"Kumusta naman ang pagsasama niyo ng asawa mo?" Tanong ng Mommy niya nang pasyalan siya nito kasama ang Daddy niya sa bahay ni Miko dalawang araw mula nang kusa siyang ihatid ng Daddy niya sa bahay na iyon para kay Miko.
"Ok lang po Mommy," tugon niya sa ina.
"Kung noon ka pa sana umuwi ng San Juan, di sana walang nasayang na panahon sa pagsasama niyo ni Miko," ismid ng Daddy niya.
Kasalukuyan silang nasa gazebo nang hapong iyon. Hindi nga niya inaasahan ang biglaang pagdalaw ng mga magulang niya, marahil ay sadyang hindi pinaalam ng mga ito sa kanya ang pagpunta ng mga ito, siguro nais makita ng mga ito kung ano ba talaga ang kalagayan niya sa bahay na iyon.
Kung tutuusin ok naman siya. Hindi siya nagtatrabaho dahil maraming kasambahay si Miko. Pag gising niya nakahanda na ang pagkain niya. Buhay prinsesa siya sa totoo lang. Hindi kasi siya mapilit ni Miko na pagsilbihan niya ito. Nais nitong pagsilbihan niya ito at gawin ang obligasyon niya rito bilang asawa nito, pero hindi siya nito mapasunod. Tumatanggi siya at nagmamatigas siya rito. Ni hindi nga siya nito napasunod na magsama sila nito sa master bedroom. Wala itong nagawa nang ayaw niya ilipat ang mga gamit niya sa silid nito. Hanggang ngayon sa guest room pa rin siya naka stay at walang magawa ang asawa kahit anong pilit nito sa kanya.
Lihim siyang natutuwa dahil nakikita niyang hindi na siya kayang mapasunod ni Miko ngayon. Kahit anong sabihin nito at pamimilit sa kanya, hindi na ito umuubra pa. Pakiramdam tuloy niya sa laro nila ngayon siya na ang nananalo. Iyon nga lang hindi niya alam kung hanggang kailan siya mananatiling panalo.
"Dad, hayaan mo na ang mga bata maayos naman na sila," saway ng Mommy niya sa Daddy niya.
Hindi siya kumibo. Kahit papano may inanakit pa rin siya sa ama dahil ito ang pilit ng pilit sa kanya na magsama sila ni Miko. Naiipit siya at hindi niya alam kung saan siya patungo dahil sa pag hahangad ng kapangyarihan ng kanyang ama. Ganoon pa man hindi niya iyon aaminin sa ama, mahal niya ito at hindi niya kayang saktan ang mga magulang niya. Mas pipiliin na lang niyang siya na lang ang masaktan huwag lang ang mga ito.
"Sinabi ko na kay Miko na andito tayo, nag reply siya na pauwi na daw," saad ng Daddy niya.
"Bakit mo pa sinabi baka may trabaho siya," saad ng Mommy niya at sinulyapan siya. Alam niyang kahit hindi siya magsabi sa Mommy niya, ramdam nito ang tunay na nangyayari sa kanya sa loob ng bahay na iyon.
"Para na rin makausap natin siya at makumusta ang pagsasama nila. Bata pa iyang anak mo, parang hindi mo kilala iyan, may pagka pasaway din," saad ng Daddy niya at sinulyapan siya.
Nanatili na lang siyang tahimik habang halos mag away na ang Mommy at Daddy niya dahil sa kanya.
Hindi naman nagtagal dumating na si Miko. Malapit lang naman kasi ang munisipyo sa de la Cerna Subdivision.
Halata niyang excited ang Daddy niya nang makita nito si Miko at agad niyaya na mag usap ang mga ito sa loob. Magalang namang bumati si Miko sa Mommy niya at sa kanya, may pahalik pa nga ang asawa sa pisngi niya bilang pagbati. Nagulat man hindi na siya nagsalita pa at hinayaan na lang ang asawa, naroon ang mga magulang niya, may hindi tama sa pagsasama nila pero hindi na kailangan pang maipaalam niya iyon sa mga magulang niya.
"Pasensya ka na sa Daddy mo ah," paumanhin ng Mommy niya nang sila na lang ang naiwan sa may gazebo. Pumasok na kasi sa loob si Miko at ang Daddy niya. Panigurado naman na negosyo o investment ang nais pag usapan ng Daddy niya.
"Sanay na po ako kay Daddy," tugon niya sa ina.
"Eh, kumusta ka na man?" Tanong ng ina. Nasa mga mata nito ang pag-aalala. Marahil iniisip nito na hindi talaga siya ok sa bahay na iyon.
"I'm ok po Mommy," tugon niya sa ina at ngumiti.
"Talaga ba?" Paninigurado nito sa kanya.
"Yes po Mommy," tugon niya sabay tango rito.
"Maayos naman ba ang pagsasama niyo ni Miko?" Tanong nito.
"Ayos naman po," tipid niyang tugon rito.
"Ok ka na ba dito? Hindi ka ba ulit babalik ng New York?" Tanong ng ina.
"Mukhang malabo na po ayaw na po kasi ni Miko," tugon niya.
Kung siya ang tatanungin, nais pa niyang magbalik sa New York at doon na mag stay ulit. Nais niyang doon na rin siya makapagtapos ng pag-aaral at magtrabaho. Nais niyang mamuhay na lamang ng mag isa sa New York at payapa sana. Pero mukhang hindi na mangyayari iyon.
"Mabuti naman kung ganon. At least pinaninindigan na ni Miko ang pagiging asawa niya sa iyo," saad ng ina.
Alanganing ngiti ang sumilay sa labi niya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa sinabi nito.
"Patricia, anak," seryosong tawag ng ina sa kanya at hinawakan pa ang kanyang kamay.
"Ano po iyon Mommy?" Tanong niya rito.
"Ayoko maglihim sa iyo anak. Nais kong alam mo talaga kung ano ang nangyayari at dahilan ng pagpapauwi ng Daddy mo sa iyo rito," seryosong saad ng ina.
Kumabog ang kanyang dibdib. Hindi niya gusto ang tono ng tinig ng Mommy niya. Lalo na ang malungkot na ekspresyon nito at malungot na mga mata.
"May problema po ba?" Tanong niya.
"Patricia, ang Daddy mo kase naloko siya ng isang business partner niya," simula ng ina kasabay ang pagpatak ng luha nito.
Pakiramdam niya nawasak siya nang makita ang pagluha ng Mommy niya. Kitang-kita niya ang lungkot, hirap at sakit.
"Ano po ang ibig niyong sabihin?" Tanong niya.
Inamin ng ina na halos isang daang milyon ang halagang natangay ng nanloko sa Daddy niya. At ang perang iyon ay inutang lang ng Daddy niya sa bangko. Ginamit na kolateral ang kanilang bahay at mga ari-arian. Ngayon kailangan ng magbayad ng Daddy niya sa pagkakautang nito sa bangko, kahit pa unti-unti man lang daw pero wala daw maibayad ang ama. Tanging ang negosyo na lang ang inaasahan daw ng ama at sapat lang ang kinikita para manatili ang kompanya at ang nakasanayang lifestyle ng kanilang pamilya. Sinabi rin ng Mommy niya na walang alam ang mga kapatid niya sa nangyari. Hindi rin daw nais pang ipaalam ng Daddy niya iyon sa mga kapatid niya. At inamin ng Mommy niya na siya daw ang last option ng Daddy niya na magsasalba sa utang nila para hindi mawala ang bahay nila at iba pang ari-arian.
"Paano pong ako?" Tanong niya sa ina.
Hindi na siya nagtaka pa kung paano naloko ang Daddy niya. Masyado kasing sabik umangat pa ang ama, kaya kahit ano ginagawa nito. Nais kasi nitong mapabilang ang pamilya nila sa mayayamang pamilya sa bayan ng San Juan. Nakatali naman sila iyon nga lang malayo pa sa talagang mayayamang nasa mataas ang bilang katulad ng mga de la Cerna. May pagka ambisyoso ang Daddy niya, which is ok naman sana kaya lang sumusobra na ito kung minsan, katulad na lang ngayon.
"Ang nais ng Daddy mo, ikaw ang lumapit kay Miko para tulungan siya sa pagkakautang niya sa banko," tugon ng Mommy niya.
"Pero Mommy, paano ko naman po gagawin iyon?" Nagtatakang tanong niya.
"Asawa mo si Miko, Patricia. Lahat ng pagmamay-ari niya pagmamay-ari mo rin. At kung magsasabi ka sa kanya na tulungan ang pamilya natin, hindi ka niya tatanggian dahil asawa ka niya. And also magkano lang naman sa kanya ang isang daang milyon. Isang bilyonaryo ang asawa mo, Patricia," litanya ng ina sa kanya.
Hindi niya alam kung ano ang iisipin niya sa mga nalaman niya. Pero isa ang sigurado niya. Nalulungkot siya sa nangyayari at sinapit ng pamilya niya. Naiintindihan na niya ngayon ang biglaang pagpapauwi ng Daddy niya sa San Juan. Isama pa ang sapilitan ding paghatid nito sa bahay ni Miko. Pero paano niya matutulungan ang pamilya niya gayong hindi naman sila magkasundo ni Miko?