Hera Nyx Taevas
“Pauwi ka na?” tanong ko ng makasalubong si Rachel palabas ng airport.
Tumango siya, “Oo! Dapat nga kanina pa, kaya lang dumating si Aleric sa line personnel department. Kaya ayun, extended na walang tulog. Ang aga mo ata? Nag breakfast ka na?”
“Galing ako sa bahay kagabi,” sabi ko. “Nag dinner sa bahay si Daddy. Ayaw ko naman ma-late kaya inagahan ko ang pagpasok. At least nandito na ako sa airport.”
“Samahan mo muna kaya ako?! Kain muna tayo ng breakfast. Gutom na gutom na ako.”
Nakita ko ngang totoo naman ang sinasabi niya kaya sinamahan ko na siya.
“Tara!” sang-ayon ko. “‘Di pa naman ako kumakain, e!”
Masaya siya sa naging tugon ko. Hinatak niya ako papasok sa isang kilalang coffee shop.
Pagpasok sa loob ng cafe ay tinanong na niya ang order ko, “Anong order mo?” tanong niya. “Pastries or pasta?”
Habang nakatingin menu ay nag-iisip na ako ng o-orderin ko.
“Penne Pasta with Mushroom at Cafe Misto,” tugon ko. “Samahan mo na rin ng Blueberry Cheesecake.”
“Wow ang dami, ha? Libre mo?” tanong niyang sagot sa akin.
Sinamaan niya ako ng tingin, “Ikaw nagyaya, kaya ikaw ang manlibre!” seryoso kong sagot.
Inirapan niya ako, “Ay! Grabe, ha. Sa susunod ikaw naman ang magyaya para malibre mo naman ako. Hindi iyong palagi na lang akong taya.”
Nagkibit balikat siya at ngumiti.
“Hanap na ako pwesto natin.”
Umupo ako kung saan tanaw ang taxiway ng eroplano. Nakaka-aliw lang kasi pagmasdan ng mga eroplano kapag lumalapag na sa lupa.
“Nagkita na kayo?” tanong ni Rachel ng umupo sa katapat kong upuan.
“Sino?” balik kong tanong.
“E sino pa ba?” tanong niya. Nilapit niya ang mukha sa akin at bumulong, ‘Si Aleric!”
“Oo!” matamlay kong sagot. “Kahapon,” dugtong ko.
“So?” Naging excited siya bigla.
“Anong so?” balik kong tanong.
“Naramdaman mo ba ulit ang naramdaman mo sa kaniya ng una mo rin siyang makita noon?” usisa niya. “I’m sure hindi ka pa nakaka-move on kasi, after your relationship wala ka naman ibang lalake na sineryoso. At si Derek, panay tanong sa akin. Siguradong si Aleric lang naman ang nagpapatanong ‘nun.”
“Hindi! Wala na akong nararamdaman para sa kaniya,” tanggi ko sa kaniya. “What happened in the past will remain in the past.”
“Pero, todo ang iyak mo ‘nun, ‘di ba? Kasi mahal na mahal mo siya. Bakit kasi hindi ka na lang nagtanong tungkol sa babaeng kasama niya noong araw na nakita natin siya? Sana kasi tinanong mo muna kung ano niya ang babaeng iyon!”
“Hindi lang basta babae iyon. Si Aimee ang babaeng tinutukoy ko!” pag-amin ko sa kaniya. “They’re in a relationship nang makilala ko si Aleric. Rachel, ayoko ng ulitin ang ginawa ng nanay ko. Kung ipipilit ko masasaktan lang kaming pareho.” Huminga ako ng malalim. “Ayokong makasira ng relasyon. Kung tutuusin nasira ko na nga kasi sila naman talaga bago naging kami. Ako ang dahilan ng paghihiwalay nila. Pero nakita naman natin na nagkaayos na sila, ‘di ba? Kaya nga hanggang ngayon sila pa rin! Ibig sabihin si Aimee talaga ang mahal niya at hindi ako.”
“Bakit ba kasi ang liit-liit ng mundo mo? Ang daming babae bakit ang kapatid mo pa?!” Sambit niya. “Pero may alam ba si Aimee tungkol sa inyong dalawa?”
Umiling ako, “I don’t know! Pero ayoko ng malaman pa niya. Magiging magulo lang lalo ang buhay namin pareho.”
“E si Aleric, alam ba niya kung bakit mo siya iniwan?”
“Hindi! Magiging komplikado lang ang lahat. Sinabi ko sa kaniya na hindi ko siya minahal. ‘Yun na ‘yun!”
Napasampal si Rachel sa kaniyang noo, “Gosh! Bakit ngayon ko lang nalaman itong lahat?! Tell me, kaibigan mo ba talaga ako?”
“Tumigil ka na nga riyan! Ang O.A, ha?! Kumain na nga tayo!”
“I can’t believe this, Hera! Parang ako pa ang nasasaktan ngayon sa nalaman ko.”
“Don’t! Kung anuman ang naging desisyon ko noon ay paninindigan ko pa rin hanggang ngayon.”
“Bakit kasi iyon ang naging desisyon mo?”
“Kasi iyon ang tama para sa aming dalawa. Tama para sa lahat!”
Napalingon kaming dalawa ng marinig ang pangalan namin dalawa.
“Ma’am Hera! Ma’am Rachel!” tawag sa amin ng crew sa counter.
Tumayo ako, “Ako na ang kukuha ng order natin. Magpahinga ka na lang diyan.”
“Umiwas ka na naman!” sagot niya. Umirap siya at nakapangalumbaba habang naiinis na nakatingin sa akin.
Nang matapos na kaming kumain ay hinatid ko siya kung saan naka park ang kaniyang kotse. Ako na rin ang nagsara ng pinto nang makasakay siya sa driver seat.
“Huwag na huwag mong sasabihin kahit kanino ang pinag-usapan natin, ha?! Kung hindi, puputulin ko talaga iyang dila mo!” banta ko.
Pinaandar niya ang kotse at tumingin sa akin. “Oo! ‘Di mo na kailangan manakot pa,” sabi pa. “Wait! Muntik ko ng makalimutan. Nagka-usap kami ni Derek,” pahabol niyang tugon. “Niyayaya niya tayong lumabas.”
“Wala akong time,” tugon ko. “Gusto mo ikaw na lang.”
‘Kung kaming tatlo lang ang lalabas ay walang problema. Pero dahil siguradong kasama si Aleric, ‘di bale na lang.’
“We already checked your schedule. Kaya wala ka ng dahilan para tumanggi. ‘Wag ka mag-alala. ‘Di ka kasama si Aleric, kung iyon ang dahilan ng hindi mo pagsama. Miss na niya tayong dalawa.”
“Still a no! Pustahan pa tayo, e! Sabihin mo kay Derek sasama ako, pero huwag mo sasabihin kunwari.”
“Magkano?” tanong niya.
“One-week free meal!”
“Okay, deal!” masaya niyang tugon.
“Umuwi ka na! Papasok na ako sa loob,” sabi ko. Hindi ko na siya hinintay na makaalis at tinalikuran ko na siya.
Pagdating sa line personnel department ay nadatnan ko ang ilang mga flight attendant at pilots na abala sa kanilang mga ginagawa.
“Good morning, Captain Taevas!” bati sa akin ng isang flight attendant na makakasama ko mamaya sa flight.
“Good morning,” tugon ko. Dumiretso ako sa table at kinuha ang ilang mga papeles doon.
“Made-delayed po ang flight natin dahil may problema po ang isang propeller ng eroplano,” saad niya.
“Okay!”
Pagkatapos kong mag time-in at gawin ang ilang mga duty ko ay pumunta ako sa Apron. Ginagawa pa ang eroplano na dapat naming sasakyan. May nga ilang engineers na naroon para mag-ayos.
“Any update?” tanong ko sa isang engineer.
Tinuloy-tuloy lang niya ang kaniyang ginagawa, “Patapos na, Captain Taevas!” sagot niya.
Tumango ako ng sumagot siya sa akin. Dahil naroon na ay kinuha ko na rin ang checklist ko at tiningnan ang ilang parte ng eroplano na sakop ng aking trabaho na tingnan.
Abala ako sa aking ginagawa ng marinig ang boses ng engineer, “Captain, tapos na po!”
Sumunod ako sa kaniya at tiningnan muli ang propeller.
“Inayos na namin ang blade. May ilang wiring din kaming inaayos. Wala ka ng magiging problema mamaya.”
Tinignan at dinoble check ko ang mga parte na itinuro niya. Nang makitang maayos at wala ng problema ay nagpaalam na ako.
“Thank you!” pasasalamat ko.
Sa trabaho naming ito, mas maikli ang oras ng pagpapalipad namin sa eroplano kumpara sa iba naming mga ginagawa. ‘Kadalasan kasi ay 75 hours per month lang ang oras nako-consume namin sa ere, habang doble naman sa oras ng iba naming duties, kasama na ang pagpaplano ng flights, pag-check ng panahon, at isa na rin ang pagtingin sa ilang parte ng eroplano.
“Ilo-ilo Tower, Boeing 5J Cebu, ready at Runway 02/20.” Announce ko bago mag take-off.
Nag briefing na rin ako sa mga flight attendant at passengers upang maging handa na sila sa pag landing.
Pabalik sa Manila Airport ay gumawa pa kami ng report para sa naging flight schedule namin ngayon. Protocol na ito sa aming trabaho. Dahil abala sa ginagawang report ay hindi ko namalayan na may tao na palang nakatayo sa aking harapan. Nagulat pa nga ako ng makita siya.
“Kanina ka pa ba nariyan?” tanong ko.
“Oo! Hinihintay talaga kita,” saad ni Romeo.
“Bakit?” tanong ko muli. “Marami pa akong ginagawa.”
Napakamot siya sa ulo.
“Ako bukas ang magiging co-pilot mo!” balita niya.
“So?” balik kong tanong. “Captain Romeo. Aware ka naman na naka duty pa ako at may ginagawang report. Anong sense para sabihin mo sa akin iyan?”
Nakangiti siya, “Wala naman! Excited lang ako,” ngisi niyang sabi. Umupo siya sa opposite side ng lamesa at tumambay. “Anong oras ang out mo? Sabay na tayo!”
“10 PM pa ang out ko,” tugon ko. Tumingin ako sa orasan, “Alas otso pa lang! Kaya mauna ka na!” saad ko at itunuloy ang ginagawa kong trabaho.
“Okay lang! Willing to wait naman ako. Wala rin naman kasi akong gagawin sa bahay,” paliwanag niya.
“‘Di ko tinatanong,” masungit kong tugon.
Hindi siya umalis hangga’t hindi ako natatapos. Kahit hindi ko siya pinapansin ay nanatili siya sa kaniyang kinauupuan para samahan ako.
“Hindi mo ba ako titigilan?” iritable kong sagot. Isang oras na siyang pinapanood ako.
“Bakit ba ang sungit mo?” tanong niya. “Gusto ko lang naman makipagkaibigan sa iyo pero umiiwas ka.” Nakapangalumbaba siya at nakatitig sa akin. “Ang ganda mo pa naman tapos palagi na lang seryoso iyang mukha mo. Minsan nga lang kita nakitang nakangiti, e.”
“Anong pakialam mo?” pabalang kong tanong. “Kung wala kang magawa sa buhay mo, ‘wag ka na mandamay ng ibang tao!”
Tumayo ako sa aking kinauupuan at kinuha lahat ng mga file sa lamesa.
Sinundan niya pa rin ako hanggang sa paglabas ng line personnel department.
“Huy! Sorry na. Binibiro lang naman kita, e!” Hinawakan niya ako sa may braso.
Hinawi ko kaagad iyon at dumistansya sa kaniya, ‘Walang nakakatawa sa biro mo kasi naaapektuhan mo ang trabaho ko! Alam mo, hindi lahat ng tao pwede mo kaibiganin. At isa na ako sa mga taong iyon!”
Sa ‘di kalayuan ay napansin ko naman si Aleric at Derek na nakatayo. Nakatingin ang dalawa sa akin. Nag dire-diretso lang ako sa paglalakad. Nang makarating sa kanilang kinatatayuan ay binati ko pa sila.
“Good evening, President.” Tumingin naman ako kay Derek, “Hello, Sir!”
Ngumiti naman sa akin si Derek, “Hi, Captain Taevas. Pauwi ka na ba?” tanong niya.
“Is there any problem, Captain Taevas?” tanong ni Aleric.
Napatingin ako sa aking likuran. Wala na roon si Captain Romeo.
“Wala po, President!” sagot ko. “I have to go,” paalam ko.
“Kung ginugulo ka niya, I can fire him!” saad niya.
Napalingon ako sa kaniyang sinabi. Hindi ako kaagad nakapagsalita.
“Derek, fire Captain Romeo. Effective tomorrow he will no longer -”
“Anong karapatan mo para tanggalin siya ng ganun-ganun?” suhestiyon ko. “Kung ginugulo ‘man niya ako o hindi. It’s none of your goddamn business! And please, nasa trabaho tayo, Mr. President. Wala kang grounds para bigla ka na lang matanggal ng tauhan. Hindi mo alam kung ano ang pinagdaanan nila bago maging piloto and because of your immature behavior bigla ka na lang mag de-desisyon ng ganiyan?! You never changed!”
“You’re right!” galit niyang tugon. “I never changed. Ayaw ko na may umaaligid sa mga pag-aari ko!”
“Pag-aari mo?” balik kong tanong.
“Yes! Since empleyado kita, it means pag-aari kita! Get’s mo?!” sagot niya at bigla na lang akong tinalikuran. “Just forget it, Derek! Sayang naman kung magtatanggal tayo ng magagaling na piloto, ‘di ba?” Sinadya niya pa talagang iparinig sa akin iyon. “Just check his schedule at isama mo siya sa ibang magagaling na piloto para mas matuto pa siya.”
“That’s right, President!” sagot ni Derek at nag thumbs-up pa siya. “I’m checking his schedule at ire-request ko na palagi siyang i-partner kay Captain Elizer starting tomorrow.”
“Good idea, Derek. Hindi ako nagkamali na ikaw ang gawin kong kanang kamay. Bravo!”
‘Ang sakit talaga nila sa ulo! Kahit noong nagte-training pa lang ako ay ganiyan na silang dalawa.’
Aleric Zeus Marcet
Pagbukas ko ng pintuan ay narinig ko ang masayang boses ni Derek. Dahil sa aking curiosity ay dahan-dahan kong sinara ang pinto at nag-iwan ng maliit na awang para marinig siya. ‘Isa lang naman ang kausap niya kapag ganito ang kaniyang pananalita, si Rachel!’
“Magbo-book na ako mamayang gabi. Ise-send ko na lang ang address. Buti na lang at napapayag mo si Hera na sumama. Makakapag bonding na ulit tayong tatlo.” Napaisip ako, ‘Tatlo? Ibig sabihin hindi ako kasama sa lakad nila? Bakit? Kaibigan din naman nila ako, ha!’
“Wala pa siya rito!” tugon ni Derek sa kabilang linya. “Basta mamaya, ha? Ime-message kita. ‘Wag niyo kong i-indianin dalawa!” paalala pa niya.
Ilang minuto rin akong tumambay sa labas ng pinto bago pumasok. Pagbukas ko nga ay abala na siya sa mga papeles na kaniyang ginagawa.
“Good morning, President!” bati niya.
Hindi ko siya pinansin at tuloy-tuloy na umupo sa aking desk.
“President, ito pala ang mga schedule natin.” Pinakita at in-explain niya lahat sa akin. Wala naman akong reaksyon at nakikinig lang ako.
“I have personal dinner meeting, pero kasama ka!” sabi ko. “Biglaan kaya hindi ko nasabi kaagad.” Sinabi ko iyon para makita kung ano ang magiging reaksyon niya.
“Sir, pero kasi may plano na ako mamayang gabi na gagawin.”
“Plano? Anong plano? May date ka ba?” usisa kong tanong,
“W-wala -”
“Wala? E ‘di sumama ka sa akin. Mas importante naman siguro ang trabaho mo kaysa sa plano mo ‘di ba?”
“Kasi, Pres…kasi may ano kasi kami ng mga kaibigan ko reunion…” paliwanag niya. “Kaya payagan niyo na akong huwag sumama sa inyo.”
“No!” pagmamatigas ko. ‘Ayaw pa rin niyang umamin sa akin.’
“Payagan mo na ko, President. Kasama ko si Rachel at He-” Napahinto siya sa pagsasalita at napatakip sa bibig.
“Wala kang plano na sabihin sa akin?” tanong ko sa kaniya.
“Alam mo naman kasi na hindi papayag si Hera kapag sinama pa kita, ‘di ba? At saka chance ko na ‘to para makasama ulit si Rachel. Miss na miss ko na nga ang babaeng iyon, tapos heto ka pipigilan pa iyong plano namin.”
“Papayagan kita. In one condition!” sabi ko.
“Alam ko na iyang condition mo, e! Hindi ka nga pwede sumama. Magagalit si Hera sa amin.”
“Bakit kasi sasabihin mong kasama ako?! Susundan lang kita. Tapos kunwari makikita ko kayo sa pupuntahan niyo. Papalabasin ko na may meeting ako. E ‘di absuelto ka na! Okay ba plano ko?” ngiti kong tanong.
“Gasgas na ang mga scene na ganiyan, President. Ang ibang babae siguro maloloko mo, pero hindi si Hera.”
“Just do what I say!” giit ko.
Wala siyang nagawa at nagmamaktol na lang. “Oo na! Basta labas ako sa pina-plano mo. Totoo talaga ang sinabi ni Hera, e! Napaka immature mo.”
“Ano? Ulitin mo nga ang sinasabi mo?” Kinuyom ko ang kaniyang damit. “Sa tuwing magpa-plano kayo, basta’t kasama si Hera, huwag mong kakalimutan na sabihan ako. Humanda ka talaga sa akin kapag inisahan mo ako!”
“Oo na nga! Para naman tayong ‘di magkaibigan sa ginagawa mo. Imbes na magpakumbaba ka sa akin, ako pa ang tinatakot mo.” Tumingin siya sa akin, “‘Wag mo ng ipilit kasi alam mo namang hindi na kayo pwede ‘di ba? Meron ka ng Aimee. At masama ang maging two timer!” pahabol niyang sabi.
Binitawan ko ang kaniyang damit, “Aayusin ko ang relasyon namin ni Aimee bago ko ulit ligawan si Hera. Tutal siya naman ang mahal ko.”
“Mahal mo?” tanong niya. “Nagkita lang kayo ulit mahal mo na?” suhestiyon niya. “Hindi ganiyan ang pagmamahal. Sooner or later malalaman ni Hera na may girlfriend ka. Wala ka ng chance!”
“Sino ba ang kakampihan mo? Hindi ba dapat lagi kang nasa side ko?”
“Depende sa sitwasyon! Sa sitwasyon ng pag-ibig, si Hera ang po-protektahan ko.”
“At bakit?” tanong ko.
“Walang dahilan…basta iyon lang ang gusto ko.”
“Derek!” bulyaw ko sa kaniya.
Nag peace sign siya. “Boto ko sa inyong dalawa. Kung magkakaroon ng chance na maging kayo, good sa akin. Pero ang pangit naman kasi na makikipag break ka kay Aimee tapos biglang sisingit si Hera. E ‘di parang lumabas na masama si Hera. Iisipin nila na si hera ang dahilan kaya kayo nag hiwalay dalawa.” Paliwanag niya. “Katulad dati, kayo ni Aimee, tapos nakipag hiwalay ka. Soon naging kayo ni Hera. Suddenly, biglang naghiwalay kayo ni Hera tapos nung pinuntahan ka ni Aimee para makipagbalikan sa kaniya, ilang days lang kayo na ulit ni Aimee. Ano ba talaga, President? Para ka kasing namamangka sa dalawang ilog. Hindi ganiyan ang pagmamahal.”
Kinotongan ko siya, “Ang dami mong sinasabi! Ngayon alam ko na ang gagawin ko. Kaya lang naman ako nakipag balikan kay Aimee dahil sa paki-usap ni Tita Naomi. At aaminin ko naman na maling desisyon nga iyon.”
“Ewan ko sa iyo! Ang gulo kasi ng utak mo. Hindi lang utak, pati puso!” sabi niya. “Bago ka mag desisyon, siguraduhin mong tama na iyon. Isipin mo rin iyong tao na mga masasaktan mo. Maraming consequence ang pwede mangyari kapag si Hera ang pinili mo.”
“Oo na! Kung makapag bigay ka ng advise, kala mo napaka expert mo.”
“At least hindi ko sila pinag sabay-sabay kaya’t wala talaga akong problema. One at a time, kung baga.”