil kundi pati na rin sa presensya niya dahil nakasunod siya sa akin kahit saan ako magpunta. Kahapon lamang ay muli kaming nagkita nang puntahan niya ako sa beauty center na pinapasukan ko at nagpanggap na customer para makalapit sa akin. Napilitan akong harapin siya dahil nagbayad siya, pero disaster lamang ang nangyari sa paghaharap naming dalawa. Kung pagbabasehan ko ang nakikita kong ginagawa ni Fhil ngayon, masasabi ko na mahal na mahal niya ako dahil hindi siya sumusuko. Lahat ay ginagawa niya para bumalik ako sa kaniya, pero naging matigas ang puso ko. Hindi ko na siya kayang pagkatiwalaan pa. Kahit anong gawin ni Fhil, hindi ko kayang kalimutan ang tagpong nakita ko sa loob mismo ng kaniyang silid, sa bahay na sana ay kami ang titira kapag natuloy ang kasal na pinapangarap ko. Pero nasira ang lahat ng iyon dahil nahuli ko siyang niloloko ako. Hindi ako makapaniwala na ang taong ipinagmamalaki ko at buong pusong minahal ay kaya akong pagtaksilan at saktan ng ganito. Labis ang galit na nararamdaman ko para sa kaniya ngayon, at nahigitan na nito ang matinding pagmamahal na meron ako para sa kaniya sa loob ng mahabang panahong kasama ko siya. Nilagay ko siya sa pedestal sa puso ko. Buo ang tiwalang binigay ko sa kaniya. Umasa ako na hindi niya ako kayang saktan dahil ipinaramdam ni Fhil sa akin kung gaano ako kahalaga sa kaniya, pero ang lahat ng iyon ay pagkukunwari lamang pala. "Acally, lumabas ka d'yan! Alam kong nariyan ka sa koob. Mag-usap tayo!" malakas na sigaw ni Fhil mula sa labas ng pintuan, kasabay ng malalakas na mga katok. Napatakip na lamang ako ng aking dalawang kamay sa tenga ko, pero ang walang-hiyang si Fhil ay naghagis ng bote sa sahig, kaya nabasag ito at lumikha ng ingay. Lasing na naman siya, pero kahit gibain niya ang pintuan ay hinding-hindi ako lalabas at lalong hindi ko siya pagbubuksan. Matigas ang puso ko, pero masisisi ba niya ako? Buong puso akong nagtiwala kay Fhil. Halos sambahin ko siya habang ipinagmamalaki ko siya sa mga kaibigan ko, tapos niloloko lang pala niya ako. Tama nga ang kasabihan na kapag sobra-sobra ang tiwalang binigay mo sa isang tao ay mawawasak ka ng husto oras na niloko ka ng taong mahal mo. He changed me. Nawala ang dating masayahin na ako. Hindi ko na ulit kayang humarap sa mga taong naging malapit sa amin dahil pakiramdam ko ay pinagtatawanan nila ako. Sinisisi ko ang aking sarili dahil dumepende ako sa kaniya at naging sunod-sunuran ako sa lahat ng gusto ni Fhil. Kaya ngayong nangyari ito, nahihirapan akong bumangon dahil siya ang naging buhay ko sa loob ng mahabang panahon. "Kapag hindi mo ako pinagbuksan, gigibain ko ito!" malakas na sigaw at banta ni Fhil habang walang tigil na binabayo ang pintuan ng apartment namin ni MC. Mabuti na lamang at matibay ang pinto. Hindi agad ito bumibigay kahit sinisipa at sinusuntok ni Fhil. Wala akong ginawa kundi ang sumiksik sa sulok habang tumutulo ang luha at pinakikinggan ko siya. Naging miserable ako simula nang nalaman ko na niloloko ako ni Fhill, pero siya pa ngayon ang may lakas ng loob na guluhin ang buhay ko. Napilitan tuloy akong tumigil sa trabaho dahil nag-iskandalo siya doon. Nagalit ang manager ng spa na pinapasukan ko matapos siyang gumawa ng eksena kahapon dahil hindi ako pumayag na kausapin siya. Natatakot na ako sa kaniya. Lumabas na ang ibang ugali ni Fhill na kahit minsan ay hindi ko nakita noon. Desperado siyang magkaayos kaming dalawa sa kabila ng katotohanan na ayaw ko nang makipagbalikan sa kaniya, pero iyon ay hindi sapat para guluhin niya ang buhay ko, lalo na ang trabaho ko. Nagiging bayolente na rin si Fhil. Lumabas ang mga itinatago niyang masamang ugali na hindi ko nakita noon. Katulad pala siya ng tatay ko. Nagawa niya akong saktan para mapasunod lamang. Wala silang pagkakaiba. Kahit siya na ang may kasalanan, siya pa ang matapang. Kaya bakit ko siya bibigyan ng isa pang pagkakataon na saktan ako ng paulit-ulit? Hindi ito ang buhay na pangarap ko. Hindi si Fhil ang taong karapat-dapat sa pagmamahal ko, at lalong hindi pala siya ang lalaking dapat kong mahalin. "Hindi mo ako kayang takasan, Acally! Akin ka! Kahit anong mangyari ay matutuloy ang kasal natin, kaya kung ayaw mong magkagulo dito, ay buksan mo ang pintuan o wawasakin ko ito!" malakas na sigaw ni Fhil mula sa labas. Naririnig ko ang mga kalabog mula sa labas. Nataranta ako dahil alam kong hindi siya nagbibiro. Kilala ko na si Fhil at gagawin niya ang lahat, makuha lang niya ang kaniyang gusto, gaya ng ginawa niya sa beauty center na pinasukan ko. Kinuha ko ang aking cellphone sa ibabaw ng sofa at ipinasok ito sa backpack ko. Hinatak ko ang kobre-kama at kumuha pa ng isa mula sa loob ng cabinet at mabilis na tumakbo sa kusina. May maliit na pintuan dito papunta sa likod ng apartment para magsampay ng mga damit. Agad kong ibinuhol ang magkabilang dulo ng mga kobre-kama at itinali sa grill, at pagkatapos ay mabilis na tumalon kahit abot-abot ang kabang nararamdaman ko. Kahit nanginginig, tumayo agad ako nang sumayad sa lupa ang aking mga paa. Hindi nagtagal, nakarinig ako ng malakas na mga kalabog mula sa loob ng apartment namin ni MC, tanda na nakapasok na nga si Fhil sa loob. Alam ko na hahanapin niya ako sa loob ng bahay. Tama nga ang hinala ko na papasukin ang apartment na tinutuluyan ko para lamang makita ako. Nagngingitngit ako sa galit nang lumakad ako palayo sa apartment na tinutuluyan ko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta dahil alas-tres pa lang ng hapon at mataas ang sikat ng araw, pero naglakad ako palabas dahil kailangan kong makalayo sa lugar na ito. Minabuti kong umalis at makalayo dahil alam kong sa pagkakataong ito ay hindi ako ligtas kay Fhil. Mapanganib na siya, at pinagsisisihan ko na minahal ko siya. Ang tanga ko na hindi ko nakita kung anong klaseng demonyo siya dahil nabulag ako sa labis na pagmamahal sa kaniya. Sumakay agad ako sa bus na unang dumaan sa harap ko. Pilit kong pinipigilan ang mga luhang unti-unting pumatak sa pisngi ko. Hindi ko kasi alam kung saan ako pupunta ngayon. Wala naman akong mga kaibigan bukod sa ilang kasamahan ko sa trabaho, pero hindi ako puwedeng tumuloy doon dahil alam ni Fhil ang kanilang mga bahay. Tinawagan ko si Mc. Mabuti na lamang at wala siya sa bahay kanina dahil kung nagkataon ay baka napahamak siya. "Hello?" Narinig kong sabi ng kaibigan ko mula sa kabilang linya. "Nasa bahay si Fhil ngayon, pinasok niya ang apartment natin. Pero nakatakas ako," garalgal ang tinig na paliwanag ko. Frustrated na kasi ako sa sitwasyon ko ngayon. Ako na nga ang biktima at niloko, pero ako pa rin itong patuloy na nagiging biktima ni Fhil hanggang sa mga oras na ito. "Calm down, Sissy,” malumanay na sabi ni MC sa akin. “Nasaan ka ba? Pupuntahan kita.” Nagpahid muna ako ng luha bago sumagot. "Hindi ko alam, sumakay lang ako ng bus." "Okay, tapos na rin ako dito sa SSS. Bumaba ka sa isang ligtas na lugar at magkita tayo," sabi ni MC. Simpleng ‘okay’ lang ang naisagot ko dahil sobrang bigat ng dibdib ko. Pakiramdam ko'y pagod na pagod ako. Hindi naging madali sa akin ang araw-araw na panggugulo ni Fhil sa buhay ko dahil nawalan ako ng katahimikan, dahilan kung bakit na-stress at depressed na ako sa sitwasyon ko. Nang dahil kay Fhil, mas naging magulo pa ang buhay ko. Ang akala ko noon ay siya ang magbibigay ng katahimikan at pagmamahal na inaasam ko, pero nagkamali ako. Bumaba ako sa tapat ng isang shopping mall dito sa Mandaluyong nang tumigil ang bus na sinakyan ko. Dito ko hinintay si MC habang halos hatakin ko na ang oras para magkita lamang kaming dalawa. Exactly four o'clock nang dumating ang kaibigan ko. Mabuti na lang at tapos na siyang magbayad para sa monthly contribution niya sa SSS office sa Quezon City kanina nang tawagan ko siya, kaya agad siyang nakarating. "Okay ka lang, Sissy?" nag-aalalang tanong sa akin ng kaibigan ko nang yakapin niya ako. Tumango ako dahil wala naman akong ibang magagawa kundi pilitin na maging maayos ang pakiramdam ko. "Walang-hiyang lalaki 'yon. Ang kapal ng mukha niyang pumunta sa bahay natin at pumasok doon!” galit na sabi ni Mc. “Hayaan mo, ipapa-pulis ko natin siya!” Kagat ang pang-ibabang labi, pinahid ko ang luhang biglang tumulo sa pisngi ko. "MC, kailangan ko munang lumipat ng bahay na matutuluyan. Hindi ako titigilan ni Fhil kung patuloy niya akong nakikita sa apartment," buo ang desisyon na sabi ko sa kaibigan ko. "Saan ka lilipat?” tanong ni MC. “Hindi ko pa alam,” sagot ko. “Hindi ka puwedeng umalis ng hindi tayo sigurado kung saan ang punta mo, Sissy. Mapanganib para sa iyo na titira ka sa kung saan lang, lalo na't hindi mo kilala ang mga tao sa paligid mo," nag-aalala na sabi ng kaibigan ko. Tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi ko. Hinawakan ko ang kamay ng kaibigan ko at pinisil ito. "Mas ligtas ako sa labas kumpara sa apartment dahil alam ni Fhil kung saan ako nakatira,” naluluha na sagot ko. “Nag-aalala ako sa iyo, MC. Hindi ka titigilan ni Fhil hanggat hindi mo sinasabi sa kaniya kung nasaan ako. Please, sumama ka na lang sa akin.” Hindi ako natatakot para sa sarili ko, pero nag-aalala ako para sa kaligtasan ni MC. Kung nagawang pasukin ni Fhil ang apartment namin kanina, hindi rin siya magdadalawang-isip na muli niyang gawin iyon. "Huwag kang mag-alala sa akin, Sissy,” sagot ni MC. “Kaya ko ang sarili ko, pero kailangan nating magreklamo sa barangay at i-report sa pulis ang ginawa ni Fhil. Hindi ko mapapalagpas ang ginawa niyang pagpasok sa apartment natin dahil banta na siya sa ating kaligtasan." Hindi maitago ang galit sa tinig ng kaibigan ko habang nag-uusap kaming dalawa. Tama siya, iyon ang pinakamaganda naming gawin para protektahan ang aming sarili laban kay Fhil. Sa narinig kong sinabi ng kaibigan ko, nabuhayan ako ng loob. Bakit nga naman ako tatakbo? Si Fhil ang may kasalanan sa akin at siya ang nagloko, kaya hindi ako dapat matakot sa kaniya at tumakas gaya ng ginawa ko. "Sasama ako sa iyo pauwi, MC,” buo ang loob na sabi ko sa kaibigan ko. "Sigurado ka ba? Paano kung hindi maging maganda ang susunod na paghaharap ninyong dalawa?" nag-aalala na tanong ng kaibigan ko. “Hindi kita hahayaan na mag-isa doon,” sagot ko. “Kung kinakailangan na harapin ko si Fhil sa kahit anong paraan, gagawin ko dahil pagod na akong tumakbo at manahimik.” Umusbong ang galit sa aking dibdib matapos maalala kung paano ako natanggal sa trabaho at muntik mapahamak kanina dahil tumalon ako sa likod ng kusina dahil sa kagagawan ni Fhil. "Nag-aalala ako sa nangyayari ngayon, Sissy. Sa tingin ko kasi ay obsessed na sa iyo si Fhil at hindi siya papayag na mapunta ka sa iba," sabi ni Mc. Tama si Mc, pero hindi ako puwedeng magpatalo sa takot sa mga oras na ito. Nasira na ni Fhil ang buhay ko at hindi ko na hahayaan na lalo pa niyang wasakin ang natitirang pag-asa na meron ako. "Huwag kang mag-alala, kaya natin ito. Tara na sa police station," aya ko sa kaibigan ko. "Sigurado ka na ba?” tanong ni MC sa akin. “Kung gusto mo, ay doon ka na muna tumira sa probinsya ng pinsan ko. Ligtas ka doon," suhestiyon pa ni MC, pero umiling ako. "Hindi ako tatakas at haharapin ko si Fhil," determinado na sagot ko. Hindi ako nakumbinsi ni MC na tumira sa probinsya at magtago doon. Buo na ang pasya ko. Hindi ako puwedeng maging mahina dahil kapag hinayaan ko si Fhil, ay bibigyan ko lamang siya ng pagkakataon na saktan ako. Magiging matapang na ako at haharapin ko siya. Ipapakita ko sa kaniya na hindi na ako ang dating babaeng takot at sunod-sunuran sa lahat ng mga gusto niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD