Blemington Park

1511 Words
Gyan's POV: Narating namin ang Blemington Park. Napakarami na ding nagbago sa lugar na ito simula nang araw na 'yon. Napalingun-lingon kami sa paligid at marami-rami pa rin namang mga bata ang naglalaro doon, ngunit hindi tulad dati na malawak ito at mapuno, may ilang bahagi na ang tinayuan ng gusali at ilang establisyamento. "Sigurado ka bang naririto ang kapatid mo?" tanong ni Gino na hinahagod ng tingin ang parke. "Bakit dito?" "Dahil ito... 'yong parke malapit sa bahay ni lola. Sa Bleminton Valley nanirahan ang aking ina noon, at dito siya noon naglalaro kasama si lolo. Noong bata ako ay naikwento 'yon sa akin ng Brahma kaya naisip kong pumunta dito para maglaro. Naikwento ko naman iyon kay Zion kaya naman... sa tingin ko ay ginaya niya lang ang ginawa ko," saad ni Cayden habang marahan kaming naglalakad-lakad. Pansamantala naming hinubad ang aming mga piercing charm sa tulong ni Cayden, hindi namin nais malaman ng mga tao na kami ay miyembro ng Mafia. Mahirap ng magkagulo, at kapag nalaman ni Zion na may mga Mafia dito ay tiyak na aalis na naman siya at magtatago kung saan. "Pasaway talaga 'yang kapatid mo," angil ni Gino. "Ikaw ang trainor at butler ni Zion, hindi ba? Wala ka ba talagang maisip na paraan para mapasunod mo siya?" natatawa kong sabi at naglakad-lakad na kami. "Sa tigas ng ulo ng batang 'yon, nauubusan na ako ng paraan. Kahit ibitin ko siya ng patiwarik, o ikadena sa silya-electrica, madali lang niya akong matatakasan," ika ni Gino. "Grabe ang batang 'yon. Hindi ko naman siya tinuruan ng gano'n." "Hindi naman kasi ikaw ang tinitingala niya," ani ko. "Noon pa man, ang ano mang ginagawa ni Cayden ay ginagawa niya rin at nais niyang palaging higitan ito." Sa sulok ng mga mata ni Gino ay sinulyapan niya si Cayden na walang imik at tila nakikinig lang sa usapan namin. Nakasuksok ang mga kamay sa magkabila niyang bulsa. Hindi man siya tumutugon sa usapan namin, alam kong matagal na rin niya iyong napapansin. "Oo, alam ko naman na malaki ang paghanga ni Zion kay Cay kahit lagi niyang tinatanggi. Pero bukod pa do'n, sa tingin ko ang husay at talino nilang magkapatid ay dumadaloy na sa dugo nila kaya din nahihirapan akong disiplinahin ang batang 'yon," sabi pa ni Gino. Bigla namang huminto sa paglalakad si Cayden dahilan para mapahinto din kami at lingunin siya. Kahit bahagyang nakangiti si Cayden ay malamlam ang kaniyang mga mata. "Zion is a cool kid. Ang kakayahan niyang iyon... hindi iyon dahil sa akin o dahil sa aming ama," sabi ni Cayden. "Hindi ako magtataka kung isang araw mahigitan niya na ako. Nakakatuwa kung darating araw na 'yon." Cayden. Maya-maya ay isang grupo ng kabataan ang narinig namin na naglalaro at nagtatawanan. Kabilang sa mga boses ng mga batang iyon ang isang pamilyar na halakhak; si Zion. "Mukhang tama ka, nandito nga siya," ngisi ko at tinanaw kung gaano sila kasayang naglalaro. Kasama ni Zion ang mga bata na sa tingin ko ay nakatira lamang din dito sa Blemington. Mga batang galing sa simpleng pamilya at tinuturing na nasa mga mababang antas ng lipunan. Gayon pa man, kahit na isang Mafia si Zion, bata pa rin siya at wala siyang pakealam sa mga ganoong bagay. "Saya mo ah," yamot na sabi ni Gino nang lapitan namin si Zion. Tila nanginig naman sandali si Zion nang marinig ang boses ni Zion kaya natawa ako ng pigil. "G-Gino!? K-Kuya Gyan? K-Kuya!? A-Anong ginagawa niyo dito!?" hindi makapaniwalang tanong ni Zion nang harapin niya kami. "Ano pa nga ba!? E di sinusundo kang bubwit ka! Ang saya-saya mo dito samantalang kami, sinasabon na kami ng mama mo! Lalo na ako!!!" ani Gino at nagtangka pang tumakas muli si Zion. Tinalikuran kami ni Zion at nang akma na siyang tatakbo palayo, kaswal namang hinawakan ni Cayden ang hood ng suot niyang dyaket at hindi na ito nakatakbo pa. "Huwag ka ng tumakas," ani Cayden. "Pwede ka pang maglaro, hihintayin ka naming matapos." Nilingon naming tatlo si Cayden at hindi kami makapaniwalang sasabihin niya 'yon. "Sandali, C-Cay? Gusto mo ba talagang mabaliw ang mama mo!?" ani Gino. "I'll inform her na kasama na natin si Zion. Isa pa... gusto niyo bang mabungangaan niya? Mamaya na tayo umuwi, ako ng bahala," ani Cayden at naupo ito sa bench. "Gusto ko din umidlip sandali. Kung nasa mansyon ako ay tiyak na uutusan na naman tayo doon. Dito na lamang muna tayo." Hindi ako umangal at umupo na lamang ako sa tabi ni Cayden. Binuklat ko ang librong dala-dala ko at nagsimulang magbasa. "Sige na Zion, maglaro ka na. Sabihan mo na lamang kami kung uuwi na tayo." Napahagod naman ng mukha si Gino at wala ng nagawa kung hindi umupo din sa kabilang tabi ni Cayden. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at nag-browse dito. "Haayy, bahala nga kayo. Maghahanap na nga lang ako ng ka-date sa Linggo." Hindi man ako nakatingin ng diretso kay Zion, alam kong nakatitig siya kay Cayden na kasalukuyang nakayuko ng bahagya at nakapikit ang mga mata. Nakapatong ang mga braso sa ibabaw ng kaniyang dibdib at animo'y natutulog. Sa tingin ko hindi niya inaasahang gagawin ito ng kuya niya. "Hmn! Ginawa nyo pa kong palusot kay mama, d'yan na nga kayo!" ani Zion at pumunta na sa mga kalaro niya. Hindi naiintindihan ni Zion ang takbo ng utak ni Cayden, pero tiyak kong pinili nito na manatili pa kami dito hindi dahil kay Tita Sashna, kung hindi para makapaglaro pa si Zion. Nais niyang magawa ni Zion ang mga bagay na hindi namin nagagawa noon. "Bata pa talaga sya," ani ko. "Pasalamat sya, si Cayden ang kuya nya at hindi ako, kung hindi ay kinutusan ko na siya kanina pa," sabi naman ni Gino. Hindi naman umimik si Cayden ngunit alam kong naririnig niya ang pinag-uusapan namin. Lumipas pa ang halos dalawang oras at malapit ng dumilim. Isa-isa ng nagpaalam ang mga kalaro ni Zion at masaya nitong kinawayan ang mga naging kaibigan. Lumapit siya sa amin at muli na namang binalik ang nakasimangot nyang anyo. "Hmp! Gusto ko pa sanang maglaro kaya lang umuwi na sila. Tara na, umuwi na din tayo," sabi ni Zion. Marahang minulat ni Cayden ang kaniyang mga mata at ngumisi ito. "May utang ka sa kin, sampung libo." Namilog ang mga mata ni Zion, at napabulalas, "A-Ano!? Siraulo ka ba? Paano ko nagkautang sayo!?" Tumayo si Cayden at nagsimulang maglakad, "Discounted na nga 'yan. Mahal kaya ang bayad sa oras ko." Sinakyan naman namin ang biro nya at sinundan na namin si Cayden, "Aba, dapat pala singilin din namin siya? Hmn. Okay na din sa akin ang sampung libo." "Ahhh, singkwenta ang sa akin! Grabe ang takot ko sa Harriet, bayaran mo rin 'yon! Huh!" dagdag ni Gino. "Hoooyyy!!! Anong pinagsasabi niyo! Hindi ko kayo babayaran! Mga baliw!!!" pikon na sabi ni Zion at tinawanan lamang namin sya. "Huwag! H-Huwag po! M-Maawa kayo!!! Tama na po!" isang boses ng batang babae ang narinig namin sa di kalayuan na syang kumuha ng aming atensyon. Nakita namin ang ilang kalalakihan na nakapalibot sa dalawang bata. Umiiyak na ang batang babae at ang isa pang bata ay namimilipit sa sakit habang nakaupo sa daan. "Huwag niyong saktang ang kuya ko! Hintayin niyo ang ate ko, lagot kayo sa kaniya!" matapang na hiyaw ng batang babae ngunit kinuwelyuhan lamang ito ng isa sa mga lalaki. "Aba, wala kang galang sa nakakatanda sa 'yo ha! Mukhang gusto mo ring masaktan, ano!?" sabi ng lalaki at umamba ito ng suntok sa batang babae. "HOY! Bitawan nyo siya!!!" humiyaw si Zion. Tumatagis ang ngipin niya at nanlilisik ang mga mata. "Hmn, mga kalaro mo ang mga batang 'yon kanina, hindi ba!?" tanong ko nang mamukhaan ko ang mga bata. Tumango lamang si Zion ngunit hindi pa rin inaalis ang mga mata niya sa kanila. "At sino naman kayong mga hudas kayo!? Huh, wag kayong makealam dito," ismid ng lalaki at padabog na binitawan ang batang babae. Nilingon namin si Cayden at naghihintay ng kaniyang sasabihin. Hangga't maaari, iniiwasan namin gumawa ng gulo lalo na at wala kaming kinalaman dito, ngunit ang anumang sasabihin ni Cayden ay hindi namin tinututulan. Ngumiti si Cayden na animo'y nagpapakumbaba, "Pasensya na, napadaan lamang kami. Alam nyo kasi kalaro ng kapatid ko ang mga batang 'yan, akala nya kasi ay sinasaktan nyo sila. Pasensya na." Humalakhak naman ng malakas ang mga kalalakihan na para bang tinutuya pa kami, "At sinong nagsabing sinasaktan namin sila? Nakikipaglaro lang din kami sa mga paslit na ito, ahahaha!" Nakikipaglaro? Huh! Mga siraulo, halata namang ginugulpi nila ang mga ito. "Ahh, gano'n ba," ang tono ng pananalita ni Cayden ay nag-iba at ngumisi ito na may kumpyansa. "Medyo nabitin kasi ang kapatid ko sa paglalaro kanina, baka naman... gusto nyo ring makipaglaro sa kaniya!?" "Cayden," tila nais awatin pa ni Gino si Cayden. "Hahaha! Wala namang problema, basta wag syang iiyak kapag nasaktan siya! Hahahaha," ani ng lalaki. "Hmp! Tignan natin kung sinong iiyak mamaya, huh!" sabi ni Zion at mabilis niyang sinugod sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD