INAMOY-AMOY NI Zyren ang coat, niyakap at idinampi-dampi sa kanyang pisngi. Minsan pa nga ay hinahalikan pa niya iyon.
“Zyren, okay ka lang? Nasa katinuan ka pa ba? Kailangan ko na bang mag-panic?”
Hindi niya pinansin ang pinsan. “I found him, Maira. I found the man of my dreams. Ang aking Prince Charming. Ang aking kapalaran.” Muli niyang idinampi sa pisngi ang coat. “And he gave me this coat. Nag-propose na siya sa akin.”
“I’m going to call Tita Fe.”
“Sige, tawagan mo na si Mommy. Sabihin mong magpapakasal na ako.” Tumingala siya sa kisame at inalala ang mukha ng kanyang kapalaran. “He’s so handsome. Tall, suave, elegant, had a bedroom voice, single, available.” She gave out a sigh. “Haayy…”
Napailing na lang ito. “Nababaliw ka na. Isang beses mo pa nga lang nakikita ang lalaking iyon, bumuo ka na agad ng mga pangarap para sa inyong dalawa. Paano kung may asawa na pala iyon?”
“Wala siyang asawa. Wala siyang wedding ring.”
“Karamihan sa mga lalaki, hindi isinusuot ang mga wedding ring nila kapag wala sila sa tabi ng kanilang mga misis. Para nga naman maka-iskor sila sa mga babae.”
“He’s different. I know he’s still single.”
“Paano ka ngang nakakasiguro?”
“Malakas ang vibrations ko. Kaya huwag kang kontra ng kontra diyan.”
“Binibigyang liwanag ko lang naman ang inaagiw mong kaisipan, pinsan. There’s no such thing as love at first sight.”
“There is. And I just met my love. At first sight. Haaayyy…”
“You’re not inlove with him. You’re just fascinated. At excited ka dahil sa wakas ay nakita mo ang lalaking nagpi-fit in sa pangarap mong lalaki.”
Binato niya ito ng throw pillow. “Huwag ka sabing kontra.”
Ibinalik nito iyon sa kanya, mas malakas. Parang lumipad ang utak niya nang tumama ang throw pillow sa kanyang mukha. “Aray! Ano ba?!”
“Ewan ko sa iyo. Linisin mo nga iyang kukote mo, Zyren. At nang hindi kung ano-ano iyang pinagsasasabi mo riyan.”
“Naiinggit ka lang dahil nakita ko na rin sa wakas ang perfect guy ko.”
“Oo, perfect guy mo na one of these days ay iiwan mo rin dahil sa Canada ka na maninirahan kasama ng pamilya mo. Magiging Canadianese ka na.”
Niyakap niya ang coat. “Much more na dapat kong makita ang lalaking iyon. Hindi ako puwedeng umalis nang hindi ko man lang nalalaman ang pangalan niya. O kung saan siya nakatira. O kung ilang anak ang gusto niya.”
“Anak?” Napatili na lang ito. “Eeeeeehh!”
Tumayo na siya nang makita ang oras sa wall clock ng sala. Hinarap din niya ang pinsan. “May ipapabili ka sa 711?”
“Wala. Bakit?”
“Wala rin. Masama bang magtanong? Sige, maiwan na muna kita . Ako, may bibilihin.”
“Ang sabihin mo, aabangan mo na naman ang lalaking iyon.”
“Kailangang maging vigilant ako. Kung magpapapetiks-petiks lang ako dito, walang mangyayaring kasalan. I have to make him realize that we’re meant to be together. Na ako ang tanging babaeng bagay sa kanya.”
“And you’re still leaving the country.”
“Yes.”
“Kung ganon bakit mag-aaksaya ka pa ng panahon sa lalaking iyon?”
“Hindi ko rin alam kung bakit. Magulo ang mundo ko. Ang puso ko. Pero masaya ako sa kaguluhang ito. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong kabaliwan.” Muli siyang nangarap sa kawalan. “Could this be love?”
“No, that’s insanity.”
“I’m inlove…”
“You’re hopeless. Goodluck na lang sa iyo, Zyren. Oy, aalis ka ng nakaganyan?” Ang isinuot niyang coat ang tinutukoy nito.
“Pampasuwerte.”
Habang naglalakad patungong convenience store ay hindi iilang beses na nakatanggap siya ng kakaibang tingin mula sa mga nakakasalubong niya sa daan. Kasi nga naman, kasikatan ng araw e naka-coat siya na sampung beses yatang malaki sa kanya habang naka-shorts lang siya. Pero wala siyang pakialam. She felt good wearing it. And anyway, talagang dinala niya iyon para magkaroon siya ng valid reason na makalapit at makausap ang lalaki. Base kasi sa naobserbahan niya noong una silang magkita, hindi ito nakikipag-usap basta-basta kung hindi rin lang naman importante ang pinag-uusapan.
Padaan na naman siya sa pinakamalaking bahay doon. At balak na naman niyang paglaruan ang doorbell nang matigilan siya. Hindi tinted ang mga bintana ng Mercedes Benz na papasok na ngayon sa malaking gate kaya kitang-kita niya kung sino ang nakaupo sa likuran niyon.
O, irog! Dumaan ang kotse sa tabi niya at hindi talaga siya puwedeng magkamali. It was that guy! Sinaluduhan ito ng mga guwardiya bago binuksan ang gate. Ngunit bago tuluyang makapasok ay ibinaba nito ang bintana ng kotse upang kausapin ang isang unipormadong maid na may dalang karatula.
“Ano iyan?” tanong nito.
“S-sir, nagtanan ho kasi si Aurelia. Kaya ho magpapaskil kami ng karatula para makakuha ng…ng kapalit—“
“Magpa-ad na lang kayo sa diyaryo o kaya ay kumuha sa mga agencies. Itapon mo na iyan.”
“O-oho, Sir.”
Base sa kanyang mga narinig, ang nagmamay-ari ng pinakaaayaw niyang bahay ay pag-aari nito. Well, ngayon, iyon na ang pinakapaborito niya. And speaking of bahay, mukhang nangangailangan ang mga ito ng katulong. Mabilis niyang nilapitan ang babae.