Tahimik kong hinuhugasan ang mga plato na nakaayos na sa lababo. Si Ate Mary ay nasa likod ko lang, nagluluto siya para sa almusal ng pamilyang Montero.
Kumalat na sa buong mansyon na nakipagsiping ako kay Sir Silas. 'Yung ibang maids palagi akong pinaparinggan na malandi raw ako at... gold digger.
Mabuti na lang talaga at hindi ako tinatanong ni Ate Mary dahil nahihiya talaga ako nang sobra. Hindi niya ako tinatanong kahit alam ko na naririnig niya na rin sa mga maid na nakipagsiping ako kay Sir. Isa ito sa mga rason kung bakit gustong gusto ko si Ate Mary, marunong siya rumespeto ng privacy ng isang tao.
"Okay lang naman. Crush ko lang naman si Sir Silas eh. Atleast, hindi ko gagawin 'yung ginawa ng isa diyan," sabi ng kasamahan kong katulong din dito.
Nagsitawanan sila habang ako naman ay napayuko na lang dahil sa kahihiyan. Simula noong malaman nila na nakipagsiping ako kay Sir ay wala na silang ibang ginawa kundi paringgan ako. Wala naman akong ginagawa sa kanila eh. Kaya hindi ko alam kung bakit galit sila sa akin.
"Gold digger things daw kasi iyon, Mila. Mga gold digger lang ang nakakagawa ng ganuon."
Nagtawanan na naman sila. Uminit ang bawat sulok ng aking mata dahil sa sinasabi nila sa akin. Oo, mahirap ako pero hindi ko magagawang ibigay ang katawan ko para sa pera.
"Aila, pakibilisan nga ang paghuhugas ng plato diyan. Huwag mo itatapon 'yang pinagsabunan mo ah," sabi ni Ate Mary. Napatingin ako sa kaniya. "Isasaboy ko 'yan sa mga madudumi ang ugali, dada kasi nang dada eh," malamig na saad niya.
Napalunok ako. Tumingin ako sa grupo nila Mila. Tumigil sila sa pagsasalita dahil sa sinabi Ate Mary. Nakasimangot ang mga ito at masama ang tingin sa akin. Lumunok ako at umiwas ng tingin.
Pinagpatuloy ko na lang ang ginagawa ko at laking pasalamat ko dahil tumahimik na sila Mila.
Nang matapos ako sa paghuhugas ng plato ay inihanda ko naman ang lamesa para sa pagdating nila Sir Silas. Naglagay ako ng limang place mat, utensils at plates.
"Talaga? As far as I know, your ugali is so masama," dinig ko na ang boses ni Ma'am Faye na papasok na sa dining room. "Chismosa ka pa so much! You keep on telling others that Ate Aila slept with Kuya Silas. Dapat sayo pinuputulan ng tongue!" dagdag niya pa.
"What? Atleast totoo ang kinekwento ko! Tsaka totoo naman na nakipag-s*x 'yung maid kay Kuya!" sagot ni Ma'am Freya.
"But you keep saying that Ate Aila is gold digger! Sobra sobra 'yang stories mo. You keep telling that to others, hindi mo ba naiisip ang nararamdaman ni Ate Aila?" pagtanggol sa akin ni Ma'am Faye.
Pilit akong napangiti. Sa lahat ng magkakapatid, si Ma'am Faye ang mabait sa akin. Lagi niya akong nginingitian tuwing nagkakatinginan kami kaya naman medyo hindi na ako ilag sa kaniya.
Natahimik silang dalawa ng makita ako. Pilit akong ngumiti at kumuha ng napkin table at binigyan sila pagtapos ay umalis na ako doon para magtimpla naman ng juice.
"Ice Tea ang timplahin mo, Aila," utos sa akin ni Ate Mary.
Sinunod ko ang sinabi niya. Dalawang pitcher ang tinimpla ko. Ang isa ay nilagay ko muna sa refrigerator para hindi mawala ang lamig. Ang isa naman ay dala dala ko papuntang dining room.
Nandoon na silang lahat. Nakaupo at naghihintay na lang ng pagkain. Ako naman ay nilagyan na ng juice ang mga baso nila isa isa. Nang makarating ako sa harap ni baby Remi ay humagikgik siya sa akin at tinaas ang kamay na parang gusto magpabuhat.
Nginitian ko lang siya dahil wala naman akong permiso para buhatin siya. Tumikhim ako at tinanong si Sir Silas.
"Juice po?" nakayukong tanong ko.
"No," tipid niyang sagot pabalik sa akin.
Hindi ako umimik. Pumunta naman ako sa side ni Ma'am Nisyel at nilagyan ang baso niya. Narinig ko siyang patuya na tumawa sa tabi ko kaya naman lihim akong kinabahan.
"Sa panahon ngayon hindi mo talaga akalain na may masamang ugali pala ang mga tahimik na tao," sabi niya bago binagsak ang kutsara sa plato.
Hindi ko alam kung sino ang pinaparinggan niya. Ako ba? Kasi hindi ako natamaan eh.
Tahimik ako, oo. Pero hindi masama ang ugali ko.
Umibis ang aking nguso dahil sa naisip. Magkahawig na magkahawig si Ma'am Nisyel at Ma'am Freya sa mukha, magkahawig din ang ugali nila.
Umalis agad ako doon pagtapos ko sila lagyan ng juice. Pumunta ako sa garden para doon magpalipas ng oras. Nakaupo ako sa damo habang kinakalikot ang mga daliri ko.
"Gusto ko na umuwi," mahinang bulong ko sa aking sarili.
Mabilis na nag-init ang bawat sulok ng aking mata. Kumurap kurap ako. "Miss ko na sila Inay," naiiyak na sabi ko pa.
Tumulo ang luha sa aking mata na agad ko ring pinunasan. Suminghot ako at idinantay ang aking pisngi sa aking tuhod. Doon sa probinsya, kahit sinasaktan kami ni Itay ay pakiramdam ko safe ako kasi kasama ko ang mga kapatid ko.
Pero dito kahit puro parinig lang naman ang ginagawa nila ay mas natatakot ako. Humikbi ako habang nakasubsob sa aking tuhod. "Gusto ko na talaga umuwi," humahagulgol na anas ko sa aking sarili.
Ilang minuto akong umiyak nang umiyak hanggang sa kusa na rin akong napatigil. Maigi kong pinunasan ang aking mata at napatigil lang nang makita ko si baby Remi na papalapit sa akin. Nakasunod sa kaniya si Ma'am Faye na halos hindi makatingin sa akin.
Humahagikgik na tumatakbo papunta sa akin si Remi. Tumili siya at malaki ang ngiti, labas na labas tuloy ang mga ngipin niya. "Mama!" sigaw niya habang papunta sa akin.
Napakurap kurap ako at natigilan. Mama? Dinamba niya ako ng yakap at ibinaon ang mukha sa aking leeg. Napangiti ako at ilang segundong napapikit. Malalim akong napa-buntong hininga dahil pakiramdam ko, lahat ng sakit at pagod ko ay napawi dahil sa pagkakayakap niya sa akin.
"Hi, Ate Aila," bati sa akin ni Ma'am Faye. Umupo siya sa tabi ko at malapad akong nginitian.
Ngumiti ako at bumati pabalik. "Hello po," mahinang saad ko.
"I'm so sorry," sabi niya sa akin. Kinakalikot niya ang kaniyang daliri habang nagsasalita at halos hindi makatingin sa akin. "Sorry because my family or should I say mother and twin sister, are always making parinig to you." Umibis ang nguso niya.
"I know you are sobrang nasasaktan kasi inaaway ka nila. I understand if you will leave. Mas gusto ko nga na mag-leave na ikaw dito. No offense, Ate Aila ha." Ngumuso na naman siya. "I just think its better because pag nag-leave ka dito hindi ka na aawayin ni Freya at Mommy," pagpapatuloy niya pa.
Napangiti ako. Nakuha ko ang punto niya. Gusto niya akong umalis na lang para sa ikabubuti ko. Pwede naman akong umalis nga pero... mahirap makahanap ng trabaho agad agad. At tsaka... parang sobra akong malulungkot kapag tinigilan ko ang pagbabantay kay baby Remi.
"It's always up to you, anyway."
"Titiisin ko na lang siguro, Ma'am. Mahirap kasi maghanap ng trabaho lalo na at highschool graduate lang ako," nakangiti na anas ko.
Tumango tango siya. "Yeah, right," mahinang sabi niya.
Ilang minuto kaming natahimik. Parehas naming pinagmamasdan si baby Remi na tahimik lang na nakayakap sa akin. Hinaplos ko ang likod nito kaya tumingin siya sa akin at malapad na ngumiti.
"I think you will be a great mother, Ate Aila," biglang sabi ni Ma'am Faye na nagpagulat sa akin.
Bigla akong tumingin sa kaniya. Ngumiti siya sa akin at nagkibit ng balikat. "You look at Remi kasi na parang yours siya. Tapos you're so very malambing pa," paliwanag niya sa akin.
"Anyway." Tumayo siya at pinagpag ang pang-upo niya bago tumingin sa akin. "Labas tayo, Ate. I will make libre. I want ice cream sa convinience store," yaya niya sa akin.
Napakurap kurap ako. Nagdadalawang isip pa. Tumawa siya at hinawakan ako sa kamay bago ako mahinang hinila. "Let's go. Let's bring Remi with us. Mag-walk lang tayo para naman ma-feel natin ang morning sun," conyo na sabi niya.
Wala akong choice kundi ang tumayo at sumama na lang sa kaniya. Habang naglalakad kami ay panay ang kwentuhan naming dalawa at tawanan.
"You can call me Faye na lang, Ate Aila. I don't want to be called Ma'am because I think I look matanda." Sinipa niya ang maliit na bato.
Tumingin ako sa kaniya at tumawa. "Okay po."
Nakarating kami sa convinience store. Kumuha siya ng dalawang magnum na nasa stick at dalawa nung nasa garapon. Nang tignan ko ang presyo na nakadikit sa freezer ay nanlaki ang aking mata.
Marami ka ng mabibili na tig-sampung piso sa presyo nito. Ngumuso ako. Umupo na lang ako sa upuan at inilapag si Remi sa lamesa na nasa aking harap. Malapad akong ngumiti sa kaniya.
"Gusto mo ng ice cream, baby?" malambing na tanong ko sa kaniya.
Dahan dahan siyang kumurap at malaki ang mata akong tinignan. Napanguso ako dahil panigurado na hindi niya ako naintindihan. Ngumisi na lang ako at pinatakan ng mababaw na halik ang matambok at mamula mula niyang pisngi. "Okay, sabi ko nga," sabi ko na lang at mahinang tumawa.
Umibis ang nguso niya. Hinawakan niya ang pisngi ko gamit ang kaniyang maliit na palad. "Mam-Ma! Mamamama, Mama!" anas niya bago humagikgik ng malakas.
Natigilan na naman ako dahil sa sinabi niya. Mama raw. Ngumuso ako.
Sumulyap ako sa glass wall at nawala ang aking ngiti nang makita si Sir Silas na kabababa lang sa kaniyang magarang sasakyan.
Busangot na busangot ang kaniyang mukha pero nanatili pa rin ang kagwapuhan niya. Napalunok ako ng wala sa oras dahil nagtagpo ang aming mga mata. Umigting ang kaniyang panga bago ako inirapan at tinungo ang pintuan ng convinience store.
"Hala, lagot ako nito," namomroblemang saad ko. "Baka akala ng Daddy mo kinidnap kita!" bulong ko kay Remi bago ko kinagat ang aking labi.
Binuhat ko siya. Tinignan ko si Faye at nakitang malapit na siya matapos sa pagbabayad. Pero nauna pa rin ang Kuya niya na makapunta sa akin. Kinagat ko ang aking labi at tinignan siya.
"Why the f**k did you bring my daughter here?" malamig niyang tinanong sa akin.
Mabuti na lamang at wala kaming katabing tao dahil baka may makarinig sa kaniya. Lumunok ako at kumurap kural bago nagpaliwanag. "Uhh, niyaya kasi ako ni Faye dito. Sabi niya dalhin daw namin si baby Remi," paliwanag ko.
Hindi siya umimik. Tamad siyang sumandal sa lamesa at pinagmasdan ang kapatid niyang nagbabayad. Palihim akong ngumuso at hindi na siya tinignan pa.
"Kuya, what are you doing here? I invited Ate Aila so that I have kasama to bought my ice cream. I make some libre to her din," sabi ni Faye. Bitbit niya ang brown paper bag.
"You should have told me. Bakit hindi mo ginamit ang kotse?" tanong ni Sir Silas sa kaniyang kapatid.
Umirap si Faye. "It's morning. Sayang ang nutrients sa sun so I decided to walk na lang with Ate Aila and baby Remi," she said.
Umigting lang ang panga ni Sir Silas at hindi na sumagot pa sa kapatid. Nauna ng maglakad papalabas si Faye. Susunod na sana ako nang bigla akong hawakan ni Sir Silas sa aking bewang.
Gulat akong napatingin sa kaniya. Hindi siya tumingin sa akin. Hindi na lang ako at nagsalita at binalewala ang nababaliw kong puso dahil sa bilis ng t***k nito.
"Let's go home," sabi niya bago kami lumabas ng convinience store na hawak hawak niya ang bewang ko.