Chapter 4
Alam ba ninyo yong pakiramdam na kilala nga ng lahat at napapalibutan ng maraming tao sa isang lugar pero ni isa roon hindi mo man lang naging kaibigan? Katulad sa school ngayon, oo kilala nila ako at nakakasalamuha pero ni isa sa kanila hindi ko ma-consider na kaibigan at kakilala lang na pwede mong maging partner sa school project o kaya makasabay mo sa canteen. Sanay na rin naman ako at mas maganda nga maging alone pero hindi self-pity ang pagiging mag-isa. Minsan mas lalo mo pang makilala ang sarili mo at mas mapapansin mo na maraming nagkakasiraan sa mga magkakaibigan kahit matagal na sila kaya ayoko rin matulad sa kanila.
Katulad ngayon mag-isa na naman akong kakain at papunta ako sa palagi kong spot sa ilalim ng punong talisay para mag-isip sa eulogy ko. Hindi pa rin ako nakakagawa at wala pa rin akong maisulat tungkol doon.
Naglalakad ako sa pasilyo nang makarinig ako ng ingay mula sa kanan malapit sa banyo ng mga girls na para bang mga boses lalaki na nag-uusap doon. Napataas ang isa kong kilay at napaisip. Dahan-dahan akong naglakad para malaman kong sino sila dahil baka mamaya nangbubuso na sila ng mga nagbabanyong babae ro’n.
Habang papalapit ako sa direksyon ng mga boses lalong lumalakas na para bang nagtatalo.
“’Wag mo nga sabi ako pakilaman kong gusto mo umalis ka na at saka sino ka ba!”
“Ang sabi ko lang itigil muna yan bago ka pa man mapa-guidance na naman. Hindi k aba nagsasawa?”
“Gusto mo ikaw suntukin ko!”
Nang tuluyan ko silang nasilayan nagulat na lang ako sa aking nakita, si Kelly na nakikipaghilahan ng rolling paint brush kay Kent, parehas na silang madungis dahil sa kulay asul na paint na nagkalat sa sahig at may nakasulat sa putting pader gamit ang asul na paint na: ROCK N’ ROLL!
Kung ano-ano pang mga graffiti na para bang binaboy ang malinis na pader sa labas ng banyo nong mga babae at mas lalong nakakabahala ang mga samu’t saring mga malalaswang salita roon. Napangiwi ako ng wala sa oras at napasulyap silang pareho sa akin nang makita nila ako.
Agad akong lumapit sa kanila, “sino may gawa niyan?” Dahil sino man ang sumira o gumawa ng vandalism sa paaralan namin ay may karampatan na parusa.
Bumitaw naman si Kent kay Kelly sa pagkakahawak sa rolling paint at para bang nagkukunwaring wala siyang alam sa nangyari. “Ewan ko dyan kay Kelly, kanina pagdating ko rito nag-vandal na siya, pinagsasabihan ko lang siya kaso ayaw naman niyang sumunod kaya nakipag-agawan na ako sa kanya kasi ayaw niyang masaway at…”
Hindi natapos ang sasabihin ni Kent nang binitawan niya ang rolling paint kaya bumagsak ito sa sahig at nagtalsikan ang ilang paint sa aking sapatos at dulo ng slacks kaya napaatras ako ng bahagya.
Napasulyap ako kay Kelly, “sorry,” sabi niya sa akin at umiling-iling siya, “hindi ako ang may gawa niyan, binabaliktad lang niya kwento at napadaan lang ako tapos ganyan na ang ginagawa niya.”
Nagkunwaring nagulat si Kent hindi ko baa lam kong umakting lang ba siya kasi hindi bagay, “naniniwala ka ba dyan kesa sa ‘kin?”
“Oo, mas maniniwala ako sa kanya,” sabay turo ko kay Kelly, “kesa sa ‘yo,” sabay balik ko sa kanya.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Kent at para bang nawala ang interest niya, “mas maniniwala ka pa pala sa suicidal na ito…” Bago pa man niya maituloy ang sasabihin niya nang sugurin siya ng suntok ni Kelly kaya nagulat ako.
Kilala kasi siyang mapagkumbaba at palaging tahimik pero na-triggered siya sa usapin na suicidal kaya siguro napuno na siya kay Kent. Hindi naman nagpatalo si Kent kaya agad niyang sinugod ng suntok sa mukha si Kelly at parehas silang natumba sa dulas din ng sahig. Ngayon hindi ko na alam kong paano sila aawatin, ayokong makisali sa kanila at baka masuntok pa nila ako. Alam ko naman mamamatay na ako pero ayoko lang madaliin ang sarili ko sa bagay na yon.
“Tama na yan!” Sigaw ko nang nasa ibabaw na si Kent kay Kelly. Hindi makaganti si Kelly kay Kent dahil mas malakas si Kent kesa sa kanya.
Hindi ko na talaga alam kong paano sila papatigilan, “bahala na nga,” bulong ko sa sarili ko at saka ako pumasok sa banyo. Kumuha ako ng timba at nilagyan yon ng tubig galing sa gripo. Hindi ko naman pinuno na tama lang na may magamit ako para sa kanila. Nang makakalahati ang tubig sa timba ay agad kong kinuha yon at lumabas na buhat ang timba.
Pikit-mata at nakakagat labi pa akong sinaboy sa kanila ang tubig. Nang idilat ko ang mga mata ko gulat na gulat silang nakatingin sa akin, parehas nakahinto ang mga kamay niya habang hawak ang mga kwelyo nila at basang-basa. Hawak ko pa rin ang timba at nawala ang kaba ko pero para kaming nagkalat sa labas ng banyo.
Bumitaw si Kent at tumayo habang nakatingin ng masama sa akin. “Anong ginawa mo?” Inis niyang tanong sa akin na para bang hindi siya magdadalawang isip na saktan ako kahit na babae ako. Bago pa man siya makalapit sa ‘kin may nagsalita sa di kalayuan ngunit tama lang para marinig namin.
“Ano yan?!”
Sabay-sabay napalingon ang mga ulo namin sa direksyon ng boses na ‘yon at gulat na gulat nakatingin sa amin si Adam. Na para bang hindi siya makapaniwala at nanatiling nakasalampak si Kelly sa sahig na may pasa gilid ng kanyang labi.
Lumapit sa amin si Adam na nanatiling may seryosong mukha at isa-isa kaming tinitignan, “sino may kagagawan nito?” Pinagmamasdan niya ang nangyayaring kalat at ang sulat sa pader gamit ang asul na pintura.
Pinikit niya ang mga mata niya at muling idinilat. Para bang pinapakalma ang sarili at hindi rin makapaniwala.
Bigla naman nagsalita si Kent, “si Kelly ang may kasalanan nito,” sabi niya.
“Teka lang,” lahat naman sila’y napasulyap sa akin nang magsalita, “sa tingin mo maniniwala ka sa kanya, kong papapiliin ko kong sino ang may gawa nito syempre si Kent na ‘yon at saka sabi rin ni Kelly na si Kent ang may gawa nito kaya ‘wag kang maniniwala sa kanya.”
Isa-isa niya kaming tinignan na para bang kinakalkula niya kong sino ang nagsasabi sa amin ng totoo, huminga siya ng malalim bago niya sinabi ang naging desisyon niya, “kayong tatlo kailangan ninyong pumunta sa guidance office para makausap kayo sa ginawa ninyo,” seryoso niyang sabi.
“Ano?” Hindi ako makapaniwala sa naging desisyon niya. Lumingon si Kent sa ‘kin at ngumisi lang na para bang nang-aasar na lalo kong kinainis sa kanya. Ang sarap niyang sabunutan o kaya buhusan ng tubig uli.
“Dalian ninyo,” utos ni Adam kaya wala akong nagawa kong di ang sumunod sa kanya nang iwan ko yong timba sa banyo.