BIGLANG nanghina si Alina at nangatog ang kaniyang mga tuhod. Bago siya mawalan ng balanse ay nasalo siya ni Elias mula sa likuran. “Ano ba ang pinagsasabi n’yo, Mommy?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Ara sa ina. Humagulgol na si Clarita at biglang napaupo sa couch. “Ako talaga ang dahilan ng biglang pagkakasakit ng daddy n’yo. Apektado ang isip niya kaya nawala ang focus niya sa negosyo,” sabi nito. “Ano po ba ang nangyari?” tanong niya naman. Umupo na siya sa couch katabi si Elias. “Natuklasan ni Allan na minsan ko siyang pinagtaksilan. Nalaman niya na hindi siya ang totoong ama ni Ara.” Nawindang siya at nasipat si Ara na tila binuhusan ng suka, biglang namutla. “Hindi ‘yan totoo, Mommy! Sabi mo, may pinag-awayan lang kayo ni Daddy tungkol sa pera kaya siya nagkasakit,” ani Ara.