"Kumusta naman ang pag-uusap niyo no Vice Mayor?" Tanong ng Daddy niya nang makaalis na ang pamilya de la Cerna.
"Ok naman po Dad," maiksing tugon niya. Hindi naman niya pwedeng sabihin sa ama ang mga plano ni Miko sa kanya. Tama na ang isipin ng mga ito na ok sila ni Miko kahit hindi naman.
"Talagang itutuloy niya ang plano niyo," narinig niyang saad ng Kuya Ariel niya. Napasulyap siya sa kapatid. Pansin niyang tanging ang Kuya lang niya ang mukhang hindi masaya sa pagpapakasal niya kay Miko de la Cerna.
"Ariel, huwag ka ng makialam pa, kapwa naman na payag ang dalawa na magpakasal, " saway ng ama sa kapatid.
"Oo naman Kuya, ayaw mo ba non magiging bayaw mo na natin si Mr. Vice Mayor," saad naman ni Kate saka siya nito sinulyapan at ngumiti sa kanya. Wala siyang naging tugon sa kapatid.
"Eh para namang binenta niyo na si Patricia sa Vice Mayor na iyon!" Mariing saad ng Kuya niya.
"Ariel!" Saway ng Mommy niya sa kapatid.
"Bahala na nga kayo diyan," iling ulong saad ng kapatid at tumalikod na para umakyat na ng hagdan. Wala ni isa sa kanila ang pumigil rito.
"Huwag mo na lang pansinin ang Kuya Ariel mo. Ganyan naman lagi iyan. Ang mahalaga walang problema sa inyong dalawa ni Miko. Ikakasal kayo sa lalong madaling panahon," nakangiting saad ng ama. Bahagya siyang ngumiti rito.
"Ano po ba ang dahilan bakit kailangan po namin magpakasal?" Tanong niya. Hindi naman kasi nabanggit ng mga magulang nila ang dahilan ng pagpapakasal nila ni Miko, although sinabi naman ni Miko sa kanya na may kinalaman negosyo ng kani-kanilang mga pamilya pati na ang connection ng bawat isa.
"Alam naming mga magulang kung ano ang nakakabuti sa aming mga anak. Kayo ni Miko ay para sa isat-isa, alam namin iyon bilang mga magulang niyo," tugon ng Daddy niya sa kanya saka siya nito nilapitan at hinawakan ang magkabilang balikat niya.
"I'm so proud of you, Patricia. Salamat at pumayag ka na magpakasal kay Miko," pasalamat ng Daddy niya.
"Hello, Dad! Vice Mayor Miko de la Cerna na po iyon no. Kahit ako hindi na po tatanggi magpakasal sa kanya," maarteng saad ni Kate sa kanila.
"Kate, huwag kang makisali sa usapan ng Daddy at Ate mo,' saway ng Mommy nila.
Totoo naman ang sinabi ng kapatid. Sa itsura at estado ng pamumuhay ni Miko, walang tatanggi rito na pakasalan ito.
"Ang bata mo pa Kate para magsabi ng ganyan," saway niya sa kapatid.
"Hayaan niyo na at least alam ng kapatid mo kung gaano kahalaga si Miko," nakangiting saad ng Daddy niya. Tumango naman siya rito.
Hindi na rin nagtagal nagpaalam na siya sa mga magulang na magpapahinga na. Medyo napagod din siya dahil nakakapagod naman talaga ang mga nangyari, lalo na ang mga sinabi sa kanya ni Miko.
Pagpasok pa lang niya sa silid agad ng may kumatok sa pintuan niya.
"Pasok," saad niya. Nagulat pa siya nang ang Kuya Ariel niya ang pumasok sa loob.
"Oh.. Kuya, may kailangan ka?" Tanong niya sa kapatid.
"Pwede ka bang makausap?" Tanong nito saka tuluyan ng pumasok sa loob ng kanyang silid.
"Sure Kuya. About saan?" Tanong niya rito.
Napansin niyang tila malungkot ang mukha ng kapatid. Naupo ito sa sofa na naroon katapat ng malaking TV. Sumunod siya sa kapatid at naupo sa single sofa na naroon at sinulyapan ang kapatid.
"Magpapakasal ka ba talaga sa de la Cerna na iyon, Patricia?" Tanong ng kapatid. Alam naman niyang ang tungkol kay Miko ang pag-uusapan nilang magkapatid ngayon. Halata naman niya na tutol ito.
"Yes, Kuya. Iyon ang gusto ni Daddy at Mommy," tugon niya sa kapatid.
"How about you, Patricia? Gusto mo ba talagang magpakasal sa kanya?" Tanong nito.
"Kailangan kong sumunod kina Mommy at Daddy, Kuya," tugon niya at nagyuko ng ulo.
"Hindi ka ba natatakot sa pinapasok mo Patricia? Kasal iyan, pang habang buhay iyan. Paano kung hindi ka niya mahal? Kung hindi mo siya mahal?" Tanong nito.
Naisip na niya kanina ang bagay na iyon pero wala siyang nakuhang sagot kaya hinayaan na lang niya. Titignan na lang niya pagkatapos ng kanilang kasal.
"Patricia, hindi mo kailangan sumunod kina Mommy at Daddy. Malaya kang mamili ng lalaking pakakasalan mo. Napaka bata mo pa para pumasok sa pang habang buhay na commitment," litanya ng kapatid sa kanya.
"Kuya, I'm ok. Don't worry about me," tugon niya sa kapatid at bahagyang ngumiti para na rin hindi na ito mag-alala pa sa kanya.
Hindi na rin naman siya makakaatras pa. May usapan na rin sila ni Miko. Magpapakasal sila nito at sa papel lang naman. Wala silang magiging ugnayan sa isat-isa. Hindi sila magsasama katulad ng normal na mag asawa. Pagkatapos ng kasal aalis na siya patungong New York at doon na siya mamumuhay mag isa. Nangako naman si Miko na wala siyang magiging problema sa pera. Ibibigay nito ang lahat ng kailangan niya. Hindi magiging issue ang pera sa pagitan nila, basta ibigay pa rin niya rito ang kalayaan na gusto nito. Kapwa sila magiging malaya pagkatapos ng kasal nila.
"Sigurado ka ba?" Paninigurado pa ng kapatid. Ngumiti siya at tumango rito.
Hindi na niya nais na may malungkot pa dahil sa kanya. At lalong hindi niya gustong magkaproblema pa silang mag anak ng dahil sa kanya. Kung kailangan niyang ipakita na masaya siya sa mga ito gagawin niya, kahit hindi niya alam kung saan siya papunta pagkatapos ng kanilang kasal.
"Basta Patricia, andito lang ako pwede mo kong kausapin anytime. Ano man ang gawin sa iyo ng lalaking iyon sabihin mo sa akin,' saad ng kapatid.
"I will be fine, Kuya. Hindi siya masamang tao," nakangiting saad niya sa kapatid.
Hindi naman talaga masamang tao si Miko, sadyang hindi pa lang ito handang matali, pero wala lang itong magawa para sumuway sa mga magulang nito, katulad niya.
"Huwag mahiyang magsabi sa akin pag may problema. Mahal ko kayo ni Kate at bilang Kuya niyo poprotektahan ko kayo hangga't kaya ko,' saad ng kapatid sa kanya.
"Thank you, Kuya," pasalamat niya sa kapatid at niyakap ito ng mahigpit. Pag umalis na siya ng San Juan, tiyak na matagal bago niya muling mayakap ang mga kapatid niya at magulang, kaya lulubusin na niya ngayon habang may oras pa siya.