Chapter 3

1627 Words
ACALLY Labis ang pagpipigil ko sa aking sarili para hindi pumalahaw ng iyak habang lulan ng jeep na sinakyan ko pauwi. Halo-halo ang emosyon na nararamdaman ko. Nanlalabo ang mga mata ko at gusto kong sumigaw dulot ng labis na sakit at sama ng loob, pero hindi ko magawa dahil puno ng pasahero ang sinakyan ko at alam kong pagtitinginan nila ako. Bumaba ako ng jeep at patakbong naglakad para mabilis na makarating sa apartment na tinitirhan ko. Laking pasasalamat ko na wala na si MC sa silid namin nang dumating ako, kaya nagawa kong palayain ang hikbi at mga luhang matagal kong pinigilan. Naririnig ko ang malakas na tunog ng aking cellphone sa loob ng bag ko. Alam ko na si Fhil ang tumatawag sa akin ngayon, kaya hindi na ako nag-abalang kunin ito para sagutin ang tawag niya. Walang-hiyang lalaking iyon. Ang galing niyang magkunwaring masakit ang tiyan, pero iba pala ang masakit sa kaniya. Ilang taon akong nagtiwala kay Fhil, tapos sa ganito lang pala mauuwi ang lahat. Sobra akong nasasaktan dahil mahal ko siya. Mahal na mahal, pero hindi ako tanga at bulag para hindi ko makita ang panloloko niya sa akin. Matagal na pala niya akong niloloko. Kaya pala sa tuwing kasama ko siya, ay may kausap at ka-text siyang iba. Hinayaan ko lang si Fhil noon dahil malaki ang tiwala ko sa kaniya, pero sa kabila pala nito, ay may iba siyang babaeng inuuwi sa kaniyang bahay kahit malapit na kaming ikasal. Nagtiwala ako sa lalaking pinili ko dahil maganda ang ipinakita niyang katangian sa akin sa tuwing kasama ko siya, pero sa likod pala noon ay paulit-ulit niya akong niloloko. Magsama silang dalawa ng babae niya. Wala na akong pakialam kahit mabulok sila sa bahay na iyon. Galit ako, galit na galit. Gusto kong sumbatan si Fhil, pero ayaw ko siyang makita dahil hindi ko kayang tingnan ang mapagkunwari niyang mukha at mga mata. Pare-pareho lang talaga ang mga lalaki. Nagpahid ako ng luha sa pisngi at tumayo ng tuwid. Masakit man, tatanggapin ko ang panloloko ni Fhil sa akin, pero hindi ko hahayaan na masaktan pa ako dahil sa kaniya. Kung nagawa niya akong pagtaksilan ngayon, siguradong magagawa niya iyon ng paulit-ulit kapag kasal na kami at magsawa na siya sa akin. Manloloko at napakasinungaling ni Fhil. Galit ako sa kaniya ngayon—galit na galit. Kulang na lang ay isumpa ko siya at ganoon rin ang lahat ng mga lalaki sa mundo dahil napakasakit para sa akin ang natuklasan ko. Iiyak ako ngayon, pero hinding-hindi ko hahayaan na lokohin niya ako. Balang-araw, kapag magkaroon ulit ako ng boyfriend, ay sisiguraduhin ko na hindi ako ang maghahabol. Hindi ako ang masasaktan at lalong hindi ako ang dapat matakot na maiwan. Tunog ng malakas na katok mula sa labas ng pintuan ang narinig ko, pero hindi ko ito pinagbuksan. Wala akong pakialam sa mundo ngayon, kaya wala rin akong balak na pagbuksan ang kung sinumang nasa labas at kumakatok. Wala akong lakas para humarap sa kahit na sino ngayon dahil pakiramdam ko ay durog na durog ako habang paulit-ulit na bumabalik sa isipan ko ang malaswang tagpo na nakita ko. Mahigit tatlong taon ang sinayang ko kay Fhil habang niloloko niya ako. Hindi nawawala sa isipan ko ang nadatnan kong malaswang eksena sa loob ng kwarto ni Fhil. Para itong palabas na nagpa-flashback sa memorya ko at malinaw na nakikita ko sa tuwing pipikit ako ng mga mata kung paano sila hubo't hubad habang—ahhh! Ayaw ko nang muling isipin pa ang tagpo na iyon dahil mababaliw ako. Parang hinihiwa ng matalim na patalim ang puso ko sa tuwing pipikit ako at naaalala ko ang mukha ni Fhil. Nakakasuka siya, silang dalawa ng babae niya. Ang baboy nila, kaya bagay silang magsama. Nakita kong bumukas ang pintuan at pumasok si MC, kasunod si Fhil. Agad lumapit sa akin ang walang-hiyang lalaking ito at agad akong niyakap habang para akong tuod na nakatayo sa kinatatayuan ko. "Babe, I'm sorry. Alam kong galit ka sa akin. Please, mag-usap tayo. Pag-usapan natin ito," nagmamakaawa na pakiusap sa akin ni Fhil habang yakap ako nang mahigpit. Hindi ko siya kayang kausapin ngayon, kaya hindi ko magawang ibuka ang aking mga labi. Biglaang tumulo ang mga luha sa mga mata ko at dumaloy ito sa pisngi ko habang yakap niya ako. Binaklas ko ang nakapulupot na mga braso ni Fhil sa katawan ko at mabilis na kumawala sa kaniya. Matigas ang aking ekspresyon ng harapin ko siya at tingnan ng diretso sa mga mata. "Umalis ka na! Ayaw na kitang makita kahit kailan!” matigas at galit na sabi ko kay Fhil. “Huwag ka nang pupunta dito dahil tapos na tayo at pinutol ko na ang kaugnayan ko sa iyo!” Natigilan siya, pero mabilis na nagbago ang ekspresyon ni Fhil. Tumalim ang kaniyang mga mata at masamang nakatingin sa akin habang kuyom ang kamao. “Hiwalayan agad ang gusto mo, Acally?” galit na tanong ni Fhil sa akin. “Kaya mo akong itapon ng ganito lang matapos kong maghintay sa iyo ng ilang taon?” Siya pa ang galit ngayon, gayong siya ang may kasalanan kung bakit gusto ko nang makipaghiwalay sa kaniya. “Sa tingin mo ba, may iba pang lalaki ang magtitiyaga sa iyo katulad ko? Wala nang magmamahal sa iyo nang higit pa sa pagmamahal ko!" Hindi ko alam kung saan kumuha ng kapal ng mukha si Fhil para tanungin niya ako ng ganito. Hindi ako nakapagpigil, umigkas ang kamay ko at nasampal ko siya. Ito ang unang pagkakataon na nasaktan ko siya at pinagbuhatan ng kamay. Mabait akong tao. Halos hindi nga ako makapatay ng ipis, pero heto ako ngayon, nagawa kong sampalin ang taong minahal ko ng ilang taon. Tama nga ang kasabihan na nasa loob ang kulo ng taong tahimik kapag napuno. Ginising ni Fhil ang kakaibang bersyon ng pagkatao ko. Nailabas ko ang tapang na hindi ko alam na meron pala ako ngayong dumating na ako sa sukdulan. "Hindi ko kailangan ang mapagkunwaring pagmamahal mo, Fhil!” pasigaw na sabi ko sa kaniya. “Wala na akong tiwala sa sinungaling at manlolokong taong katulad mo!" Naniningkit ang aking mga mata at tinapunan ko siya ng masamang tingin. Halos magdilim ang paningin ko habang nakatingin sa lalaking kaharap ko. Siya na nga ang may kasalanan sa akin, pero siya pa ang may lakas ng loob na maliitin ako. All along, gano'n pala kaliit ang tingin niya sa akin. Matagal akong nabulag sa pekeng pagmamahal ng lalaking kaharap ko, kaya hindi ko nakita ang mapagbalat-kayong anyo ng pagkatao ni Fhil. Kasalanan ko rin naman kung bakit ako nasasaktan ng ganito dahil hinayaan ko siyang maging sentro ng buhay ko. Lahat ng nakita kong red flag noon ay tinanggap ko. Kung binigyan ko lang iyon ng pansin, sana'y wala ako sa ganitong sitwasyon ngayon. Tama nga sila. Nakakabulag ang pagmamahal dahil wala akong nakitang pangit sa pagkatao ni Fhil, kaya sinamantala niya ang tiwalang binigay ko sa kaniya. "Hinding-hindi ako papayag sa gusto mong mangyari, Acally. Akin ka lang at mananatiling akin ka!" madiin na sabi ni Fhil. Matigas ang aura niya. Biglang nagbago ang karaniwang malambing na pakikitungo niya sa akin. Napalitan ang dating malambot na ekspresyon ni Fhil ng nakakatakot na emosyon na nakikita ko ngayon sa kaniyang mga mata. Malayong-malayo ito sa dating siya. Sa tingin ko ay obsessed na siya sa akin at gagawin niya ang lahat makuha lang ako. “Ang tagal kitang hinintay. Hindi ako papayag na mapunta ka sa iba, Acally. Akin ka lang, babe,” walang bakas ng pagsisisi na sabi ni Fhil sa akin. Biglang hinablot ni Fhil ang pulsuhan ko at umikot ang kaniyang braso sa bewang ko. Hindi ako nakakilos sa ginawa niya dahil nabigla ako. Sinamantala naman niya ito, kaya nagawa niya akong halikan sa labi. Nagngingitngit ang kalooban ko sa ginawa ni Fhil dahil lumapat sa balat ko ang maruming labi niya, gayong kanina lang ay alam kong ginamit niya ito sa babaeng katalik niya. Parang bumbilya na umiilaw sa isipan ko ang lahat. Ubod ng lakas na kinagat ko ang ibabang labi ni Fhil at sinundan ng malakas na pagtuhod sa pagitan ng kaniyang hita. Nasaktan si Fhil sa ginawa ko, kaya nabitawan niya ako. Nakita ko kung paano siya namilipit sa harap ko, pero wala akong naramdamang awa para sa kaniya. He deserves that! Kulang pa 'yan kumpara sa sakit na nararamdaman ko ngayon dahil sa panlolokong ginawa niya sa akin. "Umalis ka na dito, Fhil, bago pa ako makagawa ng bagay na pareho nating pagsisisihan!" matigas na utos ko sa kaniya habang nakaturo ang aking daliri sa pintuan. Nakita ko na nakatakip ang kanang kamay ni MC sa kaniyang bibig matapos makita kung ano ang ginawa ko kay Fhil, pero nanatili siyang nakatayo sa sulok at hindi nakialam sa away namin. "Sige na, Fhil, umalis ka na muna,” pakiusap ng kaibigan ko. “Bukas na lang kayo mag-usap ni Acally. Nagkakasakitan na kayong dalawa, kaya mas mabuti pa na palipasin muna ninyo 'to." Tinapunan ako ng masamang tingin ni Fhil. Para akong galit na tigre sa mga oras na ito, kaya baliwala sa akin ang galit na nakikita ko sa mukha niya ngayon sa harap ko. "Hindi pa tayo tapos, Acally,” matigas na sabi ni Fhil sa akin. “Babalikan kita at sisiguraduhin ko na matutuloy ang kasal natin!” Kuyom ang kaniyang kamao habang nakatayo sa harap ko si Fhil, pero wala na akong pakialam sa kaniya ngayon. Mali si Fhil dahil wala na siyang babalikan pa. Hindi ako papayag na muling lokohin niya. Hindi na ako ang dating Acally na sobrang minahal siya, kahit nagmukha na akong tanga dahil naging sunod-sunuran ako sa lahat ng gusto niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD