"Oh," salubong ng asawa ni Hailey sa kanilang dalawa.
Nakangiti ito sa kanilang dalawa kapagkuwan ay mabilis na binuksan ang pinto ng kanilang unit.
"Perfect timing, kakatapos ko lang maghanda ng mga pagkain sa dining room." Malawak ang ngiti sa mukha ng asawa ni Hailey pagkatapos nilang makapasok kapagkuwan ay mabilis na kinabig si Hailey na nabigla naman sa ginawa nito.
"Ay, ano ba iyan, Gerald?!" namumula ang mukha na sabi ni Hailey habang sinusubukang makaalis mula sa yakap ni Gerald na ngayon ay sobrang nae-engganyo na asar-asarin ang asawa. "Ano ba, Gerald!" inis na sabi ni Hailey kapagkuwan ay mabilis nang kinirot ang tagiliran ni Gerald na dahilan para mabilis na bitiwan nito si Hailey.
Mahinang napatawa na lang si April dahil sa ginawang iyon ni Hailey sa asawa na ngayon ay dumadaing. Kahit pa na may nararamdaman siyang kalungkutan, masaya siya na kahit papaano ay nakawala siya sa relasyong ginagawa lang din pala siyang tanga at walang kuwentang kaibigan.
"Do you have to hurt me like that?" sabi ni Gerald habang patuloy pa rin itong dumadaing at hinihimas ang tagiliran kung saan siya kinurot ni Hailey.
"Eh, ang kulit mo kasi!" nakakunot ang noo na sabi ni Hailey habang nakahalukipkip ang mga braso nito sa dibdib. "Nasaan na si panganay? Natulungan mo na ba siya sa homework niya?"
Alam na alam ni April kapag ayaw na ni Hailey ang ginagawa ng isang tao sa paligid nito. Mabilis itong mainis at kapag tuwing galit o kinikilig ito, may habit talaga itong nangungurot o nananakit.
"Yes, Mama. Kakatapos ko lang magligpit po sa room ko!" sabi ng boses ng panganay na anak ni Hailey na si Hannah bago ito nag-appear sa living room.
Mabilis na nanlaki ang mata ni Hannah nang makita siya nito. "Ate April!" masayang sigaw ni Hannah kapagkuwan ay mabilis na tumakbo sa kaniya at sinalubong ng yakap na kaniya namang ikinangiti.
Lumuhod si April kapagkuwan ay sinalubong si Hannah na mahigpit siyang niyakap. Oh, gosh. I miss this girl. Piping wika ni April sa kaniyang sarili habang mahigpit na yakap ang anak ni Hailey.
"Ay, gano'n? Dapat na ba akong magselos?" natatawang sabi ni Hailey na kaniya rin namang ikinatawa bago niya niluwagan ang pagkakayakap kay Hannah.
"Ang tagal mo nang hindi dumalaw, Tita April," nagtatampong sabi ni Hannah sa kaniya bago ito ngumuso.
"Iyan kasi, matigas kasi ang ulo niyang Tita April mo, anak," nagbibirong sabi ni Hailey.
"Oo na nga po," nakangusong sagot ni April pagkatapos ay muling hinarap si Hannah na hanggang ngayon ay nakalabi pa rin sa kaniya. "Pasensiya ka na, Hannah. Kung hindi na masiyadong nakadalaw si Tita this past few weeks. Don't worry, babawi ako sa iyo."
"Talaga, Tita?" paninigurado ni Hannah na kaniya namang ikinangiti pagkatapos ay napatingin kay Hailey at Gerald na nanonood naman sa kanilang dalawa kung kaya naman mas malawak ang kaniyang ngiti bago hinarap si Hannah.
"Talagang-talaga," sabi niya na excited namang ikinatili ni Hannah.
"Ah!" sigaw ni Hannah habang tumatalon-talon dahil sa tuwa. "Really? Are we going to play all day?" nakangiting tanong ni Hannah.
"Yes na nga, anak. Dito na muna sa atin si Tita April mo. Dito na muna si Tita April mo mag-i-stay hanggang sa maging okay na si Tita," sagot ni Hailey na bigla namang ikinatigil ni Hannah pagkatapos ay nakakunot ang noo na tumingin sa kaniya.
"Bakit po? Hindi ka ba okay, Tita April? May sakit ka po ba?" curious na tanong ni Hannah kung kaya naman napatingin siya kay Hailey.
Hindi niya alam kung dapat niyang ipaalam na hindi na nito makikita pa si Julian dahil kahit papaano ay naging close ni Julian ang anak ni Hailey noong minsan nang dumalaw sila Hailey at Hannah sa apartment nila.
"Okay lang naman si Tita April mo, anak," sagot ni Hailey kapagkuwan ay medyo lumapit sa kanila. "Tita April just need to rest, that's all."
"Eh, bakit hindi po si Tita April mag-rest kasama si Tito Julian?" dagdag na tanong ni Hannah na muli nilang ikinatingin ni April at Hailey sa isa't isa.
Naiintindihan ni April kung bakit ayaw ni Hailey na ipaalam sa anak nito ang hiwalayan nila ni Julian. Hannah doesn't need to know what happened especially that Hannah can't understand yet the main reason why her and Julian broke up.
"Ganito, anak. Kaya hindi si Tito Julian ang kasama ni Tita April mo mag-rest kasi ayaw na ni Tita April mo. Ayaw ni Tita April mo kasi hindi na siya makakapag-rest na kasama si Tito Julian. Ikaw ba, ayaw mo ba na simula tonight, dito na magri-rest si Tita April?" tanong ni Hailey na agad namang sinagot ng pag-iling ni Hannah.
"Gusto ko po, Mama," nakangiting sagot ni Hannah bago siya muling tinignan ni Hannah. "Tara, Tita April. Ituturo ko po kung saan ka uupo sa dining room."
Napangiti naman si April dahil sa sinabing iyon ni Hannah. Mabilis talaga itong kausap. Dahil sa magaling at mabuting Ina si Hailey kahit pa ito ay madalas na bungangera, hindi naman ito nagkulang sa pagpapalaki ng isang matalino at maunawaing bata kagaya ni Hannah.
Hawak-hawak ng maliit na kamay ni Hannah ang kanan na kamay ni April habang hila-hila siya nito. Isang beses lang sila lumiko pakaliwa at tumuloy sa paglakad hanggang sa bumungad sa kaniya ang dining room kung saan tahimik na nakaupo si Lukas.
"Oh, here," sabi ni Lukas at tila natatarantang tumayo pagkatapos ay itinulak palabas sa ilalim ng kusina ang isang upuan kung saan sa tingin niya dapat siya uupo.
"T-thank you," mahina ngunit sapat na sabi ni April bago siya dahan-dahang umupo habang nakaiwas ang kaniyang tingin kay Lukas.
"Tapos doon po ako," turo ni Hannah habang nakaturo ang hintuturo nito sa isang upuan. "Dito po katabi niyo si Mama."
"Okay..." sabi ni Hailey na kakapasok lang ng dining room kasama ang asawa nitong si Gerald. "Let's eat everyone."
"Papa, gusto ko ng ice cream," cute na sabi ni Hannah.
"Huwag makulit, Hannah. Kumain ka na kanina. Bukas naman," saway ni Hailey na ikinanguso naman ni Hannah.
Napangiti na lang si April habang nakatingin sa pinapakitang ka-kyutan ng anak na babae ni Hailey.
How I wish to have a baby too. Minsan na rin niyang nakita na magkakaroon siya ng anak kasama si Julian. Isang babae o kahit lalake ay okay sa kaniya basta ito ay malusog. Na isa silang masayang pamilya na puno ng ingay sa kabahayan dahil sa anak nilang sobrang sigla.
Ngunit ang makuha iyon sa kasalukuyan ay malabo pa para kay April. Nasa proseso ulit siya kung saan kailangan niya munang alagaan at unahin ang kaniyang sarili at puso dahil sa oras na pumasok siya sa isang relasyon na hindi pa tunay na naghilom ang kaniyang puso, sigurado siyang may masasaktan lang siyang tao. Ayaw niyang makapanakit dahil lang sa hindi pa siya tapos sa pagmamahal na mayro'n siya kay Julian kahit na niloko na siya nito.
Kahit pa na naging gago si Julian, ipinagdarasal niya na sana ay maging mabuti na itong kabiyak kay Macy Perada dahil siya na rin mismo ang nakakaalam. Hindi siya lolokohin ni Julian kung hindi talagang gusto at mahal ni Julian si Macy. Kung tutuusin ay okay lang naman sa kaniyang makipaghiwalay si Julian kung na-fall out of love ito sa kaniya. Hahayaan niya itong sumaya sa iba kahit pa masakit. Sinabi na niya iyon kay Julian una pa lang ngunit kabaligtaran pa rin ang ginawa nito kaya umasa siya.
Pinaasa siya ni Julian na hindi sila aabot sa puntong mahuhuli niya itong may kasamang ibang babae. Umasa siya na kahit papaano ay makakabuo sila ng pamilya. Umasa siya na aabot sila sa puntong kung saan nabuo nilang dalawa ang pinapangarap nilang pamilya.
Ngunit sa huli, parang bombang sumabog na lang sa pagmumukha niya ang mga bagay na itinatago sa kaniya ni Julian. Mula sa mga litrato na natanggap niya kung saan ipinakita kung gaano kataksil si Julian hanggang sa pagkahuli niya na kinakalantari ng magaling niyang ex ang isa sa mga kilalang artista ng kasalukuyan na si Macy Perada, ang malala, sa apartment pa nila.
Hindi mawari ni April kung kailan pa nagsimula o kung gaano na katagal ginagawa ni Julian ang mga nakalaman sa litratong natanggap niya ngunit alam niya na mas masasaktan lang siya kapag inalam pa niya ang tungkol sa bagay na iyon.
Tapos na rin naman na kung ano mayro'n sa kanilang dalawa ni Julian kung kaya't dapat ay hindi na siya nag-iisip ng mga bagay na konektado kay Julian ngunit ang makita ang anak ni Hailey, hindi niya maiwasan mapaisip kung ano sana ang kahihitnan ng pagsasama na mayro'n sila ni Julian kung hindi lang ito siya nito niloko.
"Kumain ka nang mabuti, April. Ayaw kong mamayat ka habang nandito ka sa bahay namin," biglang sabi ni Gerald.
"Oo nga, April, ha? Tama si Gerald. Hindi ka puwedeng mamayat habang nandito ka. Tama nang nasaktan ka pero hindi puwedeng pati sarili mo papabayaan mo, ha? Intiendes?" nakataas ang kilay na sabi ni Hailey na agad niya namang sinagot ng pagtango.
"H-huwag kang mag-alala, Ley. Hindi ko naman papabayaan ang sarili ko. I just need to rest from everything," sagot niya.
"Dapat lang. Kung ano man ang ginawa ni Julian, maganda na nalaman mo ang katotohanan," sabi ni Gerald na kaniya namang ikinatango-tango.