One year ago…
YANNA
"YANNA, magpahinga ka na. Ako na ang tatapos niyan. Kaninang umaga ka pa linis nang linis dito sa garahe," naaawang wika sa akin ng kasamahan kong kasambahay. Si Manang Janeth.
"Salamat na lang po, Manang. Pero ako kasi ang inutusan ni Lola Salud na gagawa nito, eh. Ayokong madamay ka kapag nagalit siya sa akin."
Napaismid ang kasambahay na limang taon ang tanda sa akin. "Ewan ko ba do'n sa matandang iyon. Nanay siya ng nanay mo pero alipin talaga ang turing niya sa'yo. Walang kasing sama ang ugali."
"Oo nga naman, Yanna. Labinwalong taon ka ng naninilbihan dito sa lola mo. Nakapagtapos ka naman ng nars," sabat naman ng mayordoma namin na si Manang Emeng. "Pitong taong gulang ka pa lang nang iuwi ka rito ng Lola Salud mo para gawing alila. At ngayong bente singko anyos ka na, alila pa rin ang turing niya sa'yo. Kung hindi ko lang talaga kailangan ang trabahong ito, matagal ko na siyang nilayasan at isinama na kita."
Pilit akong ngumiti. "Sila na lang po kasi ang natitira kong pamilya, Manang Emeng."
"Hindi porke't kadugo, kapamilya na," giit ng mayordoma namin.
"Tama. 'Buti na lang at hindi kayo nagmana ni Señorita Marge sa kasamaan ng ugali ni Donya Salud," dagdag pa ni Manang Janeth. "At sigurado ako na kasing bait n'yo rin ang nanay mo. Kasi kay Don Fernando kayo nagmana. Sayang nga lang at maaga siyang nawala sa mundong ito."
Bigla akong malungkot nang maalala ko si Nanay.
Eighteen years na rin pala simula nang mawala sila ni Tatay dahil sa pamamaril na iyon sa bahay namin. Pareho silang dead on arrival nang dalhin kami sa ospital. Ako lang ang masuwerteng nakaligtas.
Ang sabi ng mga pulis na nag-interview sa akin pagkagising ko noon, may nakarinig daw ng putukan sa isla at saka ini-report.
Maraming itinanong sa akin ang mga pulis tungkol sa nangyari pero wala akong maisagot kahit isa. Dahil kahit ako man, hanggang ngayon, malaking palaisipan pa rin sa akin kung sino ba talaga ang pumatay sa mga magulang ko. Oo, masiyado pa akong bata noon. Pero wala naman akong natatandaan na kaaway nila.
Pero mas malaking katanungan sa akin hanggang ngayon ang estrangherong lalaking tinulungan namin ng pamilya ko.
Bigla na lang kasi siyang nawala nang magising ako. Ang sabi ng mga pulis, wala naman daw silang nakitang ibang tao sa bahay namin nang mangyari ang pamamaril, maliban sa amin ng pamilya ko. Wala rin daw silang nakuhang bakas na may ibang tumira sa kubo na pinagtaguan noon ni Tatay sa estrangherong lalaki.
Akala tuloy nila, nagha-hallucinate lang daw ako dahil sa trauma. Mabuti na lang daw at agad akong na-cover ni Nanay kaya katawan niya ang naratrat ng bala at sa balikat lang ako tinamaan.
Gusto kong isipin na ang lalaking iyon ang may kagagawan. Pero kahit anong pilit ko, hindi ko kayang kumbinsehin ang sarili ko. Hindi dahil sa hindi ako naniniwala na masama siyang tao.
Hindi ko lang kayang tanggapin na pagkatapos siyang tulungan ng pamilya ko, iyon pa ang igaganti niya sa amin. Sayang nga lang at hindi ko nakita ang mukha niya noon.
Kaya nga simula nang magkaisip ako, hindi na ako tumigil sa paghahanap sa lalaking iyon. Kung hindi man siya ang salarin, umaasa ako na siya ang makakapagbigay sa akin ng kasagutan.
Kahit matagal ng itinuturing na case closed ng mga pulis ang nangyaring iyon.
Sa ano mang rason, hindi ko alam. Basta wala na akong napapala sa pagpapabalik-balik ko sa mga pulis. Hindi naman ako matulungan ni Auntie Marge dahil hindi niya alam ang totoong nangyari. Kabilin-bilinan ni Lola Salud na huwag ko na raw ipaalam sa tiyahin ko at baka madamay pa. Kaya ang alam ni Auntie, nalunod lang sa dagat ang mga magulang ko nang lumubog ang bangka na sinasakyan namin.
Mas lalong ayaw ko na mapahamak ang mabait kong tiyahin kaya hangga't kaya ko, itatago ko sa kaniya ang katotohanang iyon.
Gayon man ay patuloy ang pangako ko sa aking sarili na hindi ako titigil hangga't hindi ko nabibigyan ng hustisya ang nangyari sa mga magulang ko. Kahit gaano pa kahirap.
"Nakatunganga ka na naman!"
Napasigaw ako nang bigla na lang may nagsaboy ng tubig sa mukha ko. Bigla akong kinilabutan sa takot nang makita ko si Lola Salud na nakatayo sa harapan ko at may hawak na tabo.
"Lola!" Mabilis pa sa alas kuwatro na bumalik ako sa pagkukuskos sa sahig. "P-pasensiya na po. Napagod lang po ako kaya nagpahinga ako sandali," nanginginig ang boses na paliwanag ko.
"Oo nga naman ho—"
"Huwag kang mangialam dito, Emeng, kung ayaw mong pati ikaw ay pagkukukuskusin ko rin ng sahig!" galit na baling ni Lola Salud sa mayordoma.
Agad ko naman silang sinenyasan ni Manang Janeth na umalis na.
Kaya ayaw ko na tinutulungan nila ako sa mga gawain o kaya ay ipinagtatanggol kay Lola Salud. Ayokong madamay sila sa galit nito sa akin.
Ngayon ko naiintindihan kung bakit kami nagpakalayo-layo noon ng pamilya ko. Kung bakit malupit sa akin si Lola Salud kahit tunay na apo naman niya ako. Itinakwil daw ng lola ko si Nanay nang mabuntis siya habang nag-aaral sa Mexico. At imbes na bumalik sa masaganang buhay sa poder ni Lola Salud, pinili daw ni Nanay ang mahirap na buhay, kasama ang tatay kong Mexicano.
Panganay na anak daw kasi si Nanay at siya ang inaasahan ni Lola Salud na mamamahala sana ng rancho kapag nag-retire na ito.
Kaya ako ngayon ang nag-aani ng matinding galit niya kay nanay. Gayon man, hindi ako nagtatampo sa kaniya.
Hindi rin ako galit sa lola ko kahit ganito ang turing niya sa akin. Dahil para sa akin, lola ko pa rin siya. At mahal ko siya.
"Aray ko po!" Napaigik ako nang sabunutan ni Lola Salud ang buhok ko. "Tama na po, Lola. Nasasaktan na po ako."
"Kulang pa 'yan sa halos dalawang dekada na pagpapalamon at pagpapatira ko sa'yo sa bahay na ito, Yanna. Nagsisisi nga ako kung bakit pumayag ako na kupkupin ka nang dalhin ka sa akin ng mga pulis. Dahil wala kang silbi!" Galit na kinuha ni Lola Salud ang water hose at binasa niya ang buong katawan ko.
Tuluyan na akong napaiyak nang matumba ako sa sahig dahil sa lakas ng pressure niyon.
"Ma! Ano na naman ba 'yan?"
Nakahanap ako ng kakampi nang makita ko ang pagdating ng bunso at nag-iisang kapatid ni Nanay na si Auntie Marge. Hindi tulad ni Lola, mabait siya sa akin at mahal niya ako gaya ni Nanay. Fifteen years ang tanda niya sa akin. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi ako makapagtapos sa pangarap kong kurso.
Ang maging teacher.
Pero kahit license teacher na ako, ayaw pa rin akong payagan ni Lola Salud na umalis sa poder siya. At siya lang daw ang puwedeng magsabi kung kailan iyon mangyayari hangga't nabubuhay siya.
"Itong magaling mong pamangkin, napakatamad! Inutusan kong maglinis pero naabutan kong nakikipagtsismisan lang sa ibang muchacha."
Gusto kong ipagtanggol ang sarili ko pero ayokong humaba pa ang gulo at maipit na naman si Auntie Marge.
"Nagpapahinga lang siguro si Yanna, 'Ma. Naglilinis na iyan bago ako umalis tapos naglilinis pa rin hanggang ngayon. Hindi ka ba naaawa sa apo mo, Ma?"
Lalo akong napaiyak at naawa sa aking sarili nang marinig ko na naman ang madalas na pagtatanggol sa akin ni Auntie Marge.
"Huwag mong pakialaman ang mga desisyon ko kung ayaw mong tanggalan din kita ng mana, Margarita! Hangga't nasa poder pa kita, ako pa rin ang masusunod," galit din na baling ni Lola Salud sa tiyahin ko, sabay pasok sa loob ng mansiyon.
"Sana hindi n'yo na lang po ako ipinagtanggol, Auntie Marge. Para hindi na po kayo nadamay," humihikbi na sabi ko.
"Stop crying, Yanna." Naaawa na hinimas ng tiyahin ko ang likod ko. "Intindihin na lang natin ang lola mo. Matanda na kasi kaya palaging high blood. Don't worry. Kapag naikasal na kami ng Uncle Jaxx mo, isasama kita sa bahay namin. At alam natin na wala ng magagawa si Mama kapag si Jaxx ang nagsabi."
Biglang umaliwalas ang mukha ko nang marinig ko ang pangalan ng fiance ni Auntie Marge na si Uncle Jaxx Aragon.
At bakit hindi?
Bukod sa tiyahin ko at sa mga kasamahan kong kasambahay, isa si Uncle Jaxx sa mga taong mabait sa akin simula nang maulila ako. Dalawang taon na rin ang relasyon nila kaya magpapakasal na sila.
Napakasuwerte ni Auntie Marge kay Uncle Jaxx. Bukod sa mabait, isa siya sa itinuturing na pinakamayamang tao, hindi lang dito sa Bacolod, kundi sa buong Pilipinas. Isa siyang bilyonaryong haciendero at marami pang negosyo sa iba't ibang panig ng Asya, ayon sa auntie ko. Pero kahit saksakan ng yaman, isa si Uncle Jaxx sa pinaka-humble na taong nakilala ko.
At higit sa lahat, ubod din siya ng guwapo. Kahit nasa kuwarenta na ang edad niya, parang nasa thirties lang ang hitsura at katawan niya.
Kaya bagay na bagay sila ng Auntie ko. Parehong mayaman, mabait at guwapo at maganda.
"Talaga po, Auntie? Isasama n'yo ako ni Uncle Jaxx sa bahay n'yo kapag naikasal na kayo?" excited na tanong ko.
"Oo naman! Ayaw mo ba?"
"Siyempre po, gusto. Pero paano naman po si Lola Salud? Sino ang makakasama niya rito kung sasama ako sa inyo ni Uncle Jaxx?"
Napabuntong-hininga si Auntie Marge. "Hay, Yanna. Wala na talaga akong masabi sa kabaitan mo. Kaya ka inaapi ni Mama, eh."
"Mahal lang talaga natin siya, Auntie. Aminin mo..." biro ko sa kaniya at nagkangitian kaming dalawa.
"Well." Nagkibit-balikat ang auntie ko. "She's still my mother kahit gaano siya ka-bruha. Kaya pasensiya ka na kung ito lang ang kaya kong gawin para sa'yo, ha?"
"Masaya na po ako na kasama kita, Auntie Marge. Parang kasama ko lang din kasi si Nanay. Kung nabubuhay lang siya...."
"O, o," mabilis na pigil niya sa sasabihin ko pa. "Bawal na tayong malungkot, 'di ba? Lalo na at isang buwan na lang, ikakasal na kami ng Uncle Jaxx mo. Kaya happy-happy at love-love lang muna tayo, okay?"
"Opo, Auntie Marge!" Natatawa na napayakap ako sa kaniya. Pero dahil basa ang buong katawan ko kaya nabasa rin ang damit niya. "Sorry po, Auntie."
"It's okay. Magbibihis na rin ako at parating ang Uncle Jaxx mo. Ikaw, magpalit ka na rin. Baka magkasakit ka pa."
"Tatapusin ko lang po ito, Auntie. Baka kasi magalit na naman sa akin si Lola, eh."
"Pero—"
"Okay lang ako, Auntie. Kayo po ang kailangang mag-ayos na para lalo po kayong gumanda kapag nakita kayo ni Uncle Jaxx mamaya," nanunukso na pagtataboy ko kay Auntie Marge.
Kinikilig naman na pumasok siya sa loob ng mansiyon.