Chapter Four:
Humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin. Puno ng luha ang mukha niya. Para siyang batang iniwan ng nanay.
"S-sorry. Ang sakit sakit na kasi kaya hindi ko na kayang itago..." Bumuntonghininga ako at hinawakan ang laylayan ng damit niya. "A-anong gagawin mo?" natatarantang tanong niya.
Itinaas ko ang damit niya at ipinampunas iyon sa mukha niya. Wala naman akong panyo at mas lalong ayokong gamitin ang damit ko para ipunas sa luha niya.
"Tumahan ka na, kawawa 'yang mukha mo." Nagpatuloy ako sa pagpunas sa mukha niya. Totoong mukha siyang kawawa. Kung nakikita lang siya ng mga fans niya ngayon, malamang mas mananalo siya ng best actor.
"B-bes..."
Napangiti ako. Hindi ko akalain na maririnig ko pa ulit ang salitang `yon sa tagal ng panahong hindi ko iyon narinig. Halos nakalimutan ko na ang paraan nang pagtawag niya sa akin.
Nang matapos kong punasan ang pisngi niya. Tinitigan ko siya sabay ngiti. "Nauuhaw ka ba? Kukuha ako ng tubig." Tatayo na sana ako kaya lang ay hinawakan niya ang palapulsuhan ko at hinila ako pabalik. Napaupo tuloy ako sa kandungan niya.
Ilang beses akong napalunok. Kumpara noon, mas naiilang na ako sa kaniya ngayon. . .
Nagkatitigan kaming dalawa hanggang sa niyakap niya ako at muling sumubsob sa balikat ko.
"I missed you," bulong niya.
Napapikit ako nang mariin. I missed you too. Gusto kong sabihin pero ayoko, huwag na lang. Kasi sa oras na sabihin ko iyon, baka masaktan lang ulit ako.
"Kung tutuusin, ako dapat ang umiiyak."
Hindi siya humiwalay sa pagkakayakap. "Bakit naman?"
"Kasi ikakasal na dapat ako next week kaso niloko niya ako. Nakakagago, e. Niloko niya ako..."
Hinila niya ako pahiga sa sofa. Ngayon ay nasa ibabaw na niya ako pero ang mukha ko naman ang nakasubsob sa balikat niya.
"Matulog na lang tayo, huwag na nating isipin 'yang mga manloloko na 'yan."
With that, I closed my eyes. Pakiramdam ko ang gaan gaan ng puso ko ng gabing iyon. . .
-
Nagising ako dahil sa nakasisilaw na sinag ng araw mula sa bintana. Agad na tinakpan ko ang mga mata ko gamit ang braso ko pero hindi iyon sapat para mapawi ang silaw. Sinubukan kong tumagilid para sana mas maiwasan ang liwanag ngunit pagkatagilid ko, kaagad na nahulog ako sa matigas na sahig.
"A-aray..." Napahimas ako sa noo. Ang sakit! Peste! Bakit parang lumiit yata ang kama ko? Ngayon lang ako nahulog, a!
Dahan dahan akong bumangon habang sapo pa rin ang noo kong naunang tumama sa sahig. Nakakainis, may pasok pa naman ako ngayon. Kailangan kong dalhin sa set iyong printed script.
"Anong nangyari sa 'yo?"
Dahan dahan kong iminulat ang mga mata ko. Nasisilaw pa rin ako sa liwanag pero pinilit kong dumilat para lang makita ko kung sino iyong nagsalita.
Kumabog ang dibdib ko nang humantad sa harapan ko si Claudius! Anong ginagawa niya rito? Dali dali ko siyang dinuro. Napaatras naman siya. Gulat sa ginawa ko.
"Hoy! Bakit ka nandito?!" Natatarantang tanong ko at saka tumayo.
Tumayo na rin siya. Nagsisisi tuloy ako. Sana hindi na siya tumayo dahil 6'2 ang height niya at nahihirapan akong tingalain siya. Alam ko iyon, nakasulat sa magazine. Kahit naman matagal na kaming hindi nagkikita, nababasa at napapanuod ko pa rin naman siya sa mga balitang showbiz.
"Dito ako natulog, remember?" sagot niya.
Napakurap ako nang ilang beses 'tsaka ko lang naalala iyong nangyari kagabi. s**t, oo nga pala!
"Magkatabi tayong natulog?" Hindi makapaniwalang tanong ko.
Ngumuso siya at bumaba ang tingin sa dibdib ko. Napatingin din tuloy ako roon at gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang wala akong bra?! s**t, sa huling pagkakatanda ko, naka-bra ako bago nakatulog kagabi!
"Naglatag ako ng sapin d'yan sa tabi ng sofa mo. Ayoko namang matulog sa kwarto mo, nakakahiya."
Kinuha ko ang mahabang buhok ko sa aking likuran at itinakip sa harapan ng dibdib ko. Nakakainis, nakatayo pa man din ang n*****s ko tuwing umaga. Pakiramdam ko'y nag-iinit ang pisngi ko sa kahihiyan, Diyos ko naman!
"Ayos lang sana sa akin na magkatabi tayo kaso ang likot mong matulog at isa pa..." Sumulyap uli siya sa dibdib ko. "Nairita ka yata sa bra mo kaya inalis mo..." Tuluyan na siyang nag-iwas ng tingin sa akin.
Sinapo ko ang mukha ko. Nakakahiya, sobrang nakakahiya!
"Nakiligo na pala ako sa banyo mo. May dala akong damit, nasa kotse ko kagabi. At saka nagluto na ako ng almusal. Hintayin kita sa sala." Tuluyan na siyang tumalikod nagmamadaling bumalik sa kusina. Sa sobrang hiya ko, napatakbo ako papunta sa kwarto. Kaagad ko iyong ini-lock pagkatapos ay sumandal sa pinto at hinawakan ang nag-iinit kong pisngi. Nakakahiya talaga!
Hindi kasi ako sanay matulog nang naka-bra at hindi ko talaga naalala noong natutulog ako na may katabi pala ako! Grabe talaga. Hindi naman iyon ang first time na natulog kaming magkatabi ni Claudius kasi noong mga bata pa lamang kami hanggang sa mag-highschool, natutulog kaming magkatabi kapag mag-o-overnight sa bahay ng isa't isa. Hindi na kami pinapakialaman ng mama at papa ko kasi alam naman na nilang wala kaming malisya sa isa't isa. Na-miss ko tuloy bigla sina tita Cath at tito Cash. Kumusta na kaya sila? Naaalala pa kaya nila ako?
Imbes na mag-isip pa ng kung anu-ano, naligo na lang ako at nagbihis. Pagkatapos kong mag-ayos, lumabas kaagad ako ng kwarto.
Nagtaka ako nang maabutan ko si Claudius na nakaupo sa sofa at nakapangalumababa. Bakit nand'yan pa siya?
"Ang tagal mo, gutom na gutom na ako." Nakangusong sabi niya.
"Aba, wala naman akong sinabi na maghintay ka. Sana nauna ka na." Sagot ko sabay irap.
Lumapit ako sa sofa. Hindi ako makatingin sa kanya nang maayos kaya mabilis na inilapag ko na lamang doon sa sofa iyong mga dala ko 'tsaka nagmamadaling pumunta sa kusina. Naka-hain na nga roon ang mga pagkain. Nangialam siya sa ref ko. Niluto niya ang hotdog.
Naupo ako at kumuha ng kanin at ulam. Hindi ako nag angat ng tingin kay Claudius nang maghila siya ng upuan sa harap ko at naupo roon. Kakain na nga sana ako kaya lang pinigilan niya ako.
"Pray before you eat, bes. Hanggang ngayon, hindi ka pa rin nagdadasal bago kumain."
Nalunok ko na ang laway ko at inilapag ang hawak kong kutsara sa lamesa. Ilang beses na ba akong napapahiya? Hanggang ngayon ay madasalin pa rin pala siya.
"Lord, thank you po sa pagkain." Panimula niya. Hindi ako pumikit. Pinagsalikop ko lamang ang mga kamay ko at pinanuod siyang magdasal. "Thank you rin po dahil binigyan mo pa po ako ng isa pang panibagong umaga and thank you for bringing back my bestfriend, amen."
Bestfriend, huh? Talagang pinanindigan niya na magkaibigan na kami ulit pagkatapos ng nangyari, 7 years ago.
"Bakit hindi ka na lang din mag-artista, sa halip na maging writer producer?" Tanong niya sa kalagitnaan ng pag-kain namin.
Nag angat ako ng tingin sa kanya. Sana hindi ko na lang pala ginawa dahil titig na titig siya sa akin.
"Hindi ako marunong um-acting at saka ayokong magulo ang private life ko. Kaya ikaw, lumayo layo ka sa akin at baka magka-issue pa tayo."
Umiling siya. "Kapag may nakakita naman sa atin at nagkaroon tayo ng issue..." I waited for him to continue. "I won't deny it."
Kumunot ang noo ko. Anong ibig niyang sabihin 'don?
"Loko ka rin pala, e. Ayoko ngang pagpiyestahan ng mga basher!" Inis na sagot ko.
Natawa pa siya bago nagkibit balikat. "Don't worry, I won't deny the fact that you're my bestfriend."
Nakagat ko ang labi ko. Bestfriend talaga, oo nga, bestfriend. Ang assuming talaga ng lalaking 'to, e. Kung makaasta parang walang nangyari sa nakaraan.
-
"Bakit ba sinusuyo mo pa rin ako kahit na ipinagtutulakan na kita palayo?" Inis na tanong ko kay Claudius.
Talagang pinuntahan niya pa ako sa bahay namin para lang suyuin ako. Simula kasi 'nong isang linggo na ibinalita niya sa akin na may pag-asa na siyang magpapansin kay Pia, hindi ko na siya kinausap pa.
"Bes naman, ang tagal ng pinagsamahan natin, si Pia lang ba ang makakasira 'non? Huwag mo namang sirain nang dahil lang sa may away kayo ni Pia noon."
Hindi ko siya nilingon. Nagpatuloy ako sa pagliligpit ng hinigaan ko. Kagigising ko lang at sana alam niya iyong kasabihang "Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising."
"Umalis ka na. Hindi ko na kayang maging bestfriend mo." Walang ganang sagot ko.
Hinawakan niya ang braso ko. Para naman akong napaso sa simpleng paghawak niya lamang doon. Sa takot ko, kaagad kong hinila pabalik ang braso ko at bahagyang lumayo sa kaniya. Ayoko ng ganito, natatakot ako. Natatakot ako na baka mas lumalim pa ang nararamdaman ko.
"Devora Rivera! Ano ba?!" singhal niya.
Nagpatuloy ako sa pag-layo sa kanya. Ayokong mas lumapit pa siya dahil mas napapaso ako.
"Claudius, tama na. Ayoko nang magsinungaling sa sarili ko." Naupo ako sa kama at sinapo ang mukha ko. Bumibigat na ang dibdib ko. Ang sakit sakit naman, o! Bakit kailangan ko pa 'tong maramdaman?
"Ano bang sinasabi mo, Devora? Magkaibigan tayo, 'di ba? Itatapon mo na lang ba iyon?" nag aalala at halatang nasasaktang tanong niya.
Inalis ko ang pagkakatakip sa mukha ko at matapang na tinitigan siya pabalik.
"Hindi ko na kayang maging bestfriend mo kasi feeling ko mahal na kita!" Lakas loob na sigaw ko.
Bumuga siya ng malalim na hininga at tumabi sa akin. Nagsisimula nang mag-unahan ang mga luha ko. Ang bigat bigat ng dibdib ko at parang gusto kong ilabas lahat ng hinanakit ko. Pero wala naman akong karapatan. Iyon ang mahirap...
"Mahal din naman kita, bes."
Pumikit ako nang mariin. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Ang sarap na sanang pakinggan, e, kaso... may bes sa dulo.
"Hindi kita mahal bilang kaibigan lang. Mahal kita bilang lalaki..." Nilingon ko siya. Gulat ang ekspresyon na nakita ko sa mukha niya. Hindi pa ba niya halata? Napakamanhid naman ng taong 'to! "Kaya mo ba 'yong suklian?"
Napalunok siya sa itinanong ko. Bahagyang umawang ang labi niya, halatang hindi makahanap ng tamang salita para sa tanong ko. Nag iwas ako ng tingin because I knew it! Talagang hanggang bestfriend lang. Hindi niya kayang lumagpas pa roon.
"Huwag mo nang sabihin--" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bigla niya na lamang akong itinulak sa kama. Pinangko niya ako gamit ang malalapad niyang braso at hinalikan ako sa labi. Sa sobrang gulat ko, hindi ako kaagad nakagalaw. Ang tanging nasa isip ko na lamang ay ang mainit at malambot niyang labi na nakadampi sa labi ko.
Nang maramdaman kong unti unti nang gumagalaw ang labi niya sa akin, marahas ko siyang itinulak. Doon ako natauhan. Ano bang ginagawa niya? Mas lalo niya lang akong ibinabaon.
"Susubukan ko..." he whispered. Malamlam ang mga mata niyang ipinukol sa akin. "Susubukan kong mahalin ka ng higit pa."
Umasa ako na sana totoo nga iyon. Nag-assume ako at kumapit ako sa unang halik naming dalawa. Para akong gagong naghintay. Pero nagulat na lamang ako makalipas ang isang linggo, sila na ni Pia. Wala pa yatang panliligaw na nangyari pero sinagot na kaagad siya. Ginago niya ako. Sinaktan niya ako ng sobra. Pakiramdam ko, isa ako sa pinakatangang tao sa buong mundo ng mga oras na iyon.