TINANTIYA NI Zyren ang sarili habang nakatayo sa labas ng study room ni Konrad.
Bawal ang dumaldal. Bawal ang maingay. Bawal ang pork. Bawal ang hipon. Napangisi na lang siya sa kakornihan ng joke niya. Kumatok siya sa silid.
“Sir Konrad, si Zyren na maganda po ito.” Walang sumagot. Kumatok uli siya at tumawag. Subalit nanatiling tahimik. “Hala, ano na ang nangyari sa irog ko?”
Nang mainip ay binuksan na niya ang pinto. Baka kasi busy ito sa panonood at hindi siya naririnig niya. Hihingi na lang siya ng sorry…Agad niyang nakita ang dahilan kung bakit hindi sumasagot ang sinisinta niyang bugnutan. He was fast asleep on his couch. Nakabukas pa rin ang telebisyon at hawak nito ang remote control. Lumapit siya at pinatay ang tv saka ito pinagmasdan. Itinakip niya ang mga daliri sa kanyang bibig upang hindi makagawa ng anomang ingay.
“Ang guwapo mo talaga!” impit niyang sambit. “Para kang anghel na natutulog. Ang kinis ng kutis. Ang tangos ng ilong. At ang mga lips mo, parang ang sarap-sarap halikan. Hmm!”
Mapa-tulog man o gising, perpekto ito sa kanyang ekspertong mga mata. Pero alam niyang hindi lang ang pisikal nitong kaguwapuhan ang nakakuha ng atensyon niya. May natural itong kabaitan sa katawan dahil na rin sa ginawa nitong tulong sa kanya noong nakaraang araw nang tagusan siya sa convenience store.
“Bakit kaya hindi mo ako nakilala? Ha? Ako lang naman ang magandang nilalang sa 711 nang gabing iyon. Madali mong matatandaan ang itsura ko.” Inilapit pa niyang lalo ang mukha rito upang mas mapagmasdan ang guwapo nitong mukha. “Pero mabuti na rin siguro na hindi mo ako natatandaan. Kasi baka hindi ako nakapasok dito kung ganon na nga ang nangyari. Paano ko pa maipapakita sa iyo ang mga good traits ko, di ba?”
Lalong tila nalusaw ang puso niya nang ngumiti ito. He must be dreaming something good. Or he must be dreaming about her.
Oh, my goodness! So cute! So handsome!
“Ang guwapo ng Prince Charming ko!” impit uli niyang tili. “Naiiyak na ako. Ang suwerte ko. Thank You, Lord!”
Napaurong na lang siya nang kumilos ang lalaki. At nagpakapormal nang unti-unti itong dumilat. Nagpiyesta ang puso niya lalo na nang dumako sa kanya ang mga mata nito.
“What are you doing here?”
Mabigat pa rin ang tono nito. Subalit mukhang wala na yatang makakasira pa sa kanyang mood, when it comes to dealing with him. Kaya nga kahit halos tila bubugahan na siya nito ng apoy ay napapangiti pa rin siya. Ganon katindi ang epekto nito sa kanya.
“Tatanungin ko lang sana kung puwede ko ng ayusin ang kuwarto mo. Sabi kasi ni Manang Sara—“
Bumangon na ito sa kinahihigaan nito at lumapit sa kanya. Hindi ito huminto kaya napilitan siyang umatras. Umatras ng umatras hanggang sa mapasandal na siya sa malamig pa pader ng study room. He had leaned his arm on the side of her head, making the space between them even more closer. Wala siyang anomang takot na nararamdaman ngunit hindi naman matigil-tigil ang malakas na pagtibok ng kanyang puso. Nahaluan pa iyon ng kakaibang excitement. Sa sobrang rambulan ng mga bagong emosyon na iyon sa sistema niya, ang tanging nagawa na lamang niya ay mapangiti.
Kung pagsasamantalahan siya niya, e di go! Ngunit malayo sa pagnanasa ang mga sumunod nitong sinabi.
“Alam mo bang pumapatay ako ng mga taong nang-iistorbo sa pagtulog ko?”
“Ngayon alam ko na. Sige, paalam—“
“Hindi rin ako nagpapalagpas ng mga tauhan na hindi marunong gumalang sa kanilang mga amo.”
“Magalang po ako po. Pramis po—“
“Lalong-lalo na ‘yung mga taong nagsasalita nang hindi naman pinagsasalita.”
Kinagat niya ang pang-ilalim na mga labi upang iwasan na ang makapagsalita pa. Naniniwala kasi siya sa kasabihang ‘asarin mo na ang lasing, huwag lang ang guwapong bagong gising’. Mukhang na-pacify naman ito dahil tinitigan na lang siya nito. At kung hindi siya nagkakamali, he was staring at her lips. Susuntukin ba siya nito sa labi? Napapikit na lang siya nang kumilos ito.
“Sir, dahan-dahan lang, ha? Mahina ang tolerance ko sa sakit, eh.” She could feel his hot breath against her ear now. “Tsaka, Sir, sa tiyan mo na lang ako suntukin. Puro bilbil lang naman iyan. Huwag sa lips. Best asset ko kasi iyan…”
Napapangiwi na lang siya sa anticipation sa maaaring kasapitan ng kagandahan niya sa kamay ng kanyang sinisinta. Ngunit napagod na lang siya sa paghihintay ay wala pa rin namang nangyayari sa kanya. Ni pitik sa ilong ay wala siyang naramdaman. Kaya unti-unti na siyang dumilat. Wala na sa harap niya si Konrad. Nakabalik na uli ito sa couch na kinahihigaan nito kanina. Nakapatong ang isang braso nito sa noo nito at nakapikit.
Kailan pa ito nakaalis sa harap niya?
“Linisin mo na ang kuwarto,” anito nang hindi man lang siya nilingon. Sa itsura nito ngayon, parang walang kakaibang nangyari sa kanila kanina. “Ilapat mo ng dahan-dahan ang pinto.”
“Yes, Sir. E, Sir—“
“Leave, Zyren.”
“Yes, Sir.” Dahan-dahan na rin siyang naglakad patungong pinto upang hindi na makagawa ng ingay.
Pero hindi pa rin niya naiwasang tanungin ang sarili. Talaga bang nangyari ang mga nangyari kanina? ‘Yung bang eksena na pinagnasaan siya nito?
Gaga! hirit ng munting tinig na iyon sa isip niya. Ilusyon mo lang iyon. Ang lakas mo kasing lumalaklak ng kape. Baka nga. Still, hinayaan pa rin niya ang sariling magpakaligaya sa katatapos lang na eksenang iyon, ilusyon man iyon o hindi.