“STAY-IN LAHAT ng kasambahay dito. Madalas kasi ay biglaan kung magkroon ng mga bisita at okasyon dito ang amo natin. Kaya dapat lagi kang handa. Kung suweldo ang pag-uusapan, wala kang magiging problema. Malaki magpasuweldo si Sir basta gawin mo lang ng maayos ang trabaho mo.”
Habang nagsasalita ang mayordomang si Manang Sara ay panay ang tingin ni Zyren sa maluwag at engrandeng loob ng mansyon c*m palasyo. Pero wala sa mga antigo at mamahaling kagamitan doon ang atensyon niya.
Nasaan na kaya ang irog ko?
Nang makausap niya ang maid kanina sa labas ng gate, naiiyak na ito dahil napagalitan nga raw ng amo. Inalo-alo niya ito kaya nang magpatulong siya na makapag-apply bilang katulong ay agad itong pumayag. Saglit siyang bumalik sa kanilang bahay upang mag-alsa balutan at dumiretso na siya uli sa bahay. Sinabi na lang niya sa maid na tinakasan niya ang amo niyang minamaltrato siya. hindi naman na nagtanong ito kaya lusot na siya.
“Sa mga guest rooms ang toka mo dahil iyon ang puwestong iniwan ni Aurelia,” patuloy ng mayordoma. “Ibig sabihin, kasama na rin doon ang kuwarto ni Sir Konrad.”
Konrad? “Sino hong Konrad?”
“Sir,” pagdidiin nito sa salita. “Sir Konrad. Huwag mong kalilimutan iyon. Mahigpit ang amo natin sa mga rules and regulations niya rito sa loob ng bahay.”
“So, si Sir Konrad ho ang amo natin? ‘Yung…guwapo?”
Naging mas seryoso pa ang itsura ng may katandaang mayordoma. Naisip niya, kung ngingiti lang siguro ito ng konti ay magiging mabait ang itsura nito. ‘Yung bang tipo ng lola na nilalapitan ng mga bata. Ang isa kasing ito, kahit siyang twenty seven na, mangingilag lumapit. But she looked harmless enough, kaya hindi rin siya gaanong naapektuhan sa paninindak nito.
“Kung nag-apply ka lang sa trabahong ito dahil sa amo natin, ang mabuti pa ay huwag mo ng ituloy. Maaari ka ng umalis.”
“Ho?” Pinalalayas na siya agad ni hindi pa nga niya nakikita uli ang kanyang irog. Hindi maaari! “Naku, hindi naman ho sa ganon. Nakita ko lang ho kasi ‘yung guwapong lalaki na sakay ng Mercedes Benz kanina sa labas. Kaya ho tinatanong ko kayo kasi baka ho may iba pa hong amo dito.”
Mukhang bumenta na naman ang alibi niya dahil kuminis na uli ang noo ng matanda. “Sumunod ka sa akin.”
“Saan ho tayo pupunta?”
Napabuntunghininga na lang ito. Tila ba sinasabing ‘huwag ka ng magtanong basta sumunod ka na lang’. Kaya sumunod na nga lang siya at baka tuluyan pang mabulilyaso ang plano niyang personal na makilala ang kanyang kapalaran. Sa tapat ng isang silid sila huminto.
“Lahat ng mga bagong pasok na empleyado ni Sir Konrad ay nagpapakilala ng personal sa kanya.”
“Ano ho?!” Anak ng pating! Hindi siya prepared! Ni wala siyang lipstick! Eeeeekk! “Bakit hindi ho ninyo sinabi agad?”
“Dapat alam mo na iyon. Hindi ba’t nakapagtrabaho ka na rin naman bilang katulong? Meron bang kasambahay na hindii nagpapakilala sa kanyang amo?”
Napangiti na lang siya. “E…sabi ko nga ho.”
Hindi na lang siya pinansin ng matanda. Sa isang nakasaradong silid sila huminto. Kinagat-kagat niya ang kanyang mga labi at tinampal-tampal ang mga pisngi. Para kahit paano ay magkaroon naman ng kulay ang kanyang mukha. And then she heard those deep baritone voice.
“Come in.”
It was him! It was really him! So, Konrad pala ang pangalan nito. Cute. Bagay na bagay dito. Binuksan na ni Manang Sara ang pinto at pumasok sila sa silid na agad niyang nalaman na isang study room dahil sa mga naka-shelves na libro at widescreen television. Nanonood ang isang lalaki ng balita ngunit hindi naman niya makita nang husto ang mukha nito. Pero hindi na niya kailangang maghintay dahil mula sa kinauupuan nito ay bumaling ito sa kanila. May kadiliman ang silid ngunit tila may kung anong liwanag na nagmula sa kalangitan ang dumako rito kaya malinaw niyang nakita ang guwapong mukhang iyon. May bonus soundtrack pa ng awitan ng mga anghel.
So pretty…so handsome…
“Anong kailangan ninyo?” That voice. So lovely… “Hindi ba’t sinabi ko ng ayokong nagpapaistorbo kapag nagpapahinga ako?”
“Ah, e, ipapakilala ko lang ang bagong katulong sa mansyon, Sir Konrad. Ito nga pala si Zyrena—“
“Zyren na lang.” Lumapit siya rito at inilahad ang kanyang kamay. Hindi rin niya mapigilan ang mapangiti. This guy just made her want to smile for the sole reason that he was existing in her world. “Zyren Feliciano. Sir.”
Tiningnan lang siya nito. Pati na rin ang nakalahad niyang kamay nang wala man lang anomang reaksyon sa guwapong mukha. Pagkatapos ay binalingan na nito ang matandang mayordoma.
“Sinabi na ba ninyo sa kanya ang mga patakaran ko rito sa bahay, Manang Sara?”
Mabilis siyang hinila ng mayordoma palayo rito. “P-pasensiya na, Sir. Nasabi ko na sa kanya ang lahat ng kailangan niyang malaman—“
“Ulitin ninyo.” Hinarap na nitong muli ang pinapanood. “Wala yata siyang naintindihan sa mga iyon.”
“Zyrena, hindi ka dapat—“
“Zyren na lang ho, Manang Sara. Kapag galit lang ho ang nanay ko nabubuo ang pangalan ko, eh.” Binalikan uli niya ang lalaki at inilahad ang kamay. babanat na sana siya ng English nang maaalalang tsimay nga pala ang drama niya ngayon. “Kumusta, Sir? Konrad pala ang pangalan mo. Nasabi lang sa akin ni Manang Sara. Bagay sa iyo. Tunog mayaman. Tunog macho—“ Hinila na naman siya ng mayordoma nang hilutin ng lalaki ang sintido nito. “Ay, sir. Masakit ho ang ulo mo? Gusto mong hilutin ko? Magaling ho ako diyan. Nag-aral kasi ako ng reflexology ng six months. Siguradong—“
“Out!” sigaw ito. “Get out!”
“Naku, Sir, pasensiya na ho,” mabilis na paumanhin ni Manang Sara. “Pasensiya na ho. Lalabas na ho kami.”
Pagsarang-pagsara ng pinto ay hinarap agad siya ng matanda. “Ano ka ba namang bata ka? Hindi ka pa nga nag-uumpisa sa trabaho mo, ginalit mo na agad ang amo natin. Gusto mo bang palayasin ka nun nang wala sa oras?”
“Ayoko ho!”
“Kung ganon magpakatino ka.”
“Sorry ho. Hindi na mauulit.” Lagot. Pati yata ito ay nabuwisit na sa kadaldalan niya. Kailangan iyang makabawi. “Excited lang naman ho akong makilala ang taong pinagkakautangan ko ng loob. Kung hindi ho kasi ako tinanggap dito ni Sir Konrad, baka may black eye na naman ako ngayon sa dati kong amo.”
“Kaya nga huwag mong gagalitin si Sir Konrad kung ayaw mong ipatapon ka niya sa labas ng mansyon.” Napabuntunghininga na lang ito. “Kung hindi ko lang naaalala sa iyo ang apo ko, paaalisin na kita rito.”
“Naku, huwag po! Pramis, magpapatino na po ako. Hindi ko na gagalitin si Sir Konrad.”
“Dapat lang. Isa sa mga pinakaaayawan niya ay ang mga maiingay na tao.”
“Bakit ho?”
“Basta sundin mo na lang ang mga sinasabi ko.”
Iyon ang masaklap. Wala siyang maalala sa dami ng mga sinabi nito. O kaya naman, nakalimutan niyang makinig. Sa maids’ quarters naman sila ngayon nagtungo. Napuntahan na niya iyon kanina nang ihatid niya ang kanyang mga gamit.
“Abalang tao ang amo nating iyon kaya kapag nandito siya sa bahay ay gusto lang niyang magpahinga. Bilang katulong, dapat ay prayoridad mo ang privacy ng mga amo mo. Hindi mo ba natutunan iyon sa mga nauna mo ng pinasukang trabaho?”
Hindi. Unang-una, never pa siyang naging katulong sa buong buhay niya. Pero at least alam na niya iyon ngayon.
“Kapag nandito si Sir Konrad sa bahay, mas makabubuting hindi mo na lang siya lalapitan. Puwera na lang kung may iniuutos siya sa iyo.”
“Ganyan ho kasama ang ugali niya?”
“Hindi masama ang ugali ni Sir Konrad.”
“Ay, tama ho kayo diyan. Nakikita ko nga ho sa mga mata niya na siya’y may napakabusilak na kalooban.” And she has proof of his kindness. ‘Yung coat na ibinigay nito sa kanya.
Napakunot ang noo nito pagpasok nila ng maids’ quarters. Silid iyon ng mga babae na may limang double deck na kama. Ang silid ng mga lalaki ay nasa kabilang dulo ng hallway na dinaanan nila kanina.
“Bakit ho?” tanong niya rito.
“Wala naman. Naisip ko lang, sa tuwing tinitingnan kita, parang hindi ka naman mukhang katulong.”
“Katulong ho ako. Medyo nahiyang lang ho siguro ng konti kaya hindi na nahahalata.” O kaya naman, talaga lang natural na maganda siya. It always show, ‘ika nga.
May sasabihin pa marahil ito ngunit hindi na lang iyon itinuloy. Sa isang drawer doon ay kinuha nito ang isang naka-plastic na bagay.
“Ito ang uniporme mo. Isukat mo na muna. Palitan natin kapag maluwag sa iyo o masikip.”
Mabilis naman niya iyong isinukat sa nag-iisang banyo roon. Ayos lang ang sukat sa kanya. Black and white uniform with cap. Classic na classic tsimay ang dating niya ngayon. Medyo maikli nga lang ng kaunti ang tabas dahil hindi umabot iyon sa kanyang tuhod. Kapag itinaas niya ang kanyang mga kamay, siguradong makikita ang kalahati ng kanyang mga hita.
Perfect!
Paglabas niya ng banyo ay nakita niyang tinitigan siya ng mayordoma. “Talaga bang katulong ka?”
“Bakit ho?”
“Parang gusto ko na kasing maghinala. Napakinis naman ng kutis mo para sa isang matagal ng nagtatrabaho bilang katulong. Lalo pa at sinabi mong minamaltrato ka ng dati mong amo. Dapat ay may mga sugat o peklat ka man lang kahit isa. Pati ang itsura mo. Napakaganda mo para maging isang katulong lang. Mas bagay sa iyo ang maging modelo o kaya ay artista.”
Napangisi siya. Ngayon ay mas napatunayan niyang bagay nga sila ni Konrad. “Manyakis ho ang mga matataas na tao sa showbiz. Ayokong mapariwara tapos ang liit pa ng suweldo. Tsaka, hindi ho ako sanay makipagplastikan, eh. Kaya dito na lang ako sa pagkakatulong.”
“Sa tingin ko…hindi ka pa rin bagay maging katulong dito. Pero buhay mo naman iyan.” May dinukot itong isang kumpol ng susi sa bulsa ng uniporme nito. Kinalas nito ang ilang sa mga iyon at ibinigay sa kanya. “Ito ang susi ng mga guest rooms sa ikalawang palapag. Doon ka nakatoka dahil iyon ang iniwang trabaho ni Aurelia. Araw-araw mong iinspeksyunin iyon dahil hindi natin alam kung kailan may darating na bisita si Sir Konrad. Mabuti na ang magsigurong nasa maayos ang lahat.” Isa pang susi ang ibinigay nito sa kanya. “Ito naman ang susi sa silid ni Sir Konrad. Metikuloso iyon kaya dapat ay linisin mo nang maigi ang silid niya. Papasok ka lang sa silid niya para maglinis tuwing pag-alis niya sa umaga o kaya naman ay wala siya rito sa bahay.”
Daig pa niya ang tumanggap ng tropeo nang mapasakamay ang naturang susi.
“Ingatan mo iyan.”
Itinapat niya iyon sa kanyang dibdib at itinaas ang isang kamay. “Opo.”
Sa unang pagkakataon ay nakita niyang umaliwalas ang mukha ng matanda at sumilay ang ngiti sa mga labi nito. “Puwede ka ng mag-umpisa sa silid ni Sir Konrad. Naroon sa pinakadulong silid sa ikalawang palapag ang kuwarto niya. Pero bago ka magpunta roon, alamin mo muna kay Sir Konrad kung puwede ka ng maglinis ngayon.”
“Opo.” Excited siyang lumabas ng maids’ quarters.
“Zyrena.”
Nilingon niya ito. “Bakit ho?”
“Parang awa mo na, huwag mong galitin si Sir Konrad.”
Natawa na lang siya. “Zyren na lang po, Manang Sara. Huwag kayong mag-alala. Pipilitin kong hindi dumaldal.”