Chapter Seven
Tulog na iyong nangako na babawi ngayong gabi. Nauunawaan ko naman at pagod sa trabaho. Kaya na kontento na lang din ako na nakayakap dito.
Sex lang iyan, pleasure lang iyan. Makakapaghintay iyan.
Nang mga sumunod na araw ay talagang naiiwan akong mag-isa sa bahay.
Pero may napansin lang ako sa mga kamag-anak ni Evan. Hindi ako madamot. Pero pansin ko na napapadalas ang tungo nila sa bahay para humingi ng mga kung ano-ano.
Parang iyong stocks naming mag-asawa ay hindi na aabot sa sunod na linggo dahil inaraw-araw na ng mga ito. Siguro kung ang buhay ko ay nasa dati pa rin, tiyak walang problema sa akin iyon. Pero ngayong nagsisimula pa lang kaming mag-asawa, medyo may issue sa akin iyon na plano kong sabihin kay Evan.
Tiyak na kami ang mahihirapan ng sobra kung palaging ganito.
Malapit na namang mag-alas onse. Tiyak na susulpot na naman si Rou para humingi ng kung ano-ano sa utos ni Nanay Eleya.
"Kadynce! Kadynce!" dinig kong tawag ni Manang Mariana sa akin. Sumilip ako sa bintana para kausapin ito.
"Bakit po, Manang Mariana?"
"Gusto mo bang sumama?"
"Saan po?"
"Sa plaza sa capitol. May event kasi roon at may raffle. Lahat ng mga dadalo ay may chance manalo ng appliances."
"Magpaalam lang po ako kay Evan, manang." Sagot ko rito. Mas okay nang kasama si Manang kaysa abutan na naman ako nila Rou rito at manguha na naman ng stocks. Si Evan kasi ang tiyak kong mamromroblema lalo't hindi pa ako nakakatulong dito. Kung okay kay Evan, of course okay lang din sa akin.
Tinawagan ko ang lalaki. Hoping na sagutin nito ang tawag ko.
"Hello?" ani ng lalaki sa kabilang linya.
"Mister, niyaya ako ni Manang sa capitol. May event daw d'yan. Gusto niya akong isama."
"Gusto mo bang sumama?" tanong nito sa akin.
"Yes." Tugon ko naman agad dito.
"Okay. Mag-iingat ka. Huwag kang lalayo kay Manang." Bilin nito sa akin.
"Thank you. Ingat ka rin." Nang nagpaalam na ito ay agad akong nagbihis nang panlakad.
"Kadynce, dalian mo." Dinampot ko lang ang bag ko at agad nang lumabas. "Aba'y sobra naman iyang porma mo." Puna ng ginang.
"Sobra po?" takang tanong ko. "Bestida at sandals lang po ito. Normal na suot ko lang ito sa amin. Sobra ba ito rito?
"Mariana, sadyang maganda lang magdala ng damit itong asawa ni Evan." Singit ng matandang lalaki sa usapan. "Tara na at baka mahuli pa tayo." Agad na akong lumulan sa tricycle. Ito ang unang pagkakataon na sasakay ako sa ganitong sasakyan. May kaba man pero kumapit na lang ako.
Okay rin naman ang biyahe. Medyo nauntog lang sa lubak pero hindi makakalimutin ang experience.
Pagdating namin sa plaza ay marami ng tao. Agad akong hinawakan ni Manang Mariana at hinila sa plaza.
"Mare! Mare! Dito tayo." Tawag ng isang ginang sa amin. Hinila ulit ako ni Manang at isinama sa kanila.
Hindi ko alam kung bakit ang lakas ng kabog ng dibdib ko... dahil siguro sa dami ng tao at hindi ako sanay.
"Sino iyang kasama mo, mare? Ang ganda naman n'yan." Tanong ng ginang.
"Aba'y asawa ni Evan. Maganda ba?" iniharap ako nito sa mga kaedaran niyang ginang.
"Maganda nga. Parang artistahin. Ang ganda pa ng kutis. Naswertehan yata ni Evan." Naghagikhikan ang mga ito.
"Dito muna siya sa atin. Si Evan kasi'y bodyguard na ni gov."
"Ha? Nandyan sila gov, baka kasama rin si Evan."
Agad kong iginala ang tingin ko pagkatapos kong batiin ang mga ito. Naupo ako sa monoblock chair na bakante at sige sa paglinga.
"Baka ma-spot-an mo ang asawa mo." Bulong nito sa akin.
"Baka nga po, Manang." Tugon ko saka muling nagpalinga-linga ng tingin.
Maraming mga nakaunipormeng mga tao ng government. Pero wala pa akong nakitang may katulad sa uniporme ng asawa ko.
"Nasa loob ng gusaling iyon sina governor." Turo ng ginang na katabi ko. "Tiyak naroon din ang asawa mo at nagbabantay." Ngumiti ako sa ginang. Ang lambing kasi nitong magsalita, napaka-gentle pa ng expression ng mukha nito.
Nang mag-ring ang phone ko ay agad kong tinignan iyon. Nakita kong tumatawag ang asawa ko.
"Mister, nandito na kami sa plaza. Nandito ka rin ba?" habang nagsasalita ay nagpapalinga-linga rin ako.
"Misis, nandito kami sa gusali na katabi ng plaza." Tumayo ako. Napangiti nang nakita ko ito.
"Nakita na kita, mister." Nang gumawi na ang tingin nito sa akin ay napangiti rin ito at kumaway. Kasama nito ang katrabaho nito at naririnig ko silang nag-usap.
"Iyang nakabestidang puri?" tanong ng kasama nito.
"Oo, iyan ang misis ko." Proud na ani ni Evan.
"Aba'y ang ganda pala ng misis mo, Evan. Bagay na bagay kayo." Puri ng kasama nito.
"Salamat." Tugon nito. "Hello, misis?"
"Yes?" ani ko.
"Hindi ako pwedeng lumapit sa 'yo dahil bawal sa trabaho. Kailangan ko ring ibaba ito dahil anytime ay lalabas na si Governor Rosales."
"Okay. Dito lang ako with Manang Mariana. I love you, Evan."
"I love you too, misis." Nag-flying kiss pa ito na ikinabungisngis ko. Nang ibaba na nito ang tawag ay saktong bumukas ang pinto ng gusali at lumabas doon ang gobernador na sa mga tarpaulin ko pa lang nakita.
Naupo na akong muli. Nagsimula na kasing ipakilala ang mga bisita. Matanda na ako pero first time kong makaranas ng ganitong event.
Naghiyawan ang mga tao nang tawagin ang pangalan ni Governor Nicholai Sixto Rosales. Bukod sa hiyawan ay nagpapalakpakan din. Marami sa crowd ang napatayo pa sa kinatatayuan nang dumating ng plaza ang gwapong gobernador. Natanaw ko rin ang asawa ko na hindi naman nagpatalo ang kagwapuhan. Agaw pansin din na ikinangiti ko.
Si Governor Rosales lang ang umakyat ng stage. Pero sumunod ang isang magandang babae na agad inalalayan ni Evan.
"Asawa ni Governor Nicholai iyan." Bulong ni Manang Mariana sa akin. "Ex ni Evan." Natigilan ako't napatitig kay Manang Mariana. "Sa pagkakaalam ko'y high school pa sila no'n. Nag-break no'ng pumasok no'ng ipagpatuloy ni Evan ang pagiging sundalo niya." Gumawi ang tingin ko sa entablado. "Maganda, 'no? Mahilig si Evan sa magaganda at mapuputi." Nang nakita kong yumakap sa bewang ni Governor Rosales ang babaeng kanina'y inalalayan ni Evan ay mapanatag ako. Ex na, wala na iyon. Hindi ko gagawing big deal iyon. Kitang-kita ko kasi kung gaano ka-sweet iyong mag-asawa sa entablado.
"Bagay na bagay po sila ni governor." Komento ko.
"Aba'y oo naman! Perfect match ang dalawang iyan." Nang gumilid ang babae para hayaan si governor na magsalita ay natahimik na ang lahat.
"Magandang tanghali sa mga mamamayan ng San Rafael." Iyon pa lang ang sinabi nito ay naghiyawan na ang mga tao rito. Napatakip ako sa tenga ko dahil nabigla ako. Iyong mga matatandang katabi ko ay kilig na kilig.
Ako ito... nasasaktan ang tenga dahil sobrang ingay.
Natahimik lang no'ng nagpatuloy sa pagsasalita ang gobernador. Nagpasalamat ito sa mga dumalo.
Binanggit din nito iyong mga on going projects para sa mga mamamayan niya.
Habang nakikinig ako ay amaze ako kung paano itong magsalita. Mukhang maayos na gobernador ito base sa mga sinasabi nito at sa mga proyekto nito.
Trabaho ang plano at hindi lang basta bigay ng ayuda. May nabanggit pa ito na training para sa mga nais makapasok sa company niya.
Hindi lang siya gobernador, businessman din siya.
Nang gumawi ang tingin ng gobernador sa pwesto namin ay todo kaway ang mga kasama kong matatanda rito. Daig pa ni governor ang may fan base.
Gumawi ang tingin ko sa asawa ko na nasa hagdan ng stage. Nakatingin ito sa akin. Kaya naman napangiti ako't kumaway sa kanya. Mas lalo lang itong napangiti bago ibinalik ang atensyon sa pagbabantay.
Matagal ang event. Pagkatapos ng gobernador nagbigay ng speech ay bumaba na ito at nakihalubilo sa mga official na naroon din.
Naroon din sa side nila ang mga bodyguard, kasama roon ang asawa ko.
May palaro pa muna bago ang dahilan nang ipinunta namin nila Manang.
Sa dulong parte na ng event ang raffle. Sila Manang lang ang may raffle ticket.
"Manang, naiihi po ako. Saan po ba ang CR dito?" tanong ko sa ginang.
"Doon sa gusaling iyon." Turo nito sa gusaling pinanggalingan nila Evan kanina. "Kita mo iyon? Papasok ka roon tapos unang likuan ay lumiko ka." Agad naman akong tumango. Nang tignan ko sila Evan ay wala na sila sa pwesto nila kanina. "Samahan kita?"
"Hindi na po, Manang. Mabilis lang po ako. Babalik din po agad ako. Dito lang po kayo, ha. Para alam ko kung saan ako babalik." Tumango naman ang ginang. Dali-dali kong binitbit ang bag ko at lumakad na patungo sa gusali na iyon.
Nang nakarating ako sa gusali ay agad kong napansin si Evan na nakaupo sa couch.
"Misis," agad itong tumayo at lumapit sa akin. Bumeso ako rito.
"Naiihi ako, Evan. Punta lang akong CR." Tumango ito.
"Hindi kita masahaman dahil hindi kami pwedeng umalis sa pwesto."
"It's okay." Marahan ko pang tinapik ang balikat nito.
"Liko ka d'yan, Kady." Turo nito sa dapat kong likuan. Dali-dali naman akong nagtungo roon. Pagliko ko'y hindi na ako nakita pa ni Evan.
Nagmadali na ako. Kaso may biglang lumiko na isang malaking bulto at doon ako bumungo sa labis na pagmamadali.
"Sorry! Sorry!" nagmamadaling ani ko. Yumuko-yuko pa ako saka nagmadali na sa pagpasok sa comfort room. Ihing-ihi na talaga ako at hindi ko na kaya pang pigilan.