ACALLY
Nadatnan kong nakaupo si Fhil sa sofa habang nakatingin sa hawak na cellphone. Marahan akong lumakad palapit sa kaniya. Agad naman siyang lumingon sa akin at tumayo nang makita niya akong palapit sa kaniya.
"Ready?" mabilis na tanong ni Fhil sa akin.
Pinasadahan niya ng tingin ang aking katawan, na agad ikinapula ng mukha ko. Kahit ilang taon na kaming magkasintahan, nahihiya pa ako sa paraan kung paano niya ako tingnan dahil nababasa ko ang pagnanasa sa kaniyang mga mata.
Malinaw kay Fhil na hanggang hawak-kamay at halik lang ang kaya kong ibigay ngayon, pero nangako ako na ibibigay ko ang sarili ko sa kaniya sa mismong araw ng kasal namin bilang regalo.
Gusto ko kasing humarap sa altar na buo at malinis gaya ng panata ko sa aking sarili. Gusto kong matupad iyon, kaya masaya ako na dalawang linggo na lang ay ikakasal na kaming dalawa.
Ngumiti ako kay Fhil at niyaya ko na siya.
“Tara na."
Tumango siya, pero hindi niya inaalis ang malagkit na tingin sa aking mukha. Nag-iwas ako ng tingin dahil ayaw ko kasing salubungin ang kaniyang mga mata. Natatakot ako sa emosyon na maaari kong makita, kaya ako na ang unang umiwas bago pa ako matukso.
Pumulupot sa bewang ko ang braso ni Fhil at isang mainit na halik sa labi ang natanggap ko, pero pinutol niya ito nang tapikin ko siya sa balikat dahil baka makita kami ni MC na naghahalikan.
“I miss you,” namumungay ang mga matang bulong ni Fhil sa akin.
Ngumiti ako at niyaya ko si Fhil na umalis. Malapit lang naman ang simbahan sa apartment na tinitirhan ko, kaya nakarating agad kami bago ang takdang oras. Isang oras lamang ang itinagal ng seminar, kaya napagkasunduan naming mamasyal at maglibot-libot sa mall.
Minsan lang kami mamasyal dahil magkaiba ang araw ng day off namin. Simula nang lumipat ako ng trabaho, hindi na kami laging nagkikita ni Fhil. Sa tawag at text na lang kami araw-araw nag-uusap dahil hatinggabi na ako kung makauwi ng bahay, at minsan naman ay madaling-araw na.
Magkaiba ang oras ng pasok namin sa beauty center na pinapasukan ko bilang receptionist kumpara sa kompanyang pinagtatrabahuhan ni Fhil.
Sa hapon ang simula ng shift ko at madaling araw na kung umuwi. Mapanganib ito para sa tulad kong babae, pero nasanay na ako. Mabuti na lang at lumipat si MC ng trabahong pinapasukan, kaya may kasama ako pauwi.
"Sa SM na lang tayo mamasyal, babe," sabi ni Fhil.
Tumango ako at ngumiti sa kaniya. Na-miss ko rin kasi talaga siya, kaya natutuwa ako na puwede kaming mamasyal ngayon ng magkasama.
"Manood na lang tayo ng sine. Anong gusto mong panoorin?" tanong ni Fhil habang nakaakbay sa akin at naghihintay kami ng taxi.
“Pili na lang tayo sa sinehan kung alin ang magandang palabas ngayon," nakangiti kong sagot dahil hindi rin kasi ako updated sa mga bagong pelikula ngayon.
Natigil ang usapan namin nang may pumaradang taxi sa harap namin. Agad kaming sumakay at nagpahatid sa malapit na shopping mall.
Isang sweet romance na pelikula ang napili kong panoorin namin. Hinayaan akong pumili ni Fhil dahil treat raw niya ito sa akin. Napaka-gentleman talaga ng fiancé ko at laging ako ang priority niya, kaya naman spoiled talaga ako sa kaniya sa lahat ng bagay.
Magkahawak-kamay kaming dalawa ni Fhil habang naglalakad kami dito sa loob ng shopping mall. Napakalambing rin niya at gusto niyang nakayakap at nakahalik sa akin basta't may pagkakataon siya.
I felt so special with him. Wala na akong mahihiling pa, at labis ang pasasalamat ko sa Panginoon na ibinigay niya sa akin si Fhil. Siya ang pumuno sa kakulangan ko. Sa kaniya ko rin natagpuan ang pagmamahal na hindi ko nakita at naramdaman mula sa mga magulang ko.
Hindi man perpekto ang relasyon naming dalawa dahil seloso si Fhil at ayaw niya akong makikita na nakatingin sa iba, hinayaan ko na lang at sinunod ang gusto niya.
Mahalaga siya sa akin at ginagawa ko ang lahat ng alam kong tama para maging maayos ang relasyon naming dalawa. Siya ang nasusunod sa maraming bagay. Mahal na mahal ko si Fhil. Dumating na rin ako sa punto na gusto ko na siyang pagbigyan dahil alam ko na nahihirapan siya sa sandaling magkasama kami at nauuwi sa mainit na halikan ang simpleng pagyakap niya sa akin, pero paulit-ulit kong pinipigilan ang aking sarili.
Sa pinakasulok na upuan ng sinehan ang nakuha naming pwesto. Kaunti lang ang tao dito sa loob dahil hindi blockbuster na pelikula ang napili ko. Sa tingin ko, ito marahil ang dahilan kaya ilan lang ang nanonood ngayon.
Yumakap agad sa akin si Fhil nang makaupo kami at sinibasib ako ng halik sa labi. Hindi na ako nakapagreklamo nang ipasok niya ang kamay sa loob ng blouse na suot ko at mabilis na nahawakan ang dibdib ko.
"Fhil, anong ginagawa mo? Baka may makakita sa atin," kinakabahan na bulong ko sa kaniya.
"It's okay, babe. Ilang araw na lang naman ay ikakasal na tayo. Baka puwede nang mauna ang honeymoon natin,” malambing na bulong ni Fhil.
“May usapan tayo, Fhil,” sagot ko.
“Wala naman akong nakikitang problema kung pagbibigyan mo ako, kasi pakakasalan naman kita," sensual na bulong ni Fhil, bago muling lumapat ang labi sa balat ko at nagsimula siyang halikan ang leeg ko.
Napasinghap ako nang buksan ng isang kamay niya ang butones at zipper ng suot kong pantalon.
"Please, tigilan mo 'yan, Fhil," mahinang pakiusap ko sa kaniya dahil kahit kami lang ang narito sa sulok at madilim, ay hindi ako komportable sa ginagawa namin.
"Mukhang hindi mo naman ako na-miss, e," bakas ang pagtatampo sa tinig na sabi ni Fhil.
Napabuntong-hininga ako. Ito ang iniiwasan ko dahil ayaw kong nagagalit at nagtatampo si Fhil sa akin. Kaya lang, kung hahayaan ko siya, ay baka kung saan kami humantong, lalo na at nasa pampublikong lugar kami.
Nakahihiya kapag may nakakita sa amin at higit sa lahat ay natatakot ako sa posibleng mangyari, lalo na't ramdam ko na hindi na naman makapagpigil si Fhil.
"Hindi sa ganon, Fhil. Alam mo naman kung bakit hindi ba?” malumanay kong sagot. “Nasa pampublikong lugar tayo. Paano kung may makakita sa atin?"
Mahinahon ko siyang kinausap dahil ayaw kong pagsimulan namin ito ng away. Nakahinga ako ng maluwag nang tumigil sa panghahalik sa akin si Fhil at binitawan ang dibdib ko.
"Okay, walang problema kung ayaw mo.”
Inalis niya ang kamay sa loob ng blusa ko at sumandal sa upuan. Umayos rin ako ng upo at mabilis na pinagsalikop ang damit ko dahil nabuksan agad niya ang zipper at butones ng suot kong pantalon.
Wala kaming imikan habang pinanonood ang palabas, pero hindi ko na naunawaan ang takbo ng istorya. Nag-aalala kasi ako kay Fhil dahil tahimik siya. Sinisisi ko tuloy ang aking sarili dahil kung pinagbigyan ko na siya, ay baka na-enjoy pa sana namin ang pinapanood namin ngayon at walang cold treatment sa pagitan naming dalawa.
Gusto ko siyang kausapin, pero nagpipigil ako dahil baka magalit siya at bulyawan ako. Ayaw ko na dito pa kami mag-away, kaya hinayaan ko na lang siya.
Abala sa hawak na cellphone si Fhil habang nagtitipa ng mensahe. Hindi ko na lang pinansin kung sino ang ka-chat niya dahil baka nababagot na siya. Makalipas ang ilang segundo, nagpaalam siya na pupunta sa CR, pero kalahating oras bago siya nakabalik sa kaniyang upuan.
Ang sabi ni Fhil ay masakit daw ang tiyan niya, kaya natagalan siya sa loob ng comfort room. Dahil nag-aalala ako sa kaniya, inaya ko na siyang umuwi na lamang kahit hindi pa tapos ang pinapanood namin. Ayaw ko naman na maging makasarili at mag-enjoy sa panonood, gayong masama ang pakiramdam ng kasama ko.
Nakikita ko sa kilos ni Fhil ang pagkabalisa, kaya hindi na ako nagpahatid sa kaniya pauwi sa apartment. Sumakay na lang ako ng taxi at umuwing mag-isa dahil malayo ang bahay niya sa lugar kung saan ako nakatira.
Nakita ko na hindi komportable si Fhil sa mga kilos niya at halos hindi makatingin sa paligid. Gusto ko sanang sumama sa bahay niya para may kasama siya at may tutulong sa kaniya kapag kailangan niya ng tulong, pero tumanggi siya.
Ayaw na raw niya akong abalahin dahil kaya na daw niya. Normal na sakit ng tiyan lang daw ang nararamdaman niya dahil nalipasan siya ng gutom kagabi.
Tinanggap ko ang paliwanag ni Fhil, kaya umuwi akong mag-isa. Nakarating agad ako sa apartment at nadatnan kong mahimbing ang tulog ng kaibigan ko, pero hindi ko na ginising si MC dahil alam kong pagod at puyat siya kagabi.
Kanina pa ako nakahiga, pero hindi naman ako dalawin ng antok. Hindi rin ako mapakali dahil ilang ulit ko nang tinatawagan si Fhil, pero hindi siya sumasagot.
Mas lalo akong nag-alala sa kaniya dahil kahit abala si Fhil ay tumatawag siya sa akin, pero dahil mukhang masama talaga ang pakiramdam niya, kaya hindi niya magawang sagutin ang mga tawag ko.
Dahil nag-aalala ako ay lumabas ako ng apartment para pumunta sa bahay ni Fhil. Alam ko ang lugar kung saan nakatayo ang bahay na nabili niya, kaya madali para sa akin na puntahan si Fhil kahit mag-isa lang ako ngayon.
Nakapunta na ako doon. Ilang ulit na rin akong inaakit ni Fhil kapag pumupunta ako doon, kaya muntik na niyang makuha ang virginity ko, pero tinanggihan ko siya.
Para kasi kay Fhil, normal lang ang pagtatalik kahit hindi pa kami kasal. Hindi umano kailangan ng kasulatan para gawin ang bagay na 'yon dahil magagawa namin iyon basta gusto naming dalawa, pero ilang ulit akong nagmatigas, kaya pinag-awayan namin iyon.
Nang makababa ako sa tricycle, agad kong tinawagan ang numero ni Fhil, pero hindi niya ito sinasagot. Sigurado ako na nasa loob siya ng bahay dahil naririnig kong nagri-ring ang kaniyang cellphone.
Lumapit ako sa pintuan para kumatok, pero hindi ko na itinuloy dahil nakaawang pala ang pinto at indikasyon na bukas ito.
Malaki ang aking hakbang nang pumasok ako sa loob ng bahay, pero nagulat ako at natigilan nang marinig ko ang impit na mga ungol ni Fhil.
Napakalakas ng kabog ng aking dibdib habang paakyat ako sa hagdan at pumasok sa nakabukas na pintuan ng silid ni Fhil. Natulala ako at natigilan sa tagpong bumulaga sa aking mga mata. Nakita ko siyang nakahiga sa ibabaw ng kama habang pinapaligaya ng babaeng hubo't hubad na nasa pagitan ng kaniyang mga hita.
Isang hikbi ang kumawala sa labi ko na ikinagulat ng dalawang taong naabutan ko. Agad tumayo si Fhil at kahit walang saplot ay lumapit siya sa akin, pero umiiling ako at nanghihina na umatras ang mga paa ko palayo sa kaniya.
"Anong ginagawa ng babaeng 'yan dito, sweetheart?" nakataas ang kilay na tanong ng babaeng nakahalukipkip sa ibabaw ng kama.
Hindi siya pinansin ni Fhil at nagkukumahog na lumapit sa akin habang walang tigil ang pag-agos ng luha mula sa mga mata ko.
"Babe, magpaliwanag ako," natataranta na sabi ni Fhil.
"Babe? So, siya pala ang girlfriend mo na demure at tinitikis ka, kaya kapag hindi ka nakakatiis, ay tinatawagan mo ako para paligayahin ka?" naka-ngising tanong ng babaeng kasama ni Fhil.
Nasa tinig niya ang pangungutya sa akin, pero hindi ko hahayaan na insultuhin niya ako. Nagpunas ako ng luha sa pisngi at tumayo ng tuwid, at tinitigan sa mga mata si Fhil.
"Tapos na tayo, Fhil. Tinatapos ko na ang lahat sa atin,” garalgal ang tinig na sabi ko sa kaniya.
“Babe–”
“Malaya ka na,” putol ko sa sasabihin niya. “Puwede mo nang gawin ang lahat ng gusto ninyo ng babae mo. Huwag ka na ulit magpapakita sa akin kahit kailan!" matigas kong singhal sa kaniya.
Tinalikuran ko siya at umiiyak na tumakbo ako pababa ng hagdan at walang lingon-likod na umalis sa bahay ng lalaking pinagkatiwalaan ko at inakala kong mahal ako, pero niloloko pala ako.