LORABEL Dahil hindi talaga ako matahimik, maaga pa lang ay lumabas na ako sa silid namin ni Zarex at pumunta sa garden. Binalikan ko ang lugar kung saan ako nakaupo kagabi habang umiinom ng kape at kumakain ng suman dahil gusto kong malaman kung kaninong silid ba ang nakaharap dito sa swimming pool. “Ma'am, ayos ka lang po ba?” narinig kong tanong ni Jaja sa akin. Sumunod pala siya sa akin dahil mukhang nag-aalala siya. Nahihiya tuloy ako sa mga kasama ko dito sa bahay dahil baka inakala nilang nababaliw na ako. “Jaja, hindi ba silid namin iyan ni Zarex?” tanong ko sa kaniya. “Hindi po, Ma'am,” agad na sagot ni Jaja. “Guest room po iyan.” Pareho kasi ang disenyo ng bahay sa ikalawang palapag, at ito rin ang unang pagkakataon na pumunta ako dito sa hardin at pinagmamasdan ito, kaya n

