CHAPTER EIGHT

1841 Words
YANNA “YANNA… Yanna…” Napakurap-kurap ako nang maramdaman ko ang malakas na pagtapik sa kanang pisngi ko kaya nagising ako sa malaswang paglalakbay ng aking diwa at sumalubong sa akin ang nag-aalalang mukha ni Uncle na nakadukwang at ilang dangkal lang ang layo sa mula mukha ko. Ramdam ko ang mainit niyang hininga na tumatama sa balat ko. Hindi ko napigilang mag-blush nang maalala ko kung paano ko pinantasya ang mga labi ng fiancé ni Auntie Marge. Nakakahiya! “Thanks, God, you’re okay!” natutuwang bulalas ni Uncle Jaxx, sabay yakap nang mahigpit sa akin. Nanigas yata ang katawan ko nang maramdaman ko ang mainit na yakap niya sa akin. Nakaramdam na naman ako ng hindi maipaliwanag na kiliti sa kaibuturan ko ngunit alam ko na hindi ito tama. Kaya mabilis kong itinulak si Uncle Jaxx at saka bumangon. “H-hindi po ako makahinga, Uncle,” nauutal na sabi ko habang hindi ako makatingin nang diresto sa mga mata niya. “I’m sorry, Yanna. Nag-alala lang kasi ako sa’yo kanina nang matulala ka. Akala ko kung ano na ang nangyari sa’yo,” paliwanag niya na bakas nga ang sinserong pag-aalala sa boses niya. Napatingin ako sa mga labi ni Uncle Jaxx. Ano kaya kung totohanin ko ang paghalik ko sa pisngi niya at baka sakaling maging totoo rin ang pagkuyumos niya sa mga labi ko? Bigla akong tinamaan ng hiya sa sarili ko dahil sa ideyang iyon kaya naman mabilis akong tumingin sa ibang direksiyon at napapikit nang mariin. I’m sorry, Auntie Marge. Wala po akong balak na agawin sa inyo ang fiancé n’yo. Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito ngayon. Pero ang guwapo niya talaga. At mukhang… masarap. Muli kong kinastigo ang sarili ko. Kasalanan talaga ‘to ni Manang Janeth at ng mga online story na binabasa namin, eh! Siguro, kailangan ko nang magpalit ng genre. “Kumusta na ang pakiramdam mo? Nahihilo ka pa ba?” malambing na tanong sa akin ni Uncle Jaxx. “H-hindi na po, Uncle. Salamat po…” Tumayo na ako. “Babalikan ko lang po sa itaas si Auntie Marge para sabihin sa kaniya na nandito po kayo.” “Okay. Pero mag-ingat ka sa pag-akyat sa hagdan. Dahan-dahan lang at baka mahilo ka na naman.” Tumayo na rin siya at hinawakan pa niya ako sa braso para alalayan. Para akong napaso sa ginawa niyang iyon kaya naman pasimple kong binawi ang braso ko at umatras palayo sa kaniya. “Okay na okay na po, Uncle. Huwag na po kayong mag-alala sa akin.” Alanganin akong ngumiti sa kaniya bago tumalikod. “Sasamahan na nga lang kita! Baka kung mapaano ka pa,” biglang bulalas ni Uncle Jaxx bago pa man ako makarating sa hagdan. “Naku, huwag na po, Uncle. Makakaabala pa ako sa inyo,” nahihiyang sabi ko. Bigla kasing nag-init ang mukha ko nang akbayan niya ako. Ang totoo niyan, hindi naman ito ang unang beses na inakbayan ako ni Uncle Jaxx. Parang normal na nga lang ito sa kaniya sa tuwing magkasama kami. Palagi kasi akong chaperone sa mga date nila ni Auntie Marge. At kapag magkasama kaming tatlo, hindi lang siya sa tiyahin ko sweet at gentleman kundi pati na rin sa akin. Pati sa mga regalo. Halos lahat ng mga ibinibigay niya kay Auntie Marge, palaging meron din ako. Kaya nga marami ang nag-aakala na tunay na pamangkin daw ako ng isa sa pinakamayamang haciendero dito sa Bacolod. Dati, walang malisya sa akin ang simpleng pag-akbay at pag-alalay sa akin ni Uncle Jaxx. Kaya litong-lito ako sa nararamdaman ko ngayon. Hindi ko alam kung saan ito nanggaling at bigla na lang sumibol sa loob ng dibdib ko. “But I insist,” nakangiting giit niya. Nag-iinit pa rin ang buong mukha ko nang makarating kami sa second-floor ng bahay. At hindi iyon alam ni Uncle Jaxx. Kaya tahimik lang ako dahil baka mapansin na niya ang pagkautal ko. “Dalawang taon na rin pala simula ng maging registered nurse ka. Wala ka bang balak magtrabaho sa mga ospital, Yanna?” kaswal na tanong niya habang naglalakad na kami papunta sa kuwarto ni Auntie Marge. “Siyempre po, gusto ko, Uncle. Gustong-gusto. Pero kilala n’yo naman ho si Lola Salud. Hindi ako papayagan no’n na umalis sa poder niya,” malungkot na sagot ko. “Iyon na nga ang sabi ko sa Auntie Marge mo. Na kapag ikinasal na kami, kukunin ka na namin at isasama ka namin sa Hacienda Aragon. Doon, magiging malaya ka, Yanna. Puwede mong gawin ang kahit anong gusto mo.” Kahit sinabi na iyon sa akin ng tiyahin ko, hindi pa rin ako makapaniwala. “Naku, maraming salamat po, Uncle. Pero okay na po ako dito sa poder ni Lola Salud. Bukod sa wala siyang kasama, nakakahiya po kung pati ako ay sasama pa sa hacienda n’yo.” “At bakit ka naman mahihiya?” Parang naaaliw na tinapik-tapik ni Uncle Jaxx ang balikat ko. “Magiging asawa ko na ang Auntie Marge mo. Magiging isang pamilya na tayo. At alam mo naman na noon pa, tunay na pamangkin na ang turing ko sa’yo, Yanna.” Palagi ko namang naririnig na sinasabi niya ang mga iyon. At dati, natutuwa talaga ako. Pero ngayon, parang may panghihinayang akong nararamdaman na hindi ko mawari. Hindi na ako nakasagot pa kay Uncle Jaxx dahil huminto na kami sa tapat ng kuwarto ni Auntie Marge. At eksaktong kakatok pa lang kami ay bumukas naman iyon at iniluwa ang tiyahin ko. “Hon!” tuwang-tuwang na yumakap sa leeg ni Uncle Jaxx si Auntie Marge. “Kanina ka pa yata. Nainip ka ba?” “Hindi naman. Sinamahan kasi ako ni Yanna,” malambing naman na sagot ni Uncle Jaxx bago niya hinapit sa beywang si Auntie Marge kaya bigla akong napaiwas ng tingin. Pero nang magtukaan silang dalawa ay tumalikod na ako. Pakiramdam ko kasi, kalabisan na ako sa eksena. Noon, natutuwa ako kapag nakikita ko kung paano sila magmahalang dalawa. Kinikilig pa ako para sa auntie ko. Masaya ako para sa kaniya dahil napunta siya sa tamang tao. Napakabuti niya kaya deserve niya ‘yon. Pero ngayon… Parang gusto ko na ako naman ang… tutukain ng Uncle Jaxx ko! YANNA ILANG BESES na rin akong nakarating dito sa Hacienda Aragon. Pero hindi ko pa rin mapigilan ang aking sarili na mamangha sa tuwing pumupunta ako rito. Kung hindi ako nagkakamali, triple ang lawak ng lupain nito kumpara sa Rancho Leonora. Nakakalula ang mga tubuhan na hindi kayang sukatin ng paningin ko lang. Sa magagandang tanawin pa lang tulad ng mga bukid at mga hardin, busog na busog na ang mga mata ko. Pero ang isa sa pinakagusto ko sa lugar na ito ay ang mga bahay ng mga Aragon na nagpapakita ng tradisyonal na arkitektura ng mga Espanyol. Kaya ito kilala sa buong Pilipinas dahil sinasalamin nito ang yaman ng kultura at kasaysayan ng mga Negrense. Ilang beses na nga itong naitampok sa mga palabas. At isa ito sa dahilan kung bakit binansagan na ‘Organic Agriculture Capital of the Philippines’ ang Negros Occidental dahil sa malaking bahagi ng lupain na nakalaan para sa organikong pagsasaka. Sa pagkakaalam ko, asukal ang pangunahing produkto ng Hacienda Aragon. Hindi lang buong Pilipinas ang sinu-supply-an nila kundi nag-e-export din sila sa ibang bansa. Bukod sa tubo, mayaman din sa iba’t ibang produkto ang lupaing ito tulad ng palay, mais at mga prutas gaya ng mangga, saging at iba pang local fruits at gulay ng Negros Occidental. “Maayong aga, Donya Salud, Senyorita Marge kag Senyorita Yanna,” magalang na bati sa amin ng mga trabahador na naglalakad habang dahan-dahan na tumatakbo ang aming sasakyan sa salitang Hiligaynon. ‘Magandang umaga’ ang ibig nilang sabihin. Bukod sa kilala rin naman dito sa Bacolod ang Rancho Leonora, lalo pa kaming nakilala nang maging nobyo ni Auntie Marge si Uncle Jaxx. Palagi rin kasi kaming nandito kapag may mga special occasion. Tulad ngayon, fiesta dito sa kanila kaya in-invite kami ni Uncle. Nakangiti na dumungaw ako sa bintana para batiin ang mga trabahador. “Maayong aga man sa inyo. At Happy Fiesta!” “Isara mo nga ang bintana at pumapasok ang mabahong amoy ng mga hampaslupa na ‘yan!” galit na saway sa akin ni Lola Salud, sabay hila sa buhok ko kaya napa-aray ako. “Tuwang-tuwa ka naman na tinatawag ka nilang ‘senyorita’. Tandaan mo, dugo mo lang ang ‘Severino’ pero muchacha ka pa rin.” “Ma, stop it!” saway sa kaniya ni Auntie Marge na nasa tabi ng driver. “Totoo naman ang sinasabi ko, ah. Kung hindi nga lang hiniling ni Jaxx na isama natin ang muchacha na ‘yan, hinding-hindi siya makakatapak sa mansion ng mga Aragon. Sa tubuhan siya nababagay, kasama ng mababahong trabahador na iyon.” Mangiyak-ngiyak na napayuko na lang ako. Kung alam lang siguro ng mga tao rito sa Hacienda Aragon ang tunay na ugali ni Lola Salud, baka kahit ang batiin siya ay hindi nila gagawin. Though, sa pagkakakilala ko sa mga tao rito, mayaman man at mahirap, pare-parehong mababait at magagalang. Mga palabati at masayahin pa. Siguro dahil sa mabait nilang amo. Pero malabong mangyari na malalaman ng mga tao ang tunay na ugali ng lola ko. Magaling kasi siyang makipag-plastikan. Hindi na lang ako kumibo sa natitirang biyahe namin para hindi na ako mapansin at pag-initan ni Lola. Hanggang sa huminto ang sasakyan namin sa loob ng malawak na bakuran ng Aragon’s Mansion, kung saan nakatira si Uncle Jaxx. Nawala lahat ng sama ng loob ko dahil sa mga sinabi ni lola at parang tumalon sa tuwa ang puso ko nang makita ko si Uncle Jaxx na nakangiting sumalubong sa amin. Mint green polo at cream chinos ang suot niya. Simple lang pero mapapalingon ka talaga. Bagong ligo pa naman siya. Mukhang ang bango-bango ni Uncle! Hindi na siya nakapaghintay. Siya na ang bumukas ng pinto para makababa sina Auntie Marge at Lola Salud. Pati ako, pinagbuksan din niya. “Hi, Yanna. ‘Buti naman at nakasama ka,” bati niya sa akin. Napalunok ako dahil sa tingin na ibinigay niya sa akin. I don’t know. Pero para kasing ang lambing ng dating sa akin ng pagbati niyang iyon. “Hello po, Uncle. Happy Fiesta po,” mahinang bati ko dahil baka marinig na naman ni Lola Salud at may masabi na naman siya. At hindi nga ako nagkamali. Dahil nahuli ko ang pag-irap niya nang malingat si Uncle Jaxx. “Pasok na po kayo, ‘Ma!” Masigla niyang iginiya papasok sa mansion sina Lola Salud at Auntie Marge. Sinadya ko namang magpahuli dahil ayaw ng lola ko na sumasabay ako ng lakad sa kanila. Pero hindi ko akalain na babalikan ako ni Uncle Jaxx at hinila niya ang kamay ko. “Pumasok ka na bago mo pa makita ang bagong katay na mga baboy. Himatayin ka na naman.” Muntik ko nang mapigil ang hininga ko sa sinabi ni Uncle. Bakit kasi kailangan pang kindatan niya ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD